Thursday, June 30, 2011

May Isang Matalinong Obispo

OO, mayroon, taga-Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP, at ang ngalan niya ay si Msgr. Pedro Quitorio. Sa pangalan pa lamang niya, nanginginig na ako sa takot. After all, huwag nating kalimutan, si San Pedro ang may hawak ng susi papasok sa tarangkahan ng langit. Kung wala ang pangalan mo sa kaniyang libro, good luck sa ‘yo, doon ka na sa impiyerno. Kung susundan kasi natin ang argumento ni Quitorio, kung bading ka (at gusto mo pang magpakasal, que horror!), wala ka sa listahan ng kaniyang tokayo. 
            Ganito kasi iyon. Sa News To Go ng GMANEWS TV kaninang umaga (27 Hunyo 2011), masayang ibinalita nina Howie Severino at Kara David na ligal na ang pagpapakasal ng parehong babae at parehong lalaki sa New York. Inaprubahan ang batas na ito ng kanilang Senado noong isang araw at nagdiwang ang maraming mga bading at lesbiyana sa iba’t ibang bahagi ng mundo lalo na siyempre sa di natutulog na lungsod ng New York. Pang-anim na estado na ito ng Estados Unidos ng Amerika na mayroong ligal na karapatan ang mga homoseksuwal na magpakasal.
            Para sa espiritu ng balanseng pamamahayag, nag-interbyu sina Howie mula sa magkasalungat na partido kapag kabadingan ang pag-uusap dito sa bansa. Ang una ay si Quitorio ng CBCP, at ang pangalawa ay si Rev. Ceejay Agbayani ng Metropolitan Community Churches, ang simbahang Kristiyano na kumakalinga sa mga bading at lesbiyana.
            Siyempre alam na natin na diring-diri sa ideya ng homosexual marriage ang CBCP. Noong buhay pa si Cardinal Sin at tinanong siya tungkol dito, Hesus Maria Joseph! lang ang kaniyang sagot. Tingnan mo, naghihintay na lamang ang mga parokyano ng Manila Cathedral ng milagro sa ngalan niya para mag-beatify na ito ng Santo Papa at bakasakaling maging santo rin. Hesus Maria Joseph to the max din ang reaksiyon ko habang sumasabit ang aking mga kilay sa tuktok ng kampanaryo na sinabayan ko ng pagkukurus dala tambling at isplit mula Manila Cathedral patungong Fort Santiago.
            Siyempre sabi ni Quitorio hindi puwede ang homosexual marriage dahil sa ating saligang batas ay iligal ito, at hindi rin naaayon sa “law of nature” na “man at woman” lang dapat ang maaaring ikasal. At hindi raw magbabago ito kailanman.
            Ganun?As in like that! Hindi ko alam kung saan nanggaling na kuweba si Quitorio. Pakiramdam ko pumasok siya sa yungib na iyon dalawang siglo bago nagrebolusyon ang Katipunan at nang lumabas siya ay ika-150th na kaarawan na ni Jose Rizal. Baka hindi pa niya nabalitaan na 2005 pa naging ligal ang homosexual marriage sa España. Baka nakalimutan lang ng marunong na obispo na mga Kastila ang nagdala sa ating arkipelago ng relihiyon ng CBCP. Ang España umusad na, tayo nasa panahon pa rin ng kolonyalismong Kastila.
            Kaya naihi ako sa saya nang makita ko ang kapatid na Carlos Celdran na nakabihis Rizal with an overcoat, na nagtaas ng plakard na ang nakalagay “Damaso” habang nagmimisa ang mga obispo sa Manila Cathedral ilang buwan pa lamang ang nakalilipas. Kung sino si Damaso, I’m sure kilala siya ni Quitorio. Humarap lang siya sa salamin at makakausap na niya ito.
            Tumambling ako sa sagot ni Quitorio nang tinanong siya ni Howie (si Papa Howie na kung binata lang siya at liligawan niya ako at yayaing magpakasal ay mag-o-oo agad ako!) kung ang hindi pagpayag ba ng simbahang Katoliko sa pagpapakasal ng mga bading ay isang uri ng diskriminasyon. Sagot ng obispo, hindi raw ito diskriminasyon dahil iligal nga ang pagpapakasal ng parehong lalaki at parehong babae. Aniya pa, ibig sabihin dini-discriminate din ba natin ang mga kidnapper kung hindi natin sila papayagang mangidnap dahil labag ito sa ating batas?
            Yes, ikinumpara ng butihing obispo ang pagpapakasal ng mga bading sa krimen ng pangingidnap! Kung saan ang koneksiyon at lohika, kayo na ang maghanap sa loob ng sutana o ng gamit na brip ng mga pari. O baka talaga ganito ka sama ang paningin ng mga taga-CBCP sa mga bading at lesbiyana? Ka-level ng mga kidnaper! Heinous crime na pala ngayon ang pagiging bading at lesbiyana sa ating bansa. Salamat, bishop. Hindi namin alam ‘yan.   
            Pagkarinig ng sagot na ito, parang nakita kong ngumiwi nang kaunti si Howie pero di ako sure. Dumiretso na lamang siya sa sumunod na katanungan.
            Sabi pa ni Quitorio, “wala sa kultura” ang pagpapakasal ng mga bading at lesbiyana na siguro kasama na rin ang homoseksuwalidad mismo. Anong kultura ba ang tinutukoy niya? Siguro naman hindi ang kulturang Filipino. Pero sa tono ng pananalita niya, mukhang kulturang atin ang tinutukoy niya. Naku, bishop, delikadong statement ‘yan. Tiyak di pinag-isipan.
            Kunsabagay, siguro limitado lamang talaga ang mga babasahin na nakapapasok sa huklubang kuweba, este, sa bakuran ng CBCP kung saan nananahan ang kaluluwa ni Padre Damaso. Kaya bilang isang mabuting kristiyano, specifically Katoliko, ako na lamang ang magbabahagi kay Quitorio ng isang nabasa ko noong nakaraang taon sa Malay, ang internasyonal na jornal sa Filipino ng ipinagmamalaki kong Alma Mater, ang De La Salle University-Manila, isang Katolikong unibersidad na nagdiwang ng sentenaryo nito kamakailan lamang. Sa Setyembre 2010 isyu ng nasabing jornal, may artikulo ang iskolar ng literatura at manunulat na taga-University of the Philippines-Los Baños na si Emmanuel B. Dumlao na pinamagatang “Berinarew: Pagsasanib ng Aral at Aliw.”
            Pinag-aralan ni Dumlao ang mga konsepto ng moralidad ng mga Teduray, mga katutubong matatagpuan sa Maguindanao, sa pamamagitan ng isa sa tatlo nilang mga epiko, ang Berinarew. Ang isa sa mga nakatutuwang nadiskubre ni Dumlao ay wala palang bakla o lesbiyana sa mga Teduray. Ups, mukhang tama si Quitorio. But wait a minute, baby! Walang bakla o lesbiyana sa kanila dahil kung ikaw ay lalaki at nagkagusto ka sa kapuwa mo lalaki at gusto mong maging babae, go ahead baby, magpakababae ka. Gayundin sa babae. Kung may type kang babae at gusto mong maging lalaki, go ahead baby, magpakalalaki ka! Vongga di vah? Paliwanag ni Dumlao:

Gaya ng pagkilala sa bakla, agi, bayot sa iba’t ibang dako ng Filipinas, wala ring problema sa mga Teduray ang usapin ng sexual o gender preference. Mayroon silang tinatawag na “mentefuwaley libun” at “mantefuwaley lagey” na ang ibig sabihin ay “lalaking naging babae” at “babaeng naging lalaki.” Ang ganitong pagpapalit ng kasarian para sa isang Teduray ay kasing-natural lamang ng pag-aasawa. Hindi pekpek o titi ang batayan nila ng sekswalidad kundi ang kilos ng isang indibidwal. Ibig sabihin, magiging babae ang isang lalaki kung kikilos at magdadamit siya bilang babae. (Dumlao 56)

Dagdag pa niya, “Para sa mga Teduray, ang isang lalaking nagpalit ng kasarian ay ‘mentefuwaley libun,’ hindi siya bakla, hindi siya bisexual. Siya ay babae, ‘mentefuwaley libun’ o lalaking naging babae (56).” Sana hindi atakehin sa puso ang Santo Papa kapag mabasa niya ito.
            Maaaring sabihin ni Quitorio (at ng iba pang mga kontrabida) na ‘yun nga, nandoon pa rin ang konsepto ng kasal sa pagitan lamang ng babae at lalaki. Sa Teduray, kailangang maging babae muna ang isang bading upang puwedeng magpakasal sa lalaki. Pero sigurado ako na kahit hiramin ko pa ang napakamahal na gown ni Regine Velasquez at magpapakasal ako kay Piolo Pascual (let’s say, next week! Bwahaha. At assuming na hindi kokontrahin ni KC Concepcion o kaya magmamakaawa sa akin ang idolo kong si Sharon Cuneta na ibalato ko na lamang sa anak niya si Piolo), hindi pa rin papayag si Quitorio. Hindi kasi talaga ito puwede sa kuweba, este, sa CBCP nila.
            Nanggigigil talaga ako sa homophobia at kakitiran ng isipan ng mga pari at obispo ng simbahang Katoliko. Masyado nilang isinasabuhay hindi ang mga salita ni Hesus kundi ang kanilang “Catholic Hypocrisy.” Akala mo walang mga paring nangunguflang sa mga madilim na sinehan. Akala mo walang mga paring naninilip ng mga titi sa CR ng mga mall. Akala mo walang naghahadahan sa loob ng mga seminaryo. Akala mo walang mga paring sapilitang hinahada ang mga kawawang sakristan na kadalasan ay mga anak-mahirap! May isa nga akong kilala na malditang pari, hinahada ang mga guwardiya sa mga paaralan nila saan man siya madestino bilang administrador. Iniskandalo pa nga siya minsan dahil nakukulangan na ang guwardiya sa ibinibigay niyang pera.
            May teorya akong ganito, may tatlong rason lamang kung bakit nagiging pari ang mga lalaki sa Filipinas. Una, upang takasan ang kahirapan ng buhay. Marami kasing mayayamang deboto na dahil hindi na alam ang gagawin sa limpak-limpak nilang salapi ay willing magbigay ng iskolarship sa mahihirap ng batang gusto kunwaring magpari. Indulhensiya rin kasi ito. Akala kasi nila tumatanggap ng lagay ang Panginoon. Lalo na ang mga angkan ng mga politiko na marami ang ninakaw sa kaban ng gobyerno o ang negosyo ng pamilya ay lumaki dahil sa pandaraya at di pagbabayad ng hustong suweldo at benepisyo sa kanilang mga manggagawa. Kaya may mga paring may ibinabahay na babae at nagkakaroon ng mga anak. Mayroon ding nagngungupit ng pera ng parokya o ng konggregasyon para patayuan ng bahay ang mga magulang at kapatid. Ganito kapag walang totoong bokasyon ang nagpapari. Pangalawa, mga maykaya ang angkan subalit hindi masyadong matalino at hindi uubra kung maging abogado o doktor sila. Kaya maraming pari na kahit nag-apat na taon sa pag-aaral ng pilosopiya wala pa ring kakayahang mag-isip at walang lohika ang mga pinangdadakdak. At pangatlo, bading na gustong itago ang kanilang pagkabading. Kaya maraming pari at obispo ang galit sa mga bading kasi nakikita nila ang kanilang sarili sa mga bading na ito. Ang tawag dito ng mga lola kong sina J. Neil C. Garcia at Danton Remoto, “internalized homophobia,” na mas delikado kaysa “plain homophobia” lamang na siyempre peligroso pa rin sa mga katulad namin. Kadalasan, kumbinasyon pa ‘yan ng una at pangatlo, at ng pangalawa at pangatlo.
            Palaging kasama sa ipinagdadasal ko kapag nagsisimba ako ay sana magising na at maging matapang ang mga bading na pari at obispo na baguhin ang pananaw ng simbahan tungkol homoseksuwalidad. Sana sila na ang makipaglaban sa loob ng CBCP hanggang sa banal na estado ng Vatican. Wake up and fight for us, sisters!
            Gusto kong malaman ng mga katulad ni Quitorio na mas magiging masaya sana ako sa pagdasal at pagdalo ng misa sa loob ng simbahan kung alam kong tanggap na tanggap ako ng kinagisnan at minamahal kong relihiyon na minana ko pa sa aking mga magulang. Yun lang.
            Sa interbyu naman na Howie kay Rev. Ceejay Agbayani na siyang administrative pastor ng MCC, ipinagdiinan nitong huli ang pagkakaroon ng “freedom of religion” sa ating bansa na ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon. Kaya hindi puwedeng sabihin ng isang obispo na iligal ang “kasal” na ginagawa nila dahil hindi ito pinapayagan ng estado. Ang kasalan sa MCC ay bahagi ng mga relihiyosong ritwal at may karapatan ang MCC na gawin ito.
            Aminado naman si Ceejay na walang marriage license ang mga kasalan sa kanilang simbahan. Aniya, “holy union” ito at hindi “holy matrimony.” Sa ritwal na ito, humihingi lamang ng basbas ang nagmamahalang parehong lalaki o parehong babae mula sa Diyos. Pagpapakita lamang daw ito na tunay at dalisay ang pagmamahalang ito.
            Nagtanong naman si Kara David kung ano ang masasabi ni Ceejay sa ilang mga paniniwalang ang mga bading ang dahilan ng pagkalat ng sakit na AIDS. Stereotyping ito sabi ni Ceejay. Hindi raw naman sa mga bading nagsimula ang AIDS. Pero siyempre, katotohanan din na marami ngang mga bading ang may AIDS sa ngayon. Kaya makabubuti raw ang homosexual marriage para ma-encourage ang mga bading at lesbiyana na maging tapat sa kanilang partner sa buhay. Ang pagpapakasal, bagamat hindi garantiya, ay makapagpapatibay ng katapatan.
            Ang MCC ay isang relihiyong Protestante na itinatag para magkaroon ng simbahan ang mga bading at tomboy na itinatatwa ng ibang mga kristiyanong simbahan, lalo na ng simbahang Katoliko.
            Masayang-masaya siyempre si Ceejay sa pagsasabatas ng homosexual marriage sa New York.
            Nang tinanong siya ni Howie kung kailan kaya magkakaroon ng ligal na homosexual marriage sa Filipinas, masaya at tumatawa siyang sumagot ng, “Kung hindi mamayang hapon, baka next week!” Oo nga naman. Why not coconut? Ayon nga sa mga natutunan ko mula sa mga madre noong nasa elementarya pa lamang ako sa Assumption sa Antique, “With God, nothing is impossible.” Tumpak! Korak! Plak!
            Oh, by the way high way run way whatever way… Si Ceejay pala ang tinutukoy ko sa pamagat ng sanaysay na ito na matalinong obispo. Joke lang po iyong nasa unang talata, if I may stress the obvious. Grrr!

[27 Hunyo 2011
Lungsod Pasig]

Tula sa Sariling Dila

TUNAY ngang magpaglaro ang parikala ng pagmamakata. Ilang taon na ring isinusulong ko— bilang makata, bilang guro, at bilang panelist sa mga palihan sa pagsusulat—ang pagsusulat ng tula sa sariling wika, sa sariling dila. Hindi ko inaasahan na lalong mapagtitibay ang paniniwala at paninindigan kong ito ng isang pelikula galing Hollywood na pinanood kong mag-isa isang maulaning hapon sa aking kuwarto. Ito ang pelikulang In Her Shoes (Twentieth Century Fox, 2006) na dinerek ni Curtis Hanson.
            Simple lamang ang kuwento nitong pelikula na ang dulang pampelikula na sinulat ni Susannah Grant ay ibinase sa nobela ni Jennifer Weiner. Tungkol ito sa magkapatid na Maggie (Cameron Diaz) at Rose (Toni Collette). Kabaligtaran nila ang isa’t isa. Si Maggie ay bata, maganda, seksi, malandi, bigaon, hirap magsulat at magbasa, hindi tumatagal sa trabaho dahil tamad, at burara sa buhay. Si Rose naman ay may pagkamanang, hindi masyadong maganda, medyo mataba, mahiyain sa mga lalaki, palabasa, isang magaling at masipag na abogada, at masinop sa buhay. Iisa lamang ang pagkakapareho nila, pareho sila ng sukat ng sapatos kung kaya ginagamit ni Maggie nang walang paalam ang mga mamahaling koleksiyong sapatos ni Rose. Sa kabila nito, mahal na mahal nila ang isa’t isa. Hanggang isang araw pinalayas ng kanilang madrasta si Maggie dahil palagi itong lasing kung umuwi at napilitan si Rose na kupkupin muna ito pansamantala sa kaniyang apartment. At dito nagsimula ang gulo.
            Nagka-boyfriend na sana si Rose. Isang guwapo at maskuladong kasamahan niyang abogado sa kanilang law firm. Subalit malaking disgrasya ang nangyari. Nang magbisita itong lalaki sa bahay ni Rose na wala siya, si Maggie ang naabutan nito. Ano pa nga ba ang nangyari kundi naabutan ni Rose na nakikipagtalik ang kaniyang boypren sa kaniyang kapatid at sa kama pa niya mismo! Siyempre naloka si Rose. Nakipag-break sa boypren at pinalayas oramismo ang kapatid. Ang masahol pa, na-depress siya nang husto kaya nag-resign siya sa kaniyang trabaho at nagraket na lamang bilang taga-walk ng mga aso.
            Ang malanding si Maggie naman ay pumunta sa bahay ng kaniyang ama at madrasta upang naghanap ng mga mananakaw na barya dahil wala siyang kapera-pera. Hindi sinasadyang nahanap niya ang mga birthday card mula sa kaniyang Lolo at Lola (Shirley Maclaine). Itinago pala ng kaniyang ama sa kanila ni Rose na nagpapadala ng card ang mga Lola niya sa kanila. Magkagalit kasi ang mga ito. Hayun, pumunta si Maggie sa kaniyang Lola na nakatira sa tirahan ng mga matanda sa Miami, Florida. Tinanggap naman siya ng kaniyang Lola. Hindi naglaon, napilitan rin si Maggie na magtrabaho sa home for the aged bilang care giver.
            Nagkaroon ng bagong boypren si Rose. Isa ring abogado na dating kasama niya sa trabaho. Matagal na pala itong may gusto sa kaniya. Pareho silang mahilig kumain. Nagdesisyon na silang magpakasal. Kaso nahalata ng lalaki na parang may itinatago sa kaniya si Rose tungkol sa kaniyang kapatid. Naging isyu ito at umurong ito sa kanilang kasal. Siyempre naloka uli si Rose. Buti na lang nakatanggap siya ng sulat mula sa kanilang Lola. May kasama itong plane ticket papuntang Miami. Pumunta na rin siya. Siyempre nagkagulatan silang magkapatid nang magkita sila sa bahay ng kanilang Lola.
            Dahil nga romantikong pelikulang Hollywood ito, masaya siyempre ang katapusan. Naayos nina Maggie at Rose ang kanilang gusot. Nagkaayos din sina Rose at ang boypren niya kaya tuloy ang kasal. Nagkaayos din ang Lola at Ama nila. “All is well that ends well,” ‘ika nga.
            Naipalabas ang pelikulang ito dito sa Filipinas may ilang taon na ang nakalilipas. Nakabili ako noong isang buwan ng kopyang VCD sa halagang PhP75 lamang. On sale na kasi. Dahil matino ang pagkagawa ng pelikulang ito, hindi ito naging box office hit dito sa atin. Seryoso kasi ang tema ng pelikula at hindi nakadisenyo upang pagbigyan ang mga “American Dream” natin pati na rin ang ating mga “gitnang uring fantasya” (Salamat kay Roland Tolentino sa napaka-useful na pariralang ito!) kung kaya hindi pinanood ng mga sosyal at pasosyal (termino uli ni Tolentino na gustong-gusto ko). Ang mga mabababaw lang na mga pelikula mula Hollywood ang kumikita tulad ng Spiderman at mga romantikong pelikula tungkol sa mga bampira, at mga pambatang pelikula tulad ng Harry Potter at Ice Age dahil inaasahan ito ng mga sosyal at pasosyal na mga magulang na makakatulong maging tuluyang Inglesero ang kanilang mga anak na konektado siyempre sa “American Dream” at “gitnang uring fantasya.”
            Nagandahan ako sa pelikulang ito dahil taong-tao ang mga karakter. Gusto ko rin ang halagahan na isinusulong ng pelikula: pagmamahal at katapatan sa pamilya sa kabila ng mga kapansanan, kasalanan, at kasamaan ng bawat isa.
            Gusto ko rin ang di sinasadyang pagpapakita ng kahinaan ng pamilya at kulturang Amerikano. Nabibiktima rin pala sila ng pagiging isang mayamang bansa nila. Nagmimistula silang alipin ng pera sa kanilang pagtatrabaho at naghihiwalay ang mga pamilya dahil may pera sila at mas mobile kaya madali ang maglayas at mang-iwan ng mga kapamilya. Sa isang mahirap na bansa kasi tulad ng Filipinas, kahit na gusto na ninyo sanang maghiwa-hiwalay sa pamilya, tinitiis na lang ninyo dahil magastos ang maglayas. Kung wala kang kapera-pera kahit pambayad sa traysikel papuntang terminal ng bus ay wala ka.
            Isang pangit na resulta ng masyadong kapitalistang pamumuhay tulad ng sa Amerika ay ang pagkakaroon ng maraming home for the aged. Dahil kailangang kumayod nang kumayod, wala silang panahon upang alagaan ang mga matanda sa pamilya. (Kasalanang mortal kasi sa isang kapitalistang kultura ang hindi pagkakaroon ng maraming pera. Mababansagan kang “loser.”)  Inilalagay na lamang ang mga ito sa isang institusyon. Tumatanda silang mag-isa at namamatay na mag-isa. Kokolektahin na lamang ng kanilang mga anak at apo ang kanilang bangkay kung dedbol na sila. Ganito ang nangyayari sa komunidad ng Lola sa pelikula.
            Subalit hindi talaga ito ang nangungunang rason kung bakit nagandahan ako sa pelikula. Ang nakatawag ng aking pansin ay ang paggamit ng mga tula sa pelikulang ito, partikular ang mga tula ng pag-ibig nina Elizabeth Bishop at e.e. cummings.
            Kung pagandahan din lang ng tula sa pag-ibig ang pag-uusapan, sa tingin ko mas maganda ang mga tula ng pag-ibig ni Angela Manalang Gloria kaysa tula nina Bishop at cummings. May tatalo pa ba sa unang apat na linya ng tula ni Gloria na “To the Man I Married?” Sabi ng persona, “You are my earth and all that earth implies: / The gravity that ballasts me in space, / The air I breathe, the land that stills my cries / For food and shelter against devouring days.” O ng huling saknong ng tula niyang “To Don Juan” na nagsasabing, “It was not love, it was not folly, / I have no name to know it by, / I only know one shining instant / You held my earth, you held my sky.”
            Kung palaliman lang din ang labanan, tatambling ang lalaban sa unang saknong ng tulang “Poet Traveling Over Water” ni Merlie M. Alunan na, “befriend the wind / let it ride easy / in the hollows / of your bones / open your bosom / for wind to go through / storm rising / from the abyss / could pitch you / on the rocks / blow the skull apart / for darkness and sun / cold and heat / to flow in.”
            Ang pinupunto ko ay ganito. Bakit hindi natin ginagamit sa mga pelikula natin ang mga tula ng ating mga makata? Ginagawa na namin ito ng kaibigan kong direktor na si Ray Defante Gibraltar sa mga pelikulang ginagawa namin. Pero indie lang naman ang sa amin. Limitado lamang ang mga manonood. Mas maganda kung, halimbawa, sa pelikula ni Sarah Geronimo na sikat na sikat ngayon, ay may itatanghal na tulang sinulat halimbawa nina Jose Corazon de Jesus, Rolando Tinio, Cirilo F. Bautista, Rofel Brion, Benilda Santos, Romulo Baquiran, Jerry Gracio, at Kristian Sendon Cordero.
            Naantig ako sa eksena kung saan pinilit ng isang pasyente, na dating propesor ng literatura, si Maggie na magbasa. Bulag na ang propesor at gusto niyang basahan siya ng tulang “One Art” ni Bishop. Na-insecure kasi bigla si Maggie dahil mabagal siyang magbasa. Sabi ng matanda, okey lang dahil mabagal din daw siya kung makinig. Gusto nang umalis ni Maggie pero sabi ng propesor, kailangan niyang pilitin ang sarili na magbasa. Aniya, “Just take your time, Maggie. Listen to the words as you are about to say them.” A! tunog ng salita! Sabi nga ni Alunan, “What is poetry but human speech?” At iyon nga, mistulang milagro. Natutong magbasa si Maggie. Nagbasa pa siya ng tulang “i carry your heart with me” ni cummings sa kasal ng kaniyang Ate Rose na nagulat din na magaling na magbasa ng tula ang nakababatang kapatid.    
            Sa eksenang ito ko nakita ang halaga ng pagsusulat ng tula sa sariling dila. Kaya mistulang milagro ang pagkatuto ni Maggie na magbasa ng tula dahil nakasulat ito sa Ingles na wikang kinagisnan at ginagamit niya araw-araw kahit mababa lamang ang kaniyang pinag-aralan. Matapos kasi niyang basahin ang tulang iyon na Bishop tungkol sa pagkawala ng mga bagay at tao na mahal natin sa buhay at isang sining ito na dapat makasanayan natin sa mundong ito na marami ang nawawala sa atin dahil pansamantala lamang talaga ang lahat ng bagay dito sa daigdig, tinalakay pa nila ng propesor ang tula. Kayang-kaya niyang mag-close reading.
            Sa karanasan ko bilang guro ng literatura, bago mag-close reading ng isang Ingles na tula ay mayroon munang bahagi na kailangang mag-unlock the difficult terms. Maraming salita ang kailangan ipaliwanag ang kahulugan upang huwag maging sagabal sa pagbabasa at pag-intindi sa tula. Ito ang hindi naranansan ni Maggie sa unang pagkakataon na nag-close reading siya ng tula. Nasa sariling wika kasi niya ang tula at kahit hindi naman talaga siya palabasa ay naintindihan niya ang bawat kataga.
            Kung gumamit man tayo ng mga tula sa ating mga pelikula, dapat nasa wikang Filipino o sa mga wikang katutubo ito. Kung pelikulang Filipino ang In Her Shoes at kakilala ko ang direktor nito, irerekomenda ko ang tulang “Pagharap sa Salamin” ni Rebecca T. Añonuevo na angkop sa tema ng nasabing pelikula: “Isang pagdiriwang ang bawat / Pagharap ko sa salamin. / Tila banderitas / Ang kumakaway  na ngiti. / Ang nunal sa pisngi’y / Nanghahalinang mutya. / Isang banda ang sinag / Na nagmula sa mga mata. / Nagsasayaw ang isip / Sa pagkatha ng tula. / Samantala’y nagtatalumpati / Ang pantay na balikat. / Ang puso ko’y umaapaw / Sa alak ng pag-ibig. / Ang kaluluwa ko’y / Humahalimuyak. / May koronasyon maya-maya / Na pangako ako sa sarili.”
            Hindi ko na ipaliliwanag pa ang tula. Gaya nga ng sinasabi ng unang guro ko sa pagsusulat ng tula na si Leoncio P. Deriada, ang isang mahusay na tula, kagaya ng isang mahusay na biro, ay hindi na kailangan ipaliwanag pa. Masisira lamang ito sa mga dagdag pa na satsat.

[25 Hunyo 2011
Lungsod Pasig]