Thursday, June 30, 2011

Tula sa Sariling Dila

TUNAY ngang magpaglaro ang parikala ng pagmamakata. Ilang taon na ring isinusulong ko— bilang makata, bilang guro, at bilang panelist sa mga palihan sa pagsusulat—ang pagsusulat ng tula sa sariling wika, sa sariling dila. Hindi ko inaasahan na lalong mapagtitibay ang paniniwala at paninindigan kong ito ng isang pelikula galing Hollywood na pinanood kong mag-isa isang maulaning hapon sa aking kuwarto. Ito ang pelikulang In Her Shoes (Twentieth Century Fox, 2006) na dinerek ni Curtis Hanson.
            Simple lamang ang kuwento nitong pelikula na ang dulang pampelikula na sinulat ni Susannah Grant ay ibinase sa nobela ni Jennifer Weiner. Tungkol ito sa magkapatid na Maggie (Cameron Diaz) at Rose (Toni Collette). Kabaligtaran nila ang isa’t isa. Si Maggie ay bata, maganda, seksi, malandi, bigaon, hirap magsulat at magbasa, hindi tumatagal sa trabaho dahil tamad, at burara sa buhay. Si Rose naman ay may pagkamanang, hindi masyadong maganda, medyo mataba, mahiyain sa mga lalaki, palabasa, isang magaling at masipag na abogada, at masinop sa buhay. Iisa lamang ang pagkakapareho nila, pareho sila ng sukat ng sapatos kung kaya ginagamit ni Maggie nang walang paalam ang mga mamahaling koleksiyong sapatos ni Rose. Sa kabila nito, mahal na mahal nila ang isa’t isa. Hanggang isang araw pinalayas ng kanilang madrasta si Maggie dahil palagi itong lasing kung umuwi at napilitan si Rose na kupkupin muna ito pansamantala sa kaniyang apartment. At dito nagsimula ang gulo.
            Nagka-boyfriend na sana si Rose. Isang guwapo at maskuladong kasamahan niyang abogado sa kanilang law firm. Subalit malaking disgrasya ang nangyari. Nang magbisita itong lalaki sa bahay ni Rose na wala siya, si Maggie ang naabutan nito. Ano pa nga ba ang nangyari kundi naabutan ni Rose na nakikipagtalik ang kaniyang boypren sa kaniyang kapatid at sa kama pa niya mismo! Siyempre naloka si Rose. Nakipag-break sa boypren at pinalayas oramismo ang kapatid. Ang masahol pa, na-depress siya nang husto kaya nag-resign siya sa kaniyang trabaho at nagraket na lamang bilang taga-walk ng mga aso.
            Ang malanding si Maggie naman ay pumunta sa bahay ng kaniyang ama at madrasta upang naghanap ng mga mananakaw na barya dahil wala siyang kapera-pera. Hindi sinasadyang nahanap niya ang mga birthday card mula sa kaniyang Lolo at Lola (Shirley Maclaine). Itinago pala ng kaniyang ama sa kanila ni Rose na nagpapadala ng card ang mga Lola niya sa kanila. Magkagalit kasi ang mga ito. Hayun, pumunta si Maggie sa kaniyang Lola na nakatira sa tirahan ng mga matanda sa Miami, Florida. Tinanggap naman siya ng kaniyang Lola. Hindi naglaon, napilitan rin si Maggie na magtrabaho sa home for the aged bilang care giver.
            Nagkaroon ng bagong boypren si Rose. Isa ring abogado na dating kasama niya sa trabaho. Matagal na pala itong may gusto sa kaniya. Pareho silang mahilig kumain. Nagdesisyon na silang magpakasal. Kaso nahalata ng lalaki na parang may itinatago sa kaniya si Rose tungkol sa kaniyang kapatid. Naging isyu ito at umurong ito sa kanilang kasal. Siyempre naloka uli si Rose. Buti na lang nakatanggap siya ng sulat mula sa kanilang Lola. May kasama itong plane ticket papuntang Miami. Pumunta na rin siya. Siyempre nagkagulatan silang magkapatid nang magkita sila sa bahay ng kanilang Lola.
            Dahil nga romantikong pelikulang Hollywood ito, masaya siyempre ang katapusan. Naayos nina Maggie at Rose ang kanilang gusot. Nagkaayos din sina Rose at ang boypren niya kaya tuloy ang kasal. Nagkaayos din ang Lola at Ama nila. “All is well that ends well,” ‘ika nga.
            Naipalabas ang pelikulang ito dito sa Filipinas may ilang taon na ang nakalilipas. Nakabili ako noong isang buwan ng kopyang VCD sa halagang PhP75 lamang. On sale na kasi. Dahil matino ang pagkagawa ng pelikulang ito, hindi ito naging box office hit dito sa atin. Seryoso kasi ang tema ng pelikula at hindi nakadisenyo upang pagbigyan ang mga “American Dream” natin pati na rin ang ating mga “gitnang uring fantasya” (Salamat kay Roland Tolentino sa napaka-useful na pariralang ito!) kung kaya hindi pinanood ng mga sosyal at pasosyal (termino uli ni Tolentino na gustong-gusto ko). Ang mga mabababaw lang na mga pelikula mula Hollywood ang kumikita tulad ng Spiderman at mga romantikong pelikula tungkol sa mga bampira, at mga pambatang pelikula tulad ng Harry Potter at Ice Age dahil inaasahan ito ng mga sosyal at pasosyal na mga magulang na makakatulong maging tuluyang Inglesero ang kanilang mga anak na konektado siyempre sa “American Dream” at “gitnang uring fantasya.”
            Nagandahan ako sa pelikulang ito dahil taong-tao ang mga karakter. Gusto ko rin ang halagahan na isinusulong ng pelikula: pagmamahal at katapatan sa pamilya sa kabila ng mga kapansanan, kasalanan, at kasamaan ng bawat isa.
            Gusto ko rin ang di sinasadyang pagpapakita ng kahinaan ng pamilya at kulturang Amerikano. Nabibiktima rin pala sila ng pagiging isang mayamang bansa nila. Nagmimistula silang alipin ng pera sa kanilang pagtatrabaho at naghihiwalay ang mga pamilya dahil may pera sila at mas mobile kaya madali ang maglayas at mang-iwan ng mga kapamilya. Sa isang mahirap na bansa kasi tulad ng Filipinas, kahit na gusto na ninyo sanang maghiwa-hiwalay sa pamilya, tinitiis na lang ninyo dahil magastos ang maglayas. Kung wala kang kapera-pera kahit pambayad sa traysikel papuntang terminal ng bus ay wala ka.
            Isang pangit na resulta ng masyadong kapitalistang pamumuhay tulad ng sa Amerika ay ang pagkakaroon ng maraming home for the aged. Dahil kailangang kumayod nang kumayod, wala silang panahon upang alagaan ang mga matanda sa pamilya. (Kasalanang mortal kasi sa isang kapitalistang kultura ang hindi pagkakaroon ng maraming pera. Mababansagan kang “loser.”)  Inilalagay na lamang ang mga ito sa isang institusyon. Tumatanda silang mag-isa at namamatay na mag-isa. Kokolektahin na lamang ng kanilang mga anak at apo ang kanilang bangkay kung dedbol na sila. Ganito ang nangyayari sa komunidad ng Lola sa pelikula.
            Subalit hindi talaga ito ang nangungunang rason kung bakit nagandahan ako sa pelikula. Ang nakatawag ng aking pansin ay ang paggamit ng mga tula sa pelikulang ito, partikular ang mga tula ng pag-ibig nina Elizabeth Bishop at e.e. cummings.
            Kung pagandahan din lang ng tula sa pag-ibig ang pag-uusapan, sa tingin ko mas maganda ang mga tula ng pag-ibig ni Angela Manalang Gloria kaysa tula nina Bishop at cummings. May tatalo pa ba sa unang apat na linya ng tula ni Gloria na “To the Man I Married?” Sabi ng persona, “You are my earth and all that earth implies: / The gravity that ballasts me in space, / The air I breathe, the land that stills my cries / For food and shelter against devouring days.” O ng huling saknong ng tula niyang “To Don Juan” na nagsasabing, “It was not love, it was not folly, / I have no name to know it by, / I only know one shining instant / You held my earth, you held my sky.”
            Kung palaliman lang din ang labanan, tatambling ang lalaban sa unang saknong ng tulang “Poet Traveling Over Water” ni Merlie M. Alunan na, “befriend the wind / let it ride easy / in the hollows / of your bones / open your bosom / for wind to go through / storm rising / from the abyss / could pitch you / on the rocks / blow the skull apart / for darkness and sun / cold and heat / to flow in.”
            Ang pinupunto ko ay ganito. Bakit hindi natin ginagamit sa mga pelikula natin ang mga tula ng ating mga makata? Ginagawa na namin ito ng kaibigan kong direktor na si Ray Defante Gibraltar sa mga pelikulang ginagawa namin. Pero indie lang naman ang sa amin. Limitado lamang ang mga manonood. Mas maganda kung, halimbawa, sa pelikula ni Sarah Geronimo na sikat na sikat ngayon, ay may itatanghal na tulang sinulat halimbawa nina Jose Corazon de Jesus, Rolando Tinio, Cirilo F. Bautista, Rofel Brion, Benilda Santos, Romulo Baquiran, Jerry Gracio, at Kristian Sendon Cordero.
            Naantig ako sa eksena kung saan pinilit ng isang pasyente, na dating propesor ng literatura, si Maggie na magbasa. Bulag na ang propesor at gusto niyang basahan siya ng tulang “One Art” ni Bishop. Na-insecure kasi bigla si Maggie dahil mabagal siyang magbasa. Sabi ng matanda, okey lang dahil mabagal din daw siya kung makinig. Gusto nang umalis ni Maggie pero sabi ng propesor, kailangan niyang pilitin ang sarili na magbasa. Aniya, “Just take your time, Maggie. Listen to the words as you are about to say them.” A! tunog ng salita! Sabi nga ni Alunan, “What is poetry but human speech?” At iyon nga, mistulang milagro. Natutong magbasa si Maggie. Nagbasa pa siya ng tulang “i carry your heart with me” ni cummings sa kasal ng kaniyang Ate Rose na nagulat din na magaling na magbasa ng tula ang nakababatang kapatid.    
            Sa eksenang ito ko nakita ang halaga ng pagsusulat ng tula sa sariling dila. Kaya mistulang milagro ang pagkatuto ni Maggie na magbasa ng tula dahil nakasulat ito sa Ingles na wikang kinagisnan at ginagamit niya araw-araw kahit mababa lamang ang kaniyang pinag-aralan. Matapos kasi niyang basahin ang tulang iyon na Bishop tungkol sa pagkawala ng mga bagay at tao na mahal natin sa buhay at isang sining ito na dapat makasanayan natin sa mundong ito na marami ang nawawala sa atin dahil pansamantala lamang talaga ang lahat ng bagay dito sa daigdig, tinalakay pa nila ng propesor ang tula. Kayang-kaya niyang mag-close reading.
            Sa karanasan ko bilang guro ng literatura, bago mag-close reading ng isang Ingles na tula ay mayroon munang bahagi na kailangang mag-unlock the difficult terms. Maraming salita ang kailangan ipaliwanag ang kahulugan upang huwag maging sagabal sa pagbabasa at pag-intindi sa tula. Ito ang hindi naranansan ni Maggie sa unang pagkakataon na nag-close reading siya ng tula. Nasa sariling wika kasi niya ang tula at kahit hindi naman talaga siya palabasa ay naintindihan niya ang bawat kataga.
            Kung gumamit man tayo ng mga tula sa ating mga pelikula, dapat nasa wikang Filipino o sa mga wikang katutubo ito. Kung pelikulang Filipino ang In Her Shoes at kakilala ko ang direktor nito, irerekomenda ko ang tulang “Pagharap sa Salamin” ni Rebecca T. Añonuevo na angkop sa tema ng nasabing pelikula: “Isang pagdiriwang ang bawat / Pagharap ko sa salamin. / Tila banderitas / Ang kumakaway  na ngiti. / Ang nunal sa pisngi’y / Nanghahalinang mutya. / Isang banda ang sinag / Na nagmula sa mga mata. / Nagsasayaw ang isip / Sa pagkatha ng tula. / Samantala’y nagtatalumpati / Ang pantay na balikat. / Ang puso ko’y umaapaw / Sa alak ng pag-ibig. / Ang kaluluwa ko’y / Humahalimuyak. / May koronasyon maya-maya / Na pangako ako sa sarili.”
            Hindi ko na ipaliliwanag pa ang tula. Gaya nga ng sinasabi ng unang guro ko sa pagsusulat ng tula na si Leoncio P. Deriada, ang isang mahusay na tula, kagaya ng isang mahusay na biro, ay hindi na kailangan ipaliwanag pa. Masisira lamang ito sa mga dagdag pa na satsat.

[25 Hunyo 2011
Lungsod Pasig]

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.