KAGIMBAL-GIMBAL ang nangyari kay Edmund Padilla, 19 taong gulang, ng Nueva Vizcaya. Nalapnos ang kaniyang balat dahil binuhusan siya ng tatay niya ng kumukulong tubig dahil hindi nito matanggap ang kaniyang pagkabading.
Lasing daw na umuwi ang ama nila at tinanong siya kung bakit hindi nito kayang magkilos lalaki. (Hindi siyempre alam ng engot na amang ito na may mga bading na kilos lalaki rin.) At nang hindi makuntento sa sagot, umalis ito saglit at pagbalik ay may dala nang mainit na tubig at ibinuhos sa anak na bading. Sabi ng ama sa interbyu sa TV, nagawa lang daw niya ito dahil hindi niya matanggap na ang tatlo sa lima niyang mga anak na lalaki ay bading. Bakit? Hindi ba ito blessing?
Ipinakulong ni Edmund ang ama. Na dapat lang. Ang kahit sinong ama o ina na mambubuhos ng mainit na tubig sa anak ay dapat talagang ikulong.
Minabuti ng ina ni Edmund na manahimik na lamang. Hindi ito nagpainterbyu sa TV. Maaaring senyales ito ng pagpapatahimik sa kaniya ng patriarkal na sistema. Nasa gitna siya ng nag-uumpugang bato: bana na malupit at anak na malubhang sinaktan. Naisip ko tuloy na kung nangyari ito sa akin, kung binuhusan ako ng Tatay ko ng kumukulong tubig dahil hindi niya matanggap na bading ako noong nabubuhay pa ang aking ina, natitiyak kong papatayin ng Nanay ko ang aking Tatay! Matapang ang Nanay ko. Siya ang tipong isisigaw ang gusto niyang sabihin. Para siyang aso o tigre na bagong panganak. Siya ang tipo ng ina na pinapalo kami kapag kami’y may kasalanan subalit kung sasaktan kami ng iba tao, kahit na ng ama pa namin, ay ‘ika nga nila maghahalo ang balat sa tinalupan. Nang minsan ngang pinasok ng magnanakaw ang bahay namin sa Lungsod Puerto Princesa, hindi siya nangiming barilin ito. Hindi nga lang niya natamaan. Nang magsumbong siya sa telepono sa Tatay ko (nasa barko kasi ito) at pinagalitan pa siya kung bakit hindi niya tinamaan ang magnanakaw, paiyak niyang sinigawan ang Tatay ko ng, “Dahil hindi naman ako sharp shooter! Natakot lang ako na baka may kutsilyo ito at saksakin niya kami ng mga bata kaya binaril ko ng dalawang beses!”
Naalala ko minsan noong maliit pa ako, siguro mga sampung taong gulang lamang ako noon, nahulog ang isang kambing namin sa farm sa isang bukas na balon. Ako ang unang nakakita. Tili ako nang tili hanggang sa nagsitakbuhan papalapit ang Tatay ko at ang mga tauhan niya sa bukid. Nang malaman ng Tatay ko na kambing lang pala ito na nahulog sa balon, nilapitan niya ako at pinitik sa tenga. Siguro nahiya siya dahil tili ako nang tili na parang batang babae. Nakita ito ng Nanay ko. Nagwala siya. Buong araw na naging impiyerno ang buhay ng Tatay ko dahil doon.
Ganito kasi ang lohika ng Nanay ko na narinig kong isinisigaw niya sa Tatay ko na dinig na dinig ng buong barangay: “Mga anak ko ‘yan! [As if hindi ang ama namin ang nakabuntis sa kaniya.] Hindi mo puwedeng saktan kahit dulo ng kanilang buhok. Kung may kasalanan sila sa ‘yo isumbong mo sa akin. Puwede ko silang patayin sa harap mo kung malaki ang kasalanan nila sa ‘yo. Ako lang ang puwedeng manakit sa kanila dahil sa akin sila lumabas!”
Kaya ni minsan hindi ako pisikal na sinaktan ng Tatay ko dahil bading ako. Tanggap kasi ng Nanay ko na bading ako kung kaya walang mali sa pagiging bading ko. Malaki na ako nang namatay ang Nanay ko. Kung hindi man tanggap ng Tatay ko na bading ako ngayon ay hindi na niya ako kayang saktan pa, gaya ng ginawa ng tatay ni Edmund sa kaniya, dahil kaya ko na ring pumatay ng tatay kung kinakailangan.
Ang homophobia ay dapat binabangga nang harapan.
Kaya dapat maghinay-hinay ang mga obispo sa pagpapainterbyu sa telebisyon at pa-witty na magsabing “nakakadiri” ang pagpapakasal ng parehong lalaki at parehong babae. Marami kasing “faithful” ang makikitid ang utak tulad ng tatay ni Edmund. “Nakakadiri” ang pagkabading kaya parang mikrobyo na maaaring mapatay ng kumukulong tubig. Kaya okey lang na buhusan ng mainit na tubig ang anak na bading kasi nga “nakakadiri.”
Ang paghihirap ngayon ni Edmund, ang pagkalapnos ng kaniyang likod at balikat, ay simbolo lamang ng kaapihang nararanasan ng mga bading dito sa ating lipunan. Yung iba, hindi nga binubuhusan ng mainit na tubig ng kanilang ama subalit minumura naman sila, pinapalayas, hinihiya. Kung kaya lapnos din ang balat ng kanilang kaluluwa. Wala pang ointment na naimbento upang gamutin ang lapnos, sugat, at pasa sa balat ng ating pagkatao.
[4 Enero 2012
Lungsod Pasig]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.