NAGAHIGUGMA tayo kaya tayo nasasaktan. Ito ang aral na ibinabahagi sa mga manonood ng pelikulang Ploning (Direktor: Dante Nico Garcia. Panoramanila Pictures Co. 2008). Hindi bagong aral subalit dahil nga masyado nang ordinaryo na ideya, madalas nakakalimutan ng karamihan sa atin. Kaya gustong-gusto ko ang pelikulang ito dahil naipakita ng direktor sa paraang masining ang aral na ito at hindi na lamang tungkol kay Ploning o tungkol sa Cuyo, Palawan ang pelikula, kundi naging tungkol ito sa sangkatauhan. Naging unibersal ang pelikula sa pagiging lokal nito. Walang magawa ang manonood kundi mas magiging tao. Ito talaga ang hangarin ng kahit anong uri ng sining—ang mapatingkad ang ating humanidad.
Kapag maganda ang isang likhang-sining (at dapat lamang na maganda dahil kung hindi ito maganda ay hindi ito sining), nagiging ganap ang pagtatagpo ng porma at nilalaman. Magaling na direktor si Dante Nico Garcia. Sa tulong ng masining na paghawak ng sinemagtograpiya, nakalikha ang grupo ni Garcia ng isang kapanipaniwalang kalibutan ng Cuyo dahil ang sining ay maanggid sa paglikha ng isang bagong mundo. Hindi makatilingala na binigyan ng Cinema Evaluation Board ng gradong A ang Ploning.
Inspirado ng isang tradisyonal na Cuyunong awitin na may pamagat ding “Ploning” ang pelikulang ito. Kuwento ito ng isang babaeng iniwan sa isla ng ginahigugma. Mahusay ang pagganap ni Judy Ann Santos bilang Ploning—ang babaeng iniwan ng nobyong nagpunta ng Manila. Patuloy ang kaniyang buhay habang naghihintay. Kahit nababalot ng kasubo at pangungulila ang pagkatao, umaagos naman mula sa kaniyang kasingkasing ang pagmamahal sa mga tao sa kaniyang paligid—kapamilya, kamag-anak, at mga kaibigan. Tahimik lamang si Ploning kung kaya’t hindi alam ng mga tao sa kaniyang paligid na hindi na talaga makakauwi ang kaniyang hinihintay dahil namatay na ito sa Manila. Gayunpaman, patuloy sa Ploning sa kaniyang pagmamahal at sa pamamahagi ng mga ito lalo na sa anim na taong gulang na batang si Digo.
Mistulang isang enggrandeng nobela ang pagkahabi sa pelikula. Dahil nga siguro isang production designer si Garcia, magaling siya sa paghawak sa mga detalye. Salit-salitan ang mga eksena ng nakaraan at kasalukuyan subalit hindi malilito ang manonood.
Buhay na buhay rin ang mga karakter kahit na iyung maiksi lamang ang papel. Katulad na lamang ng karakter ni Eugene Domingo na Juaning—isang imbalidong nanay na nag-iisa na sa buhay kasama ang dalawang anak. Anak ni Juaning si Digo. Si Digo ang nagbabantay at nag-aalaga sa ina kung nagtatrabaho ang kanyang kuya. Kaya minsan, nang malaman niya na pupunta si Ploning sa Manila, bigla niyang tinanong ang kanyang nanay kung kelan ito mamamatay. Tinanong ito ni Digo habang sinusubuan ng kanin ang ina. Gusto niya kasing sumama kay Ploning. Napakapayak ng eksenang ito subalit nakakagimbal. Nangyari ito sa labas ng kanilang halos mawasdak na bahay na yari sa kawayan sa tabi ng dagat. Hindi nakasagot si Juaning. Napaluha lamang siya. Nakapukos ang kaniyang mukha. Nang bumalong ang kaniyang mga luha, tuloy-tuloy ito sa pag-agos—parang mga alon sa dalampasigan. Sa eksenang iyon, naging dagat ang mukha ni Juaning.
Kadalasan, sa mga pelikulang komersyal ng mga batang love team, isinasali si Domingo upang hindi makatulog ang mga manonood. Magaling kasi na komedyante ni Domingo. Magaling siyang mag-deliver ng mga nakakatawa na linya. Kung minsan, mukha pa lang niya, matatawa ka na. Ibang Domingo ang makikita sa Ploning. Dito nagdrama siya at pinatunayan ang kanyang pagiging versatile. Mapakomedi o drama, isa siya isang napakahusay na artista.
Nakakaloka ang listahan ng mga magaling na artista sa pelikulang ito. Nagtataka nga ako kung paano nakayanan ng isla ng Cuyo ang bigat nila: Gina Pareño, Tony Mabesa, Tessie Tomas, Ces Quesada, Joel Tore, Ronnie Lazaro, Mylene Dizon, Beth Tamayo, at Meryl Soriano. Ito ang magandang nagagawa ng “equity- sharing scheme,” isang paraan ng paggawa ng pelikula na makikita lamang sa indie (independent) filmmaking. Yung ambag-ambag lang muna ng gamit sa produksyon, talento, at pera. Saka na maghatihati ng kita kung kumikita na ang pelikula. Kaya bilib ako kay Judy Ann Santos na pumayag siya sa ganitong eskima. Dinig ko, halos pera niya ang ginasta sa produksiyon. Hindi siya nagsayang ng pera. Isang obramaestra ang Ploning.
Kung gaano ako ka bilib kay Juday, ganoon naman ako kainis sa Star Cinema. Alam naman nilang independent film ang Ploning, sinabayan pa nila ang paglabas nito ng basura nilang pelikula na When Love Begins. Nakita ko sa TV na nag-a-apologize si Jose Javier Reyes kina Juday. Direktor lamang daw siya ng When Love Begins at “producer’s call” ang petsa ng pagpapalabas ng pelikula. Naniniwala pa rin ako na si Reyes ang pinakamagaling nating direktor sa ngayon. Pero sa matuod lang, itong When Love Begins ang pinakaboring at pinakapangit niyang pelikula. Mukha itong pito-pito, o baka nga tatlong araw lang silang nagsyuting sa Boracay at may korning pelikula na sila agad.
Ang pelikula ay isang sining. Bagamat malaki ang kita kung ang mga katulad nina Judy Ann Santos at Sharon Cuneta ang mga bida, sana huwag naman kalimutan ng mga prodyuser na sining ang pangunahing konsiderasyon sa paggawa ng pelikula. At dahil nga ilang taon nang parang maranhig ang industriya ng pelikulang Filipino, sana naman huwag tapakan ng mga malalaking kumpanya ng pelikula ang mga maliit na indie film company tulad ng Panoramanila Pictures Co. Nasa indie films kasi ang kinabukasan ng pelikulang Filipino.
Kitang-kita ang pagmamahal sa pelikula bilang sining ng mga taong tulong-tulong na binuo ang Ploning. Kaya angkop lamang na ang pinakabuod ng pelikula ay pagmamahal. Sari-saring mukha ng dalisay na pagmamahalan: pagmamahalan ng magkasintahan, pagmamahalan ng mag-ama, pagmamahalan ng mag-ina, pagmamahalan ng magkapatid, pagmamahalan ng magkakamag-anak, pagmamahalan ng magkaibigan…
Maganda na malungkot ang tono ng pelikulang Ploning. Ayon sa sinaunang mga makatang Hapon, ang isang tunay na magandang bagay ay malungkot sapagkat alam natin na hindi ito magtatagal. Sa tingin ko, matapos kong panoorin ang pelikulang ito, tama pa rin sila.
Masyadong mahirap ang klase ng paghigugma na ipinanukala ni Ploning—ang maghigugma nang lubos at walang hinihintay na kapalit. Ang maghigugma na hindi iniinda ang sakit na nararamdaman. Napakagandang metapora ang pagbibiyak ng buto ng kasuy sa pelikula. Napapaso ka sa dagta ng balat upang matikman mo, ng mga tao sa paligid mo, ang linamnam ng buto. Kung hindi ka maghigugma, hindi ka nga masasaktan. Pero naman, wala kang linamnam na matitikman. Ang manami pa sa dalisay na pag-ibig, lahat ng makakatikim ay manamitan.
Si Blessed Mother Teresa ng Calcutta ay nagsabing, “Napakaliit ng mundo para sa aking paghigugma.” Para kay Ploning, napakaliit ng Cuyo para sa kanyang pagmamahal. Kung matututo lang sana tayong umibig tulad nila, mas magiging maganda sana ang mundo natin.
Kaya siguro iyak ako nang iyak matapos kong panoorin ang pelikula. Nasa taxi na ako pauwi ng bahay, umiiyak pa rin ako. Iniiyakan ko ang sarili ko dahil gusto kong pantayan ang paghigugma ni Ploning. Ngayon pa lang, iniiyak ko na ang sakit na mararanasan ko dahil sa paghigugmang iyon. [26 Mayo 2008 / Van Gogh Pad; Unang nalathala sa Bandillo ng Palawan]