KATATAPOS ko lang manood ng mga balita sa 24 Oras ng GMA7 at TV Patrol World ng ABS-CBN hinggil sa kahindik-hindik na selebrasyon ng kapistahan ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo, Lungsod Manila. Sa huling tala umano ng National Red Cross ay 555 na ang mga nasugatan sa napakagulong prusisyon. Ang 555 ay brand ng isang sardinas at kung titingnan mo ang mga debotong tilang nagpapatayan makahawak lamang sa estatwa ng Hesus Nazareno ay isang understatement lamang kung sasabihing mistulang mga sardinas ang tao doon. At tandaan din natin na ang sardinas ay staple food ng mga mahirap na siyang karamihan sa mga mistulang nabaliw na sa kanilang mga panatang mukhang hindi pinag-isipan.
Oo, krimen ng mga obispo’t pari ng simbahang Katoliko, lalo na ng arsobispo ng Manila at ang mga naka-assign sa simbahan ng Quiapo, ang taon-taong madugong prusisyon ng kapistahan ng Hesus Nazareno. Mabuti nga ngayon, mga nahimatay at nasugatan lamang sa paa ang maraming mga biktima nitong pagpipista. May mga taon na may namamatay talaga. Walang ibang dapat sisihin sa mga kamatayan at disgrasyang ito kundi ang mga pari at obispo na pinananatiling mangmang ang mga deboto.
Walang ginagawa ang mga pari at obispo upang pagsabihan ang mga deboto na masama ang kanilang ginagawa: yung nagtutulakan, nagtatapakan, at nagsisipaan makalapit lamang sa estatwa at makahawak sa lubid. Sana kasi, ipinapaliwanag ng mga pari at obispo sa mga tao na si Hesus Nazareno ay isa lamang sa mga imaheng persona ni Hesu Kristo na ating tagapagligtas. Ito ang Hesus Kristo na nasa sabsaban natin sa ating mga belen kung Pasko, ito si Santo Niño, ito si Sacred Heart of Jesus, ito ang nakapako na si Hesus, at marami pang iba. Samakatuwid, kahit saang simbahan ka pumunta kahit anong araw at oras ay nandoon si Hesus. Kahit sa bahay ka magdasal maririnig ka ni Hesus. Hindi mo kailangang makipagsiksikan sa mga prusisyon para lamang marinig ka ni Hesus. Mababaw lamang kasi na pananampalataya ang mga pagpahid-pahid ng panyo sa mga imahen ng mga santo.
Katulad na lamang kaninang madaling-araw sa Quirino Grandstand sa Luneta kung saan ilang araw nang nandoon ang replika ng imahen ng Hesus Nazareno na pinipilihan ng libo-libong tao. Habang nagmimisa si Cardinal Gaudencio Gonzales, ang Arsobispo ng Manila, biglang nagkagulo sa imahen ng Hesus Nazareno dahil pinaghahandaan na ang pag-umpisa ng prusisyon. Sinugod ng mga deboto ang entablado at nagtutulakan, nagtatadyakan, at nagsisitalunan makahawak lamang sa estatwa. Nagulo ang misa. Ito na sana ang pagkakataon na pagalitan ng obispo ang mga tao at ipaliwanag ang tama, lohikal, at sibilisadong paniniwala. Sana oportunidad na iyon na wastuin ang lihis at malapaganong debosyon ng mga tao. Pero hindi ito ginawa ng arsobispo. Pinakiusapan lamang niya ang mga tao na tumahimik muna at huwag gumalaw.
Ngayon ang tanong ay heto. Bakit pinababayaan ng mga pari at obispo ang ganito kahibang na debosyon? No brainer ang sagot. DONASYON! PERA! Limpak-limpak na salapi para sa simbahan.
Isipin mo nga naman. Halimbawa, may isang milyong uto-utong deboto lamang ang pupunta sa simbahan ng Quiapo at sa Quirino Grandstand sa tatlong araw na selebrasyon. Bawat isa ay magdo-donate ng piso. Imadyin, tatlong milyong piso na iyon! Alam natin na sa mga pistang ganito, talo ang ASAP XV at Party Pilipinas sa dami ng isponsor. Kaya hinahayaan ng mga pari at obispo na mananataling hangal ang mga deboto sa kanilang di-rasyunal na paniniwala para magkamal ang simbahang Katoliko ng mas maraming pera. Kaya di ba, ang sarap ng buhay ng mga pari at mga obispo? Ang mga obispo may mga palasyo ‘yan. Nakapasok na ba kayo sa kumbento ng mga malalaking simbahan at basilika? Nandoon ang lahat ng mga masarap na pagkain! May isang basilika akong binibisita noon na sa kainan nila ay may tatlong ref na punong-puno ng mga pagkain! Donasyon at pera ‘yan ng mga uto-utong deboto.
Bakit kamo uto-uto? Bakit sino ba ang nagsabing puwedeng bayaran o i-bribe ang Diyos para biyayaan ka Niya? Ang akala mo ba ang mga santo parang mga traffic enforcer ng MMDA na puwede mong bigyan ng isandaan o limandaan kung hulihin ka nila dahil nilabag mo ang batas-trapiko? O akala mo ba ang Diyos parang mga huwes na puwede mong bigyan ng pera para malusutan mo ang mga kaso mo na talaga namang ginawa mo? Hindi tahasang sinasabi ng mga pari at obispo na nagtatanggap ng lagay at tong ang Diyos pero dahil sa pangungunsinti nila ng mga hibang na debosyon—gaya ng mga debosyon sa Hesus Nazareno at Santo Niño—ay ito nga ang mensaheng pinaparating nila. Kaya kasalanan talaga nila kung kada taon ay lumalampas sa limandaang katao ang nadidisgrasya sa kapistahan ng Hesus Nazareno.
Wala man lang pari o obispo ang nagsabing maling-mali ang magsakitan makahipo lamang sa imahen ni Hesu Kristo. Na isang mababaw iyon na uri ng debosyon. Na hindi matutuwa ang Diyos kapag makita niya ang mga eksena sa napakagulong prusisyon. Paano, luho nila ang nakasalalay dito.
Kaya sa tingin ko tama talaga si Dante Alighieri sa kaniyang librong Divina Comedia, partikular sa librong Inferno. Nasa pinakamalalim at pinakamainit na bahagi ng impiyerno napupunta ang kaluluwa ng mga pari at obispo! Hindi pa nasaksihan ni Alighieri ang pista ng Hesus Nazareno niyan ha.
Sa totoo lang, walang bago sa sinasabi ko ngayon hinggil sa pagbasa ko sa penomenon ng hibang na debosyon. Matagal na itong sinabi at sinulat ni Jose Rizal. Noong 1896 pa pinatay ng mga Kastila si Rizal dahil hindi gusto ng mga prayle, ng mga obispo, ang tabas ng kaniyang dila at talas ng kaniyang panulat. 2011 na ngayon, nagpapauto pa rin tayo sa mga pari, prayle, at obispo.
[9 Enero 2011
Lungsod Pasig]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.