Talambuhay ng May-akda

Ipinanganak si J(ohn) I(remil) E(rine) Teodoro sa San Jose de Buenavista, Antique noong ika-14 ng Nobyembre 1973. Ang kaniyang mga magulang ay sina Capt. Ireneo Serrano Teodoro, isang kapitan ng barko na taga-Antique, at Milagros Diaz Erine, isang plain housewife na taga-Digos, Davao del Sur. Panganay si Teodoro sa apat na magkakapatid na kinabibilangan nina Graciano II, Marie Irmi, at Ma. Esperanza Matea Sunshine.


Lumaki si Teodoro na naging palaruan ang tabing-dagat at palayan ng barangay Maybato Norte, San Jose de Buenavista na humubog sa kaniyang kamalayan bilang manunulat. Nag-aral siya ng elementarya sa San Jose Academy (na kalaunan ay naging St. Anthony’s College Grade School) ng mga madre ng Religious of the Assumption. Naghaiskul naman siya sa St. Anthony’s College High School ng Diocese of Antique. Naging malaki ang kontribusyon sa kaniyang kalinangang intelektuwal ang naging guro niyang mga La Menais Brother, mga misyonerong guro mula sa Amerika, Canada, at Pransiya,


Nagkolehiyo siya sa makasaysayan at mayuming Lungsod Iloilo, na tahanan ng mga dakilang manunulat, 96 kilometro ang layo mula sa San Jose de Buenavista. Nangarap siyang maging isang doktor kung kaya nag-enrol sa kursong Bachelor of Science in Biology sa University of San Agustin. Habang nag-aaral sa San Agustin, dumalo siya sa mga palihan sa malikhaing pagsulat sa University of the Philippines Visayas kung saan nakilala niya ang kaniyang unang guro sa pagsusulat na si Leoncio P. Deriada, isang Palanca Hall of Famer at Metrobank Outstanding Teacher. Ito ang mga panahon na nainlab siya sa pagsusulat at pagbabasa. Sa edad na 18 taong gulang, nanalo siya ng unang gantimpala sa Gawad Ka Amado sa Tula at nakakuha ng Cultural Center of the Philipppines Literature Grant para sa panulaang Filipino.


Habang nasa kolehiyo, naging lider si Teodoro sa kilusan ng malikhaing pagsulat sa San Agustin. Itinatag nila ng kaibigang si Melecio F. Turao ang Mirror Poetry Guild na kinabibilangan nina Isidoro M. Cruz, John Carlo H. Tiampong, Karen Faith Villaprudente, Mary Grace B. Dequilla, Joenar Pueblo, Edward C. Divinagracia, Jennifer Fernandez, Joseph D. Espino, at Gilda Evangelista-Deguma.


Nasa kolehiyo rin si Teodoro nang dumalo siya sa palihan ng pagsusulat ng HomeLife Magazine na inorganisa ni Deriada sa National Arts Center sa Bundok Makiling, Los Baños, Laguna. Dito nakilala at naging kaibigan hanggang sa ngayon, ang mga manunulat na sina Agustin D.C. Rubin, Rosalia Laganzo-Enerio, at Isabel D. Sebullen.


Pagkatapos ng kolehiyo, nagdesisyon si Teodoro na hindi na magpatuloy sa pag-aral ng medisina na ikinalungkot ng kaniyang mga magulang. Isang taon siyang nagpahinga sa Antique kung saan niya nadiskubre ang ganda at alindog ng wikang kinagisnan, ang Kinaray-a. Sa mga panahong ito naging kaibigan niya ang ilang mga manunulat sa Antique kagaya nina Genevieve L. Asenjo, Glenn Sevilla Mas, Ma. Felicia Flores, Ma. Milagros Geremia-Lachica, Gerry Antoy, Remy Muescan, Dani Misajon, at Jose Edison C. Tondares.


Lumuwas siya ng Metro Manila at nag-enrol sa kabubukas pa lamang na programang Master of Fine Arts in Creative Writing sa De La Salle University-Manila noong Hunyo 1995. Sa La Salle nahasa ang kaniyang talento at talino sa pagsusulat. Para kay Teodoro, ito ang mga araw na pinakamasaya sa kaniyang buhay. Dito naging guro niya sina Cirilo F. Bautista, Isagani R. Cruz, B.S. Medina, Jr., Marjorie Evasco, Teresita Erestain, at Connie Jan Maraan. Si Bautista ang naging pangalawang guro sa pagsusulat ni Teodoro. Sa La Salle rin niya naging kaibigan ang mga manunulat na sina Alice M. Sun-Cua, Shirley O. Lua, Luisa A. Igloria, Ronald Baytan, Vicente Garcia Groyon, Janet Tauro-Batuigas, Roel Hoang Manipon, Aurora Yumul, Jerry Torres, Oscar Solapco, Jr., Ernesto V. Carandang, Jr., Camilo M. Villanueva, Jr., RJ Ledesma, at ang yumaong manunulat na si Sid Gomez Hildawa. Habang nag-aaral, nagtrabaho rin si Teodoro bilang proofreader sa De La Salle University Press at nagturo ng isang traymester sa Literature Department ng La Salle.


Matapos niyang makuha ang kaniyang academic requirements at maipasa ang comprehensive examination noong Abril 1997, umuwi si Teodoro sa Antique matapos ng ilang buwan ay pumunta ng Lungsod Puerto Princesa, Palawan upang hanapin ang kaniyang sarili at ang mga tulang susulatin para sa kaniyang tesis. Sa Palawan naging boluntaryo si Teodoro sa Bandillo ng Palawan Foundation, isang samahang NGO na ang adbokasiya ay ang pangangalaga ng kapaligiran at karapatan ng mga katutubo. Siya ang naging unang editor ng lingguhang diyaryong Bandillo ng Palawan. Sa malaparaisong lalawigang ito namulat si Teodoro sa pangit na mukha ng buhay—ang katiwalian ng mga politiko, ang pang-aabuso ng mga militar, ang pang-aagaw sa lupa ng mga katutubo, at pagsasalaula ng mga taong nasa kapangyarihan sa kalikasan.  Sa Palawan nag-umpisang mahubog ang kamalayang politikal ni Teodoro.


Sa Bandillo ay naging mentor niya sa peryodismo si Yasmin D. Arquiza, iginagalang na environmental reporter, na naging matalik niyang kaibigan. Sa Puerto niya naging kaibigan ang mga manunulat at taong-sining katulad nina Criselda Yabes, Auraeus Solito, Joefelle Tesorio, Dinggot Conde-Prieto, Jonathan Benitez, Robert Bagalay, at Serge Pontillas.


Noong Mayo 2000, bumalik si Teodoro sa La Salle at nagtrabaho bilang managing editor sa De La Salle University Press habang ginagawa niya ang kaniyang tesis. At noong Abril 2001, naisumite at naipagtanggol niya ang kaniyang tesis na binubuo ng kaniyang mga tulang pinamagatang “Maybato, Iloilo, Taft Avenue, Baguio, Puerto: Mga Piling Tula” na may kasamang introduksiyong kritikal na may pamagat na “Binalaybay: Ang Tula Bilang Talambuhay at Mapa ng Makata” na ang pinaiksing bersiyon ay nanalo ng ikatlong gantimpala sa kategoryang sanaysay sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2002. Nagtapos siya ng Master of Fine Arts in Creative Writing na may karangalang “with high distinction.”


Noong Hunyo 2001, muli siyang bumalik sa Lungsod Iloilo. Inimbitahan siya ng kaniyang kaibigang manunulat na si Jigger S. Latoza na magturo at magrisertser sa University of San Agustin. Si Latoza ang siyang assistant to the university president noon at direktor ng pananaliksik ng naturang unibersidad. Sa San Agustin, pinagsikapan ni Teodoro na maitatag ang Fray Luis de Leon Creative Writing Institute at ang University of San Agustin Publishing House (USAPH) na siya ang unang namuno. Naging tagapayo rin siya ng publikasyong pang-estudyante at marami siyang mga estudyanteng nahikayat na magsulat lalo na sa katutubong wikang Kinaray-a at Hiligaynon. Kabilang sa kaniyang mga estudyante na naging magaling na manunulat at peryodista ay sina Elsed Togonon, Arlene Moscaya, Noel de Leon, Zoe Alejandra, Fabienne Paderes, at Pietros Val Patricio.


Sa ilalim ng pamumuno ni Teodoro, maraming libro ng mga manunulat sa Rehiyon 6 ang nalathala ng USAPH. Ang ilan sa mga librong ito ay naging nominado at nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle. Nanguna rin sa mga kilusang pang-literatura sa rehiyon ang Fray Luis de Leon Creative Writing Institute na nakapag-host ng Philippine-British Literary Conference at ng nasyonal na kumperensiya ng Philippine Center of International PEN. Si Teodoro ang naging editor ng unang walong isyu ng SanAg, ang taunang jornal ng malikhaing pagsulat ng San Agustin na naglalathala ng mga akda sa Aklanon, Filipino, Hiligaynon, Ingles, at Kinaray-a. Maraming mga batang manunulat din ang nahasa sa taunang San Agustin Writers Workshop na kaniyang inorganisa.


Noong 2004, sa selebrasyon ng sentenaryon ng San Agustin, itinanghal si Teodoro  bilang isa sa isandaang “Outstanding Augustinians of the Century.”


Habang nasa Iloilo, nakilala niya ang dalawang filmmaker na sina Ray Defante Gibraltar at Oscar Reuben Nava. Nagkaroon sila ng kolaborasyon sa maraming proyektong indie films kagaya ng Syokoy (nanalo sa Moonrise Film Festival at Gawad CCP Para sa Alternatibong Pelikula at Vidyu, at naipalabas sa ibang bansa), ang critically acclaimed na When Timawa Meets Delgado (nominado sa URIAN), at Wanted: Border (na nanalo sa Cinema One Originals).


Noong Pebrero 2006, namatay ang kaniyang ina dahil sa atake sa puso, dalawang taon matapos itong magpa-kidney transplant. Isa itong pangyayari  na nagbago sa buhay at pagkatao ni Teodoro. Noong Disyembre 2008, muling nag-asawa ang kanilang ama.  Kalaunan, naging sanhi ito ng kanilang hindi pagkakaunawaan.


Sa ngayon, si Teodoro ang kinikilalang nangungunang manunulat sa Kinaray-a, ang sinauna at dakilang wika ng Isla Panay. Nakapaglathala na siya ng sampung libro ng mga tula, sanaysay, at maikling kuwento at ang dalawa dito ay mga tula sa Kinaray-a na kinikilala ng mga kritikong mga klasiko na: Mga Binalaybay kang Paghigugma (2008) at Arkipelago kang Kasingkasing (2009). 


Noong Mayo 2008, napilitan si Teodoro na mag-resign sa San Agustin at umuwi sa Antique. Sa loob ng isang taon ay nagsulat siya nang nagsulat kapag hindi siya naglilibot sa buong rehiyon upang magturo sa mga bata na sumulat sa ilalim ng mga programa ng Departamento ng Edukasyon sa iba’t ibang mga paaralan, kolehiyo at unibersidad.


Si Teodoro ay isa ring iskolar ng literaturang Hiligaynon. Napag-aralan, naisalin, at naedit na niya ang mga likha at buhay ng mga manunulat tulad nina Magdalena G. Jalandoni, Quin B. Baterna, Ma. Luisa S. Defante-Gibraltar, Teodulfo Abella-Naranjo, at Alice Tan-Gonzales.


Nakatanggap na ng limang gawad mula sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature si Teodoro. Ang kaniyang libro ng mga maikling sanaysay na Pagmumuni-muni at Pagtatalak ng Sirenang Nagpapanggap na Prinsesa ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board noong 2008. Sa taon ding ito, ginawaran siya ng Golden Harvest Award ng St. Anthony’s College at ng Bugal kang Antique Award ng pamahalaang panlalawigan ng Antique.


Magmula noong Hunyo 2009, nagtuturo si Teodoro sa Filipino Department, College of Arts and Sciences ng Miriam College sa Lungsod Quezon kung saan nabigyan siya ng permanent status noong Nobyembre 2010 at may ranggong assistant professor. Sa Miriam College napalalim ang pagkakaibigan nila ng idolo niyang makatang si Rebecca T. Añonuevo na siyang tagapangulo ng kanilang departamento at nag-imbita kay Teodoro na magturo doon. Dito rin niya naging kaibigan ang mga manunulat na sina Maynard Manansala, Lilibeth Oblena, Debbie Ann Tan, at John Enrico C. Torralba.


Bukod sa pagtuturo sa Miriam, tagapayo rin si Teodoro ngayon ng mga estudyanteng M.F.A. na nagte-tesis, at nagsa-sideline bilang copyeditor ng mga manuskrito ng libro at jornal sa Filipino sa Academic Publications Office ng La Salle. Nagsusulat din siya ng rebyu ng mga libro, pelikula, at dula; sanaysay ng paglalakbay; at komentaryo at analisis sa mga pangyayaring politikal at kultural sa gmanews.tv, The Daily Tribune, at Experience: Travel and Living. Ang kaniyang mga artikulo ay lumalabas din sa Philippine Daily Inquirer at Agung newsletter ng NCCA. 


Limang taon nang panelist si Teodoro sa IYAS National Creative Writing Workshop ng University of St. La Salle-Bacolod na ginaganap kada Abril ng taon. Naimbitahan na rin siyang umupo bilang panelist sa Iligan National Writers Workshop at sa Cornelio Faigao Workshop ng University of San Carlos, Lungsod Cebu.


Nakatira si Teodoro ngayon sa isang maliit ngunit makulay na bahay na minana niya mula sa kaniyang mga magulang sa Rosario, Lungsod Pasig kung saan patuloy siyang sumusulat ng kaniyang mga tula, sanaysay, kuwento, at dula. May anak siyang aso na si Aljur at may alagang walong makukulay na koi sa isang maliit na fishpond na nakaharap sa tarangkahang kulay-luntian. Pilit niyang pinapaganda ang maliit na hardin sa likod ng kaniyang bahay. (jieteodoro.blogspot.comHulyo 2012)