Saturday, January 1, 2011

Dapat Pamarisan si Hannah Montana

SA mga sumusubaybay sa aking mga sinusulat, alam nila na anti-American ako. Kaya siguro nagtataka sila ngayon kung bakit iniendoso ko si Hannah Montana, isang American pop culture icon, na pamarisan ng kabataang Filipino. Ganito kasi iyon.
            Noong araw ng Pasko, habang nanonood ako ng telebisyon, napadaan ako sa tsanel na Fox Family Movies. Mukhang family drama ang palabas kung kaya nanood muna ako. Nagustuhan ko ang aking napanood. Tungkol ito sa isang sikat na dalagitang singer na si Hannah Montana. Palagi siyang pinagkakaguluhan ng mga tao, lalo na ng kabataang tulad niya at parang lumalaki na ang kaniyang ulo dahil dito. Kaliwa’t kanan rin ang kaniyang mga palabas. Hanggang kailangan niyang umuwi sa kanilang probinsiya dahil kaarawan ng kaniyang lola.
            Sa kanilang probinsiya, kilala lamang siya bilang si “Molly” na apo ng kaniyang lola. Hindi kasi niya suot ang blonde na wig niya na suot niya kapag kumakanta siya. Kilala doon si Hannah Montana pero hindi alam ng mga taga-roon na siya iyon. Samakatuwid tahimik ang kaniyang buhay doon. Noong una, parang nagtataka siya at naiirita na hindi siya kilala ng mga taga-kanila. Pero kalaunan parang gusto na rin niya na si Molly lamang siya doon at malaya siyang makapamuhay. Hanggang sa may fund raising concert sa kanila na para yata (hindi na ako sigurado) sa renobasyon ng kanilang simbahan. Konting pera lamang ang nalikom at napag-isipan ng mga taga-organisa na dapat mag-imbita sila ng sikat na mang-aawit para mas malaking pera ang maiipon nila.
            May nag-suggest na si Hannah Montana ang imbitahan nila. Paano mangyayari iyon dahil sikat na sikat si Hannah at siguradong hindi nila kayang bayaran ang talent fee nito? Sabi ni Molly siya ang bahala. May kakilala raw siyang kakilala ni Hannah at siguradong siyang pauunlakan sila ng sikat na sikat na singer. Tinawagan ni Hannah ang kaniyang manedyer na pumunta sa kanila at may kasama itong decoy na Hannah Montana na kaibigan naman ni Hannah.
            Marami ang bumili ng tiket para sa fund raising concert. Hindi magkamayaw ang mga tao nang kumakanta na si Hannah. Subalit biglang napatigil si Hannah sa pagkanta. Hindi na niya kaya pang utuin ang kaniyang mga ka-probinsiya kung kaya nagkumpisal na siya. Tinanggal niya ang kaniyang wig na blonde. Nabigla ang mga manonood pero agad naman silang nakabawi. Sumigaw pa rin sila na muling isuot ni Molly ang wig na blonde at kumanta siya bilang si Hannah Montana. Nangako silang magiging sekreto nila lahat ito. At hayun, naging bongga na ang pagtatanghal ni Hannah at ang saya-saya ng mga tao.
            Gaya ng isang kanta ni Hannah, sinabi niya na puwede mong palitan ang iyong buhok, puwede mong palitan ang iyong mga damit, puwede mong palitan ang iyong sapatos subalit hindi mo puwedeng palitan ang iyong pagkatao, ang lugar at ang pamilyang iyong pinanggalingan. Aniya pa, palagi mong mahahanap ang daan pauwi sa inyong tahanan.
            O di ba? Kahit na American pop icon si Hannah Montana, nasasalamin pa rin ang isang halagahan na mahalaga sa ating mga Filipino—ang pagpapahalaga sa pamilya at sa pamayanan. Di ba mayroon pa nga tayong kasabihan na, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa kaniyang paroroonan.”
            Pinahalagahan din ni Hannah Montana/Molly ang katotohanan at ang katapatan. Kaya dapat lamang siyang pamarisan.
            Naalala ko tuloy ang isa sa mga sanaysay ng guro kong si Isagani R. Cruz na nagsabing kinokopya na natin lahat ng mga gawa at kultura ng mga Amerikano tulad ng pelikula, pananamit, pagkain, pagsasalita, at kung ano-ano pang mga mabababaw na bagay. Ang pinakamaganda at pinakamahalagang katangian daw ng mga Amerikano ang hindi natin ginaya. Iyon ay ang pagmamahal nila sa kanilang bansa, sa kanilang pungsod. Mahal na mahal kasi ng mga Amerikano ang Estados Unidos ng Amerika. Ipinagmamalaki nila ang kanilang pagiging Amerikano. Kaya nga karamihan sa kanila ay hindi nakikita ang pagiging imperyalista ng kanilang bansa. Kaya takang-taka sila kung bakit sila target ng mga terorista. Hindi kasi nila alam na nang-aapi sila ng ibang bansa (katulad ng ginagawa nila ngayon sa Iraq, na ginawa rin nila sa Vietnam noon, at ginawa nila sa atin noong Filipino-American War kung saan sapilitan nila tayong sinakop at kinolonya at hanggang ngayon ay neo-kolonya pa rin nila) at maraming bansa ang naghihirap upang maging mayaman lamang sila.
            Kahit maraming kabulukan ang ginagawa ng pamahalaan ng Estados Unidos sa maraming panig ng mundo, hindi iyon nakikita at pinupulaan ng mga Amerikano. Kahit nga ang mga dating Filipino na US citizen nga ngayon, kapag magbakasyon dito sa atin ay palagi na lamang natin maririnig sa kanila, gaya sa isang patalastas sa telebisyon, ang “Walang ganiyan sa States!” 
            Ito ang dapat nating pamarisan sa sikolohiyang Amerikano. Dapat ipagmalaki natin ang Filipinas. Dapat para sa atin, Filipinas ang pinakamagaling! At dapat huwag nating ikahiya ang ating pinagmulan. Dapat mahalin natin ang ating kinagisnang tahanan. Ito ang aral na itinuro sa akin ni Hannah Montana.
            Sana hindi lamang pananamit at hairdo ni Hannah ang pamamarisan ng mga batang Filipino, lalo na ang mga babae. Mababaw lang kasi ang panlabas na anyo. Mas dapat nilang pamarisan ang laman ng isipan at kasingkasing nitong tin-edyer na Amerikana na ubod ng ganda—sa parehong panlabas o panloob na katangian.

[27 Disyembre  2010 / Lungsod Pasig]

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.