Sunday, November 28, 2010

Lahat Para sa Isang Lalaki


PAGGISING ko sa umaga ay umuulan na. Hindi pa masyadong malakas pero bago magtanghali ay mistulang may bagyo na. Nakakatamad gumalaw. Mabuti at hindi pa nag-uumpisa ang pasukan namin sa Miriam College. Matapos kong makapag-agahan ng kape at pandesal, nilinis ko ang buong bahay. Binagnasan ko ng basang trapo ang mga jalusi, sahig, at hagdanan. Pagkatapos ay naligo ako at naupo na sa harap ng aking laptap at nagdesisyong mag-“Sharon Cuneta Mini Film Festival.” Muli kong pinanood ang mga DVD ng Nang Iniwan Mo Ako at Bituing Walang Ningning.
            Siyempre pa, nag-catharsis to the max na naman itong inyong Sirena. Sarap ng pakiramdam ko pagkatapos kasi iyak ako nang iyak. Naging maluwag ang aking dibdib.
            Ang Bituing Walang Ningning kung tutuusin ay isa nang klasikong pelikulang Filipino. Isang napakalaking box office hit ito nang lumabas noong 1985. Kapapakasal lamang noong nina Sharon at Gabby Concepcion at buntis noon si Sharon kay KC. May ilang eksenang bumabakat sa damit ni Sharon ang lumulobo niyang tiyan. Ang kuwento ay ibinase sa nobelang komiks ni Nerissa G. Cabral na lumabas sa Pilipino Komiks. Ang dulang-pampelikula ay sinulat ng magaling na mandudulang si Orlando R. Nadres, ang sumulat ng klasikong bading na dula na Hanggang Dito na Lamang at Maraming Salamat. Idinerehe naman ito ng Palanca awardee na si Emmanuel H. Borlaza.
            Para sa akin, isa ring klasikong pelikula ni Jose Javier Reyes ang Nang Iniwan Mo Ako. Kay Reyes din ang kuwento at ang dulang-pampelikula nito. Lumabas naman ito noong 1997. Sa pelikulang ito makikita ang isa sa mga pinakamahusay na performance ni Sharon bilang matyur na artista.
            Kung tutuusin iisa lamang ang tema ng dalawang pelikulang nabanggit. Ang pagsasakripisyo ng babae ng kaniyang sariling ambisyon para sa lalaking minamahal. Kung sa Bituing Walang Ningning isinuko ni Dorina Pineda (karakter ni Sharon) ang kaniyang ambisyon na lamangan ang kasikatan ng kontrabida niyang idolo na si Lavinia Arguelles (Cherry Gil) para maging maybahay ng mayaman at guwapong lalaki na si Nico Escobar (Christopher de Leon), sa Nang Iniwan Mo Ako naman nadiskubre lamang ni Amy Lorenzo (karakter ni Sharon) ang kaniyang halaga bilang tao nang iwanan siya ng kaniyang bana na si Anton Lorenzo (Albet Martinez) para sa isang seksi, maganda, at sopistikadang babae na si Olive (Dindi Gallardo). Ang buhay kasi ni Amy ay uminog lamang sa pagiging maybahay—taga-grocery, tagaluto, at tagapag-alaga ng bana at anak kahit na may mga katulong naman sila. Maaga siyang nag-asawa kung kaya kahit nakatapos naman siya ng pag-aaral ay hindi siya nakapagtrabaho. Kaya nawindang siya nang iniwanan siya at hirap siyang makapaghanap ng trabaho. Mabuti na lamang at magaling siyang magluto kung kaya naging matagumpay ang pagiging caterer niya.
            Samakatuwid, hindi ko masyadong nagustuhan ang ending ng Bituing Walang Ningning. Bakit mo isusuko ang iyong sining para sa isang lalaki? Kahit nga sa pamagat pa lamang, masisilip na kaagad ang ideyang gustong isulong ng pelikula—ang kalimutan ng isang “ulirang” ina at asawa ang sariling ambisyon alang-alang sa pamilya. Naisip ko tuloy, kaya ko kayang talikuran ang pagsusulat at pagtuturo kapag niyaya ako ni Piolo Pascual na magpakasal at magiging full-time na lamang ako sa pag-aalaga sa kaniya at sa bahay namin?
            Kunsabagay, yung sa Bituing Walang Ningning naman, ang isinakripisyo naman ni Dorina ay ang kaniyang kasikatan, ang ningning ng kaniyang bituin. Pero ganoon pa rin, karera pa rin niya ang kaniyang ipinaraya. Hindi naman talaga sumisikat ang mga guro at makata sa mundong ito. Kaya hindi ko puwedeng ikumpara ang aking sarili kay Dorina. Puwede pa rin naman akong sumulat ng tula habang hinihintay kong lumambot ang espesyalti kong adobong baka na tiyak kong magugustuhan ni Piolo.
            Kaya gustong-gusto ko ang Nang Iniwan Mo Ako. May transpormasyong nangyari kasi sa karakter ni Amy—mula aanga-angang asawa tungo sa isang matagumpay na kusinera. Ang ganda nga ng katapusan ng pelikula dahil nang bumalik na ang kaniyang bugok na bana, hindi niya ito tinanggap dahil nadiskubre na ni Amy ang kaniyang kapangyarihan bilang babae, bilang tao.
            Naalala ko tuloy ang tulang “Bago ang Babae” ng hinahangaan kong makata na si Rebecca T. AƱonuevo (Na siyang chair ko ngayon sa Filipino Department ng Miriam). Nagpapasalamat ang persona na ngayon siya sa panahong ito ipinanganak dahil, “Hindi ko kailangang sumunod sa inaasahan / Ng lahat, tulad ng pag-aasawa. / Kung mag-asawa man ako’y / Hindi ko kailangang magpalukob, / Hindi ko kailangang matakot / Kung dumating ang araw ng pagkabalo, / O kailangan nang makipaghiwalay.”
            Dahil bago na ang babae sa ngayon, mayroon na siyang boses. Mayroon na siyang tapang upang ipaglaban ang kaniyang mga karapatan. Kayang-kaya na niyang panindigan ang kaniyang mga kagustuhan. Hawak na niya ang kaniyang buhay. At dagdag pa ng persona, “Kung kailangan ko mang gampanan / Ang pagiging ina at asawa, / Hindi ko kailangang humingi ng paumanhin, / Hindi ko kailangang panawan ng talino at lakas, / Hindi ko kailangang kalimutan ang lahat, / Hindi ko kailangang itakwil ang sarili, / Hindi ko kailangang burahin / Na isa akong tao / Bago isang babae.” [Mayo 2009 / Lungsod Pasig]

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.