UNANG-UNA, hindi lahat ng bading ay tumitili. Kaya iritang-irita ako sa balita sa TV kanina na ang mga utak pulbura sa Bulacan ay may bagong iligal na naman na paputok na ang tawag nila ay “Goodbye Bading” na kamag-anak ng “Goodbye Philippines” at “Goodbye Universe” na ang dapat talagang ipinangalan nila kung hindi pa sana natusta ang kanilang utak ay “Goodbye mga Daliri” o di kaya’y “Goodbye Kamay” at “Goodbye Buhay” na bongga ang tugmaan.
“Goodbye Bading” daw ang ipinangalan sa walang kuwenta at maperhuwisyong paputok na ito dahil dalawang minuto munang titili ito bago sumabog. Dahil nga nilason na ng pulbura ang utak ng mga nakapag-isip nito at isa akong ulirang (ehem!) guro, nais kong magbigay ng kaunting lektyur dito na libre. Ang mahal kaya ng per hour ko sa Miriam College at La Salle Taft! Isipin na lamang natin na community outreach involvement ko ito para matulungan ang mga negosyante ng paputok na hindi nakapag-aral at kung nakapag-aral man ay walang pinag-aralan.
Ganito kasi iyon. Sari-sari ang mukha ng mga bading. May mga bading na maskulado dahil mahilig mag-gym at sila yung tipo na hindi titili. Mayroong matinee idol—super guwapo at seksi na tinitiliian ng mga babae at bading—pero bading din hindi nga lang inaamin. Mayroong sundalo at pulis na ang bababa at babagsik ng mga boses at diyahe nga naman sa kanilang trabaho kung titili-tili sila. Mayroong mga pari at obispo na mahinahon magsalita palagi. Mayroong abogado na pormal magsalita at titili lamang kung mahulog ang microphone sa harap niya. Mayroong mga doktor, dentista, makata, propesor, inhenyero, arkitekto at marami pang iba. Siyempre mayroon ding mga parlorista—yung mga nagdadamit babae at nagmi-meyk-ap—tulad ni Vice Ganda na masayahin at mahilig talagang tumili. Kaya siguro akala ng nakararami, kapag bading tumitili. Ito kasi ang tradisyon ng kabadingan sa showbiz sa Filipinas na pinauso ng Facifica Falayfay ni Dolphy, pagbabakla-bakla ni Joey de Leon at ng mga kabarkads niyang sina Tito (senador ‘yan ha) at Vic Sotto, Roderick Paulate, at ngayon ni Vice Ganda. Walang mali sa uri ng kabadingang kanilang isinusulong. Trip nilang magsuot-babae at mag-meyk-ap, e di pabayaan natin sila. Ang kaso nga lang, sila ang mas visible kung kaya inaakala ng mga utak-pulbura at ng mga walang utak, period, ay sila ang epitome, ang representative, ang normal, na bading.
Maling-mali na “Goodbye Bading” ang ipapangalan sa isang tumitili at delikadong paputok. Dapat ang itawag dito ay “Goodbye Utak Forever!”
Kaya gustong-gusto ko ang kampayang APIR—Aksyon Paputok Injury Reduction— ng Department of Health. Napanood ko sa TV ang paglunsad nila ng programang ito. Namigay pa sila ng CD na ang sisidlan ay hugis paputok na trianggulo ng mga tunog ng pagsabog ng mga paputok. Canned firecrackers sound. Bakit hindi? Ngunit bongga na din naman ang tunog ng takip ng kalderong pinapatik ng malaking kutsara di ba? Bongga na ito kung sasabayan pa ng tilian at sigawan at tawanan at sayawan.
Noong isang araw lang, isang traysikel sa Bulacan na puno ng mga kargang paputok ang sumabog. Sunog ang katawan ng drayber at namantay ang kaniyang anak na kasama niya sa pagbibiyahe. Nangyari ito dahil may paputok na inilagay malapit sa tambutso. Ngayong araw lang, tatlong araw bago magbagong taon ay may mga bata nang isinusugod sa ospital dahil naputukan ng piccolo. Mayroon ding batang nakalunok ng pulbura. Ang nakakaawa ang batang babae na natamaan ng ligaw na bala sa binti. Noong nakaraang Pasko lang, isang buntis ang natamaan ng ligaw na bala sa balakang. E, papunta lang naman sana siya sa simbahan. Buti hindi natamaan ang bata sa kaniyang sinapupunan. Taon-taon, libo-libong tao ang nadidisgrasya dahil gumamit ng mga paputok. Hahayaan na lamang ba natin ito?
Bukod sa peligrong maputukan, dalikado rin ang usok ng mga paputok na ito sa mga may hika tulad ko. Lalo na sa mga bata. Hindi ba sakop ng Clean Air Act ang usok mula sa mga paputok na ito?
Kaya binabati ko ang DOH sa aktibong kampanya nito laban sa mga paputok. Pati ang Malakanyang ay nagpalabas na rin ng statement hinggil sa iwas-paputok. Pati ang GMANEWS.TV na pinapanood ko palagi ay parang pino-promote na rin ang pag-iwas sa paggamit ng paputok sa kanilang mga balita at programa. Sa ganitong mga isyu at pagkakataon, dapat talagang maging bias na ang masmidya.
Kung may extra lang akong pera ngayon gusto ko sanang mag-New Year sa Lungsod Baguio o kaya sa Lungsod Davao. Bawal kasi ang mga paputok doon. Mas nag-iisip at mas matapang ang mga lokal na lider nila. Nagmumukha pang mas sibilisado ang kanilang lungsod. Sana pamarisan sila ng iba pang mga lokal na pamahalaan sa ating bansa.
Heto ang dasal ngayon ng Sirena sa pagtatapos ng taon: SANA MASUNOG MULI ANG MGA TINDAHAN NG PAPUTOK SA BULACAN!!! Hayan, tili ‘yan ng isang galit na bading.
Kung may utak tayo at malasakit sa kapuwa, dapat GOODBYE PAPUTOK na tayo sa 2012.
[29 Disyembre 2011
Lungsod Pasig]