Sunday, January 9, 2011

Ang Pista ng Hesus Nazareno ay Krimen ng mga Obispo

KATATAPOS ko lang manood ng mga balita sa 24 Oras ng GMA7 at TV Patrol World ng ABS-CBN hinggil sa kahindik-hindik na selebrasyon ng kapistahan ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo, Lungsod Manila. Sa huling tala umano ng National Red Cross ay 555 na ang mga nasugatan sa napakagulong prusisyon. Ang 555 ay brand ng isang sardinas at kung titingnan mo ang mga debotong tilang nagpapatayan makahawak lamang sa estatwa ng Hesus Nazareno ay isang understatement lamang kung sasabihing mistulang mga sardinas ang tao doon. At tandaan din natin na ang sardinas ay staple food ng mga mahirap na siyang karamihan sa mga mistulang nabaliw na sa kanilang mga panatang mukhang hindi pinag-isipan.
            Oo, krimen ng mga obispo’t pari ng simbahang Katoliko, lalo na ng arsobispo ng Manila at ang mga naka-assign sa simbahan ng Quiapo, ang taon-taong madugong prusisyon ng kapistahan ng Hesus Nazareno. Mabuti nga ngayon, mga nahimatay at nasugatan lamang sa paa ang maraming mga biktima nitong pagpipista. May mga taon na may namamatay talaga. Walang ibang dapat sisihin sa mga kamatayan at disgrasyang ito kundi ang mga pari at obispo na pinananatiling mangmang ang mga deboto.
            Walang ginagawa ang mga pari at obispo upang pagsabihan ang mga deboto na masama ang kanilang ginagawa: yung nagtutulakan, nagtatapakan, at nagsisipaan makalapit lamang sa estatwa at makahawak sa lubid. Sana kasi, ipinapaliwanag ng mga pari at obispo sa mga tao na si Hesus Nazareno ay isa lamang sa mga imaheng persona ni Hesu Kristo na ating tagapagligtas. Ito ang Hesus Kristo na nasa sabsaban natin sa ating mga belen kung Pasko, ito si Santo Niño, ito si Sacred Heart of Jesus, ito ang nakapako na si Hesus, at marami pang iba. Samakatuwid, kahit saang simbahan ka pumunta kahit anong araw at oras ay nandoon si Hesus. Kahit sa bahay ka magdasal maririnig ka ni Hesus. Hindi mo kailangang makipagsiksikan sa mga prusisyon para lamang marinig ka ni Hesus. Mababaw lamang kasi na pananampalataya ang mga pagpahid-pahid ng panyo sa mga imahen ng mga santo.
            Katulad na lamang kaninang madaling-araw sa Quirino Grandstand sa Luneta kung saan ilang araw nang nandoon ang replika ng imahen ng Hesus Nazareno na pinipilihan ng libo-libong tao. Habang nagmimisa si Cardinal Gaudencio Gonzales, ang Arsobispo ng Manila, biglang nagkagulo sa imahen ng Hesus Nazareno dahil pinaghahandaan na ang pag-umpisa ng prusisyon. Sinugod ng mga deboto ang entablado at nagtutulakan, nagtatadyakan, at nagsisitalunan makahawak lamang sa estatwa. Nagulo ang misa. Ito na sana ang pagkakataon na pagalitan ng obispo ang mga tao at ipaliwanag ang tama, lohikal, at sibilisadong paniniwala. Sana oportunidad na iyon na wastuin ang lihis at malapaganong debosyon ng mga tao. Pero hindi ito ginawa ng arsobispo. Pinakiusapan lamang niya ang mga tao na tumahimik muna at huwag gumalaw.
            Ngayon ang tanong ay heto. Bakit pinababayaan ng mga pari at obispo ang ganito kahibang na debosyon? No brainer ang sagot. DONASYON! PERA! Limpak-limpak na salapi para sa simbahan.
            Isipin mo nga naman. Halimbawa, may isang milyong uto-utong deboto lamang ang pupunta sa simbahan ng Quiapo at sa Quirino Grandstand sa tatlong araw na selebrasyon. Bawat isa ay magdo-donate ng piso. Imadyin, tatlong milyong piso na iyon! Alam natin na sa mga pistang ganito, talo ang ASAP XV at Party Pilipinas sa dami ng isponsor. Kaya hinahayaan ng mga pari at obispo na mananataling hangal ang mga deboto sa kanilang di-rasyunal na paniniwala para magkamal ang simbahang Katoliko ng mas maraming pera. Kaya di ba, ang sarap ng buhay ng mga pari at mga obispo? Ang mga obispo may mga palasyo ‘yan. Nakapasok na ba kayo sa kumbento ng mga malalaking simbahan at basilika? Nandoon ang lahat ng mga masarap na pagkain! May isang basilika akong binibisita noon na sa kainan nila ay may tatlong ref na punong-puno ng mga pagkain! Donasyon at pera ‘yan ng mga uto-utong deboto.
            Bakit kamo uto-uto? Bakit sino ba ang nagsabing puwedeng bayaran o i-bribe ang Diyos para biyayaan ka Niya? Ang akala mo ba ang mga santo parang mga traffic enforcer ng MMDA na puwede mong bigyan ng isandaan o limandaan kung hulihin ka nila dahil nilabag mo ang batas-trapiko? O akala mo ba ang Diyos parang mga huwes na puwede mong bigyan ng pera para malusutan mo ang mga kaso mo na talaga namang ginawa mo? Hindi tahasang sinasabi ng mga pari at obispo na nagtatanggap ng lagay at tong ang Diyos pero dahil sa pangungunsinti nila ng mga hibang na debosyon—gaya ng mga debosyon sa Hesus Nazareno at Santo Niño—ay ito nga ang mensaheng pinaparating nila. Kaya kasalanan talaga nila kung kada taon ay lumalampas sa limandaang katao ang nadidisgrasya sa kapistahan ng Hesus Nazareno.
            Wala man lang pari o obispo ang nagsabing maling-mali ang magsakitan makahipo lamang sa imahen ni Hesu Kristo. Na isang mababaw iyon na uri ng debosyon. Na hindi matutuwa ang Diyos kapag makita niya ang mga eksena sa napakagulong prusisyon. Paano, luho nila ang nakasalalay dito.
            Kaya sa tingin ko tama talaga si Dante Alighieri sa kaniyang librong Divina Comedia, partikular sa librong Inferno. Nasa pinakamalalim at pinakamainit na bahagi ng impiyerno napupunta ang kaluluwa ng mga pari at obispo! Hindi pa nasaksihan ni Alighieri ang pista ng Hesus Nazareno niyan ha.
            Sa totoo lang, walang bago sa sinasabi ko ngayon hinggil sa pagbasa ko sa penomenon ng hibang na debosyon. Matagal na itong sinabi at sinulat ni Jose Rizal. Noong 1896 pa pinatay ng mga Kastila si Rizal dahil hindi gusto ng mga prayle, ng mga obispo, ang tabas ng kaniyang dila at talas ng kaniyang panulat. 2011 na ngayon, nagpapauto pa rin tayo sa mga pari, prayle, at obispo.

[9 Enero 2011
Lungsod Pasig]

Saturday, January 1, 2011

Dapat Pamarisan si Hannah Montana

SA mga sumusubaybay sa aking mga sinusulat, alam nila na anti-American ako. Kaya siguro nagtataka sila ngayon kung bakit iniendoso ko si Hannah Montana, isang American pop culture icon, na pamarisan ng kabataang Filipino. Ganito kasi iyon.
            Noong araw ng Pasko, habang nanonood ako ng telebisyon, napadaan ako sa tsanel na Fox Family Movies. Mukhang family drama ang palabas kung kaya nanood muna ako. Nagustuhan ko ang aking napanood. Tungkol ito sa isang sikat na dalagitang singer na si Hannah Montana. Palagi siyang pinagkakaguluhan ng mga tao, lalo na ng kabataang tulad niya at parang lumalaki na ang kaniyang ulo dahil dito. Kaliwa’t kanan rin ang kaniyang mga palabas. Hanggang kailangan niyang umuwi sa kanilang probinsiya dahil kaarawan ng kaniyang lola.
            Sa kanilang probinsiya, kilala lamang siya bilang si “Molly” na apo ng kaniyang lola. Hindi kasi niya suot ang blonde na wig niya na suot niya kapag kumakanta siya. Kilala doon si Hannah Montana pero hindi alam ng mga taga-roon na siya iyon. Samakatuwid tahimik ang kaniyang buhay doon. Noong una, parang nagtataka siya at naiirita na hindi siya kilala ng mga taga-kanila. Pero kalaunan parang gusto na rin niya na si Molly lamang siya doon at malaya siyang makapamuhay. Hanggang sa may fund raising concert sa kanila na para yata (hindi na ako sigurado) sa renobasyon ng kanilang simbahan. Konting pera lamang ang nalikom at napag-isipan ng mga taga-organisa na dapat mag-imbita sila ng sikat na mang-aawit para mas malaking pera ang maiipon nila.
            May nag-suggest na si Hannah Montana ang imbitahan nila. Paano mangyayari iyon dahil sikat na sikat si Hannah at siguradong hindi nila kayang bayaran ang talent fee nito? Sabi ni Molly siya ang bahala. May kakilala raw siyang kakilala ni Hannah at siguradong siyang pauunlakan sila ng sikat na sikat na singer. Tinawagan ni Hannah ang kaniyang manedyer na pumunta sa kanila at may kasama itong decoy na Hannah Montana na kaibigan naman ni Hannah.
            Marami ang bumili ng tiket para sa fund raising concert. Hindi magkamayaw ang mga tao nang kumakanta na si Hannah. Subalit biglang napatigil si Hannah sa pagkanta. Hindi na niya kaya pang utuin ang kaniyang mga ka-probinsiya kung kaya nagkumpisal na siya. Tinanggal niya ang kaniyang wig na blonde. Nabigla ang mga manonood pero agad naman silang nakabawi. Sumigaw pa rin sila na muling isuot ni Molly ang wig na blonde at kumanta siya bilang si Hannah Montana. Nangako silang magiging sekreto nila lahat ito. At hayun, naging bongga na ang pagtatanghal ni Hannah at ang saya-saya ng mga tao.
            Gaya ng isang kanta ni Hannah, sinabi niya na puwede mong palitan ang iyong buhok, puwede mong palitan ang iyong mga damit, puwede mong palitan ang iyong sapatos subalit hindi mo puwedeng palitan ang iyong pagkatao, ang lugar at ang pamilyang iyong pinanggalingan. Aniya pa, palagi mong mahahanap ang daan pauwi sa inyong tahanan.
            O di ba? Kahit na American pop icon si Hannah Montana, nasasalamin pa rin ang isang halagahan na mahalaga sa ating mga Filipino—ang pagpapahalaga sa pamilya at sa pamayanan. Di ba mayroon pa nga tayong kasabihan na, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa kaniyang paroroonan.”
            Pinahalagahan din ni Hannah Montana/Molly ang katotohanan at ang katapatan. Kaya dapat lamang siyang pamarisan.
            Naalala ko tuloy ang isa sa mga sanaysay ng guro kong si Isagani R. Cruz na nagsabing kinokopya na natin lahat ng mga gawa at kultura ng mga Amerikano tulad ng pelikula, pananamit, pagkain, pagsasalita, at kung ano-ano pang mga mabababaw na bagay. Ang pinakamaganda at pinakamahalagang katangian daw ng mga Amerikano ang hindi natin ginaya. Iyon ay ang pagmamahal nila sa kanilang bansa, sa kanilang pungsod. Mahal na mahal kasi ng mga Amerikano ang Estados Unidos ng Amerika. Ipinagmamalaki nila ang kanilang pagiging Amerikano. Kaya nga karamihan sa kanila ay hindi nakikita ang pagiging imperyalista ng kanilang bansa. Kaya takang-taka sila kung bakit sila target ng mga terorista. Hindi kasi nila alam na nang-aapi sila ng ibang bansa (katulad ng ginagawa nila ngayon sa Iraq, na ginawa rin nila sa Vietnam noon, at ginawa nila sa atin noong Filipino-American War kung saan sapilitan nila tayong sinakop at kinolonya at hanggang ngayon ay neo-kolonya pa rin nila) at maraming bansa ang naghihirap upang maging mayaman lamang sila.
            Kahit maraming kabulukan ang ginagawa ng pamahalaan ng Estados Unidos sa maraming panig ng mundo, hindi iyon nakikita at pinupulaan ng mga Amerikano. Kahit nga ang mga dating Filipino na US citizen nga ngayon, kapag magbakasyon dito sa atin ay palagi na lamang natin maririnig sa kanila, gaya sa isang patalastas sa telebisyon, ang “Walang ganiyan sa States!” 
            Ito ang dapat nating pamarisan sa sikolohiyang Amerikano. Dapat ipagmalaki natin ang Filipinas. Dapat para sa atin, Filipinas ang pinakamagaling! At dapat huwag nating ikahiya ang ating pinagmulan. Dapat mahalin natin ang ating kinagisnang tahanan. Ito ang aral na itinuro sa akin ni Hannah Montana.
            Sana hindi lamang pananamit at hairdo ni Hannah ang pamamarisan ng mga batang Filipino, lalo na ang mga babae. Mababaw lang kasi ang panlabas na anyo. Mas dapat nilang pamarisan ang laman ng isipan at kasingkasing nitong tin-edyer na Amerikana na ubod ng ganda—sa parehong panlabas o panloob na katangian.

[27 Disyembre  2010 / Lungsod Pasig]