KUNG may katarungan dito sa ating lipunan at patas ang kalibutan, dapat National Artist na si Rey Valera. Ito ang naiisip ko habang nanonood ako kanina ng “Pilipinas Win na Win.”
Bukod kay Pokwang, nanonood pa rin ako paminsan-minsan ng “Pilipinas Win na Win” dahil gusto kong panoorin na kumakanta sina Rey Valera, Rico J. Puno, Nonoy Zuniga, at Marco Sison. Bata pa kasi ako ay gusto ko na ang kanilang mga kanta. Lalo na si Rey Valera.
Guest nila kanina si KC Concepcion. Bago nila tawagin si KC, nagtanong si Rico J. Puno, kung gusto raw ba ng audience si Sharon Cuneta? At tinanong niya si Valera ng, “Di ba ikaw ang nag-compose ng unang kanta niya?” Oo, sagot naman ni Valera. Noong maliit pa raw si Sharon, labindalawang taong gulang pa lamang. Siya ang nag-compose ng isa sa maraming hit singles ni Sharon na “Mr. DJ.” At ngayon, sabi nila, ang guest nila ay anak na ni Sharon Cuneta. Ibig sabihin daw, sabi ni Puno, matanda na sila. Sinabayan nila ito ng masayang tawanan.
Kumanta sila ng klasikong awiting Rey Valera-Sharon Cuneta na “Kahit Maputi na ang Buhok Ko.” Paglabas ni KC, “Mr. DJ” naman ang kinanta nito. Ang ganda-ganda ni KC. Dalagang-dalaga na. Mas maganda kaysa nanay niya. Bilang isang Sharonian magmula pa noong haiskul pa lamang ako, oo, inaamin ko, matanda na nga ako.
Masayang-masaya ako noon sa album ni Sharon na “Sharon Sings Valera.” Sinong Filipino ang hindi alam ang awiting “Maging Sino Ka Man?” Ang isa pang sikat na awiting Valera ay ang “Walang Kapalit.” Naging theme song ito ng isang pelikula ni Sharon. Kinanta rin ito ni Piolo Pascual sa isang album niya. Hindi ka sikat na Filipinong mang-aawit kung hindi ka pa nakakanta ng awit ni Valera.
Samakatuwid, ang taong-sining na tulad ni Valera lamang ang may karapatang tanghaling “National Artist.” Magaling siyang kompositor at mang-aawit na kilala ng mga tao ang kaniyang mga awitin.
Noong nakaraang linggo, medyo nakantiyawan ko ang mga estudyante ko sapagkat halos lahat sila ay walang kilalang national artist. Ngayon ko lamang naisip na hindi iyon kasalanan nila. Baka ang mga basehan ng pagpili ng national artist ang mali. Pumipili sila ng mga national artist na wala naman talagang impact ang mga ginawa sa buhay ng sambayanan. Nakasulat ka nga ng ilang nobela, ng ilang tula tungkol kunwari sa masa pero hindi ka naman binabasa ng masa kasi sinulat mo naman ang mga ito para sa mga kaibigan mong akademista at elitista. Nagpinta ka nga ng tungkol sa mga mahihirap pero mayayaman lang naman ang makakabili at makakakita ng mga mga ipininta mo. Wala ring silbi ang mga ito sa bayan. Si Valera, alam ng mga tao ang mga kanta niya. Bahagi ng buhay ng karamihan ang kaniyang mga awitin sapagkat tungkol ito sa buhay ng karamihan. Nasasakyan ng sambayanan ang mga awiting kaniyang nilikha.
Kunsabagay, hindi kasi mukhang tsikadora si Valera. Hindi siya nakikipagkaibigan sa mga kritiko o sumasali sa mga organisasyon na puwedeng mag-nominate sa kaniya sa mga gawad tulad ng National Artist Award. Hindi niya isinisiksik ang kaniyang sarili sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) at sa Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA). Nababalutan din kasi ng politika ang mga award-award na ‘yan.
Bagama’t hindi ko alam (Alam ko siyempre pero kunwari di ko alam!) ang rason kung bakit napilitan si Valera na mag-host ng isang arawan na palabas sa TV, at sa tingin ko hindi naman bagay sa kaniya ang trabahong ito, hindi nababawasan ang paghanga at respeto ko sa kaniyang talento bilang musikero, bilang tagahabi ng mga awitin ng pag-ibig na Filipinong-Filipino. [4 Disyembre 2010 / Lungsod Pasig]
Oo naman. Magaling si Valera at hindi siya tsikadora kaya nga yan ang dahilan malamang na di siya nananalo o nanono-minate manlang bilnag isang NA, tulad ng sinabi mo.
ReplyDeletePero, dahil hindi siya tsikadora, hindi ko siya masyado "nakikilala". Parang mahiyain kasi siya at may pagka self conscious. Kaya alam mo ba kong sino ang love na love ko sa kanilang mga singer hosts ng PWNW kahit palaging hindi ko na siya napapanood? Walang iba kondi si Rico J. Puno. Tuwang-tuwa ako sa effort niya na magbigay ng saya kahit minsan parang paglapastangan na sa sarili at sa kanyang katayuan ang ginagawa niya. Kaya nga love ko siya.