Wednesday, December 22, 2010

Tarugosentrismo sa 'Willing Willie' at Kung Bakit Hindi Talaga Puwedeng Maging Unang Ginang si Shalani Soledad


PARANG gusto kong magsisi kung bakit nanood pa ako ng “Willing Willie” noong Lunes, Disyembre 20, 2010. Kahindik-hindik kasi ang walang patumanggang pagtatanghal ng paghahari ng tarugo ang nasaksihan ko. Lumalala na talaga ang kahambugan ni Willie Revillame at napatunayan kong wala nga talagang karapatang maging Unang Ginang si Shalani Soledad.   
            Sa isang laro nila, ang mga bisita ay mga retiradong kawani ng militar. Iyong mga mabababa lang ang ranggo at tumanda sa serbisyo na walang pera. Iniinterbyu sila ni Revillame tungkol sa kanilang buhay-buhay. At dahil nadestino angmga ito sa mga lugar na malayo sa kanilang pamilya, napupunta ang usapan sa kung mayroon ba silang iba pang “minahal” at mga anak sa labas.
            Hindi naman mali na pag-usapan ito sa telebisyon dahil talagang nangyayari ito. Ang mali ay ang tono ng pag-uusap na ginagawang katawa-tawa at parang gusto pa yata nilang ipagbunyi ang pangangaliwa ng mga ito. May sinabi pa si Willie na parang ganito: “Okey lang ‘yan. Alam naman talaga natin na ganiyan talaga ang mga lalaki.”
            Ganiyan talaga ang mga lalaki? Ang ibig sabihin ba noon ay dapat natin sabitan ng medalya at bigyan ng premyo ang mga lalaking nangangaliwa at nagkakaanak sa mga hindi nila asawa? Tarugosentrismo ang tawag ko sa ganitong takbo ng isipan at paniniwala. Salin ko ito ng “phallocentrism,” konseptong Ingles na ipinagbubunyi at hinahayaang manaig ang paghahari ng ari ng lalaki. Sintoma ito ng patriarka kung saan ang mga babae ay second class na tao lamang.
            Oo tao lang tayo, nagkakamali, natutukso. Pero hindi ibig sabihin nito ay tanggapin na natin na isang normal na pangyayari lamang ang pangangaliwa ng mga mister. Nasa taong 2010 na tayo ngayon. Siguro naman hindi na katanggap-tanggap ang “querida system” dahil unang-una labag ito sa batas ng ating estado at sa batas ng moralidad ng maraming relihiyon sa ating bansa. Hindi porke’t maraming gumagawa ng isang bagay na baluktot at mali ay nagiging matuwid ito at tama.
            Ang nasaksihan kong pambabastos sa kababaihan sa ‘Willing Willie’ noong Lunes ay hindi dapat pinalalampas ng MTRCB at ng CBCP. Ang mga sensor kasi, mga suso, titi, at bulbol lang ang binabantayan. Ang mga obispo naman, sa kondom lang praning. Hindi na nila tinitingnan ang kabastusan at kabobohan ng mga TV host.
            At nasaan si Shalani habang nagbibiro si Revillame at ang mga retiradong sundalong bisita nila? Nandiyan lang sa tabi ni Revillame na tumatayo na parang clueless na krismastri, pula ang damit, at mahinhing ngumingiti. Hindi man lamang naalarma na tinatapakan na ang pagkatao ng kasarian nila. Kaya nagpapasalamat ako na hindi na siya nobya ni PNoy ngayon. Ayokong magkaroon ng Unang Ginang ang Filipinas na hindi ipinaglalaban ang karapatan at dignidad nilang mga babae.
            Parang gusto ko tuloy pagsabihan si Shalani na mag-enrol sa klase ko sa Filipino 101.1  sa Miriam College. Dito ko kasi tinatalakay ang mga isyu hinggil sa identidad at kasarian. Kailangan pa talaga niyang maedukar. Nahihindik tuloy ako na isa siyang konsehala sa Lungsod Valenzuela. Maganda lang kasi siya at mukhang walang masyadong laman ang utak at mababaw ang pagkatao. Sa kaniyang nakangiting pananahimik ay isinulong niya ang tarugosentrismo na hindi gawain ng isang babaeng nag-aambisyon na magsilbi sa bayan (at sa kaso niya ay nagsisilbi na talaga).
            Inis na inis ako kay Shalani kasi noong una, akala ko, batang politikong babae siya na may mga adbokasiyang ipinaglalaban. Iyon pala, gusto lang niyang maging Kris Aquino na kung ako ang tatanungin ay hindi talagang magandang ehemplo.
            Sobrang yabang na talaga ni Revillame at parang hindi na siya mapipigilan. Pakiramdam niya tama ang kaniyang ginagawa dahil mataas ang reyting ng kaniyang programa. Dito ako mas natatakot. Ibig sabihin, marami talaga ang nanonood sa kaniya. Ibig sabihin, hinuhubog niya ang isipan ng isang henerasyon sa kabuktutang okey lang mambabae ang mga lalaking may-asawa dahil ganiyan talaga ang mga lalaki, babaero, at okey lang na magkaanak sa labas. Napakadelikado ng halagahang ito.
            Sina Willie Revillame at Shalani Soledad ang tipo ng mga personalidad sa telebisyon na ayaw kong pamarisan ng aking mga estudyante. Dahil sa mga kabulastugan nila sa harap ng kamera, mas nagiging mahirap tuloy ang trabaho ko bilang guro.

[22 Disyembre 2010 / Lungsod Pasig]

Saturday, December 4, 2010

Si Rey Valera na Win na Win

KUNG may katarungan dito sa ating lipunan at patas ang kalibutan, dapat National Artist na si Rey Valera. Ito ang naiisip ko habang nanonood ako kanina ng “Pilipinas Win na Win.”
            Bukod kay Pokwang, nanonood pa rin ako paminsan-minsan ng “Pilipinas Win na Win” dahil gusto kong panoorin na kumakanta sina Rey Valera, Rico J. Puno, Nonoy Zuniga, at Marco Sison. Bata pa kasi ako ay gusto ko na ang kanilang mga kanta. Lalo na si Rey Valera.
            Guest nila kanina si KC Concepcion. Bago nila tawagin si KC, nagtanong si Rico J. Puno, kung gusto raw ba ng audience si Sharon Cuneta? At tinanong niya si Valera ng, “Di ba ikaw ang nag-compose ng unang kanta niya?” Oo, sagot naman ni Valera. Noong maliit pa raw si Sharon, labindalawang taong gulang pa lamang. Siya ang nag-compose ng isa sa maraming hit singles ni Sharon na “Mr. DJ.” At ngayon, sabi nila, ang guest nila ay anak na ni Sharon Cuneta. Ibig sabihin daw, sabi ni Puno, matanda na sila. Sinabayan nila ito ng masayang tawanan.
            Kumanta sila ng klasikong awiting Rey Valera-Sharon Cuneta na “Kahit Maputi na ang Buhok Ko.” Paglabas ni KC, “Mr. DJ” naman ang kinanta nito. Ang ganda-ganda ni KC. Dalagang-dalaga na. Mas maganda kaysa nanay niya. Bilang isang Sharonian magmula pa noong haiskul pa lamang ako, oo, inaamin ko, matanda na nga ako.
            Masayang-masaya ako noon sa album ni Sharon na “Sharon Sings Valera.” Sinong Filipino ang hindi alam ang awiting “Maging Sino Ka Man?” Ang isa pang sikat na awiting Valera ay ang “Walang Kapalit.” Naging theme song ito ng isang pelikula ni Sharon. Kinanta rin ito ni Piolo Pascual sa isang album niya. Hindi ka sikat na Filipinong mang-aawit kung hindi ka pa nakakanta ng awit ni Valera.
            Samakatuwid, ang taong-sining na tulad ni Valera lamang ang may karapatang tanghaling “National Artist.” Magaling siyang kompositor at mang-aawit na kilala ng mga tao ang kaniyang mga awitin.
            Noong nakaraang linggo, medyo nakantiyawan ko ang mga estudyante ko sapagkat halos lahat sila ay walang kilalang national artist. Ngayon ko lamang naisip na hindi iyon kasalanan nila. Baka ang mga basehan ng pagpili ng national artist ang mali. Pumipili sila ng mga national artist na wala naman talagang impact ang mga ginawa sa buhay ng sambayanan. Nakasulat ka nga ng ilang nobela, ng ilang tula tungkol kunwari sa masa pero hindi ka naman binabasa ng masa kasi sinulat mo naman ang mga ito para sa mga kaibigan mong akademista at elitista. Nagpinta ka nga ng tungkol sa mga mahihirap pero mayayaman lang naman ang makakabili at makakakita ng mga mga ipininta mo. Wala ring silbi ang mga ito sa bayan. Si Valera, alam ng mga tao ang mga kanta niya. Bahagi ng buhay ng karamihan ang kaniyang mga awitin sapagkat tungkol ito sa buhay ng karamihan. Nasasakyan ng sambayanan ang mga awiting kaniyang nilikha.
            Kunsabagay, hindi kasi mukhang tsikadora si Valera. Hindi siya nakikipagkaibigan sa mga kritiko o sumasali sa mga organisasyon na puwedeng mag-nominate sa kaniya sa mga gawad tulad ng National Artist Award. Hindi niya isinisiksik ang kaniyang sarili sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) at sa Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA). Nababalutan din kasi ng politika ang mga award-award na ‘yan.
            Bagama’t  hindi ko alam (Alam ko siyempre pero kunwari di ko alam!) ang rason kung bakit napilitan si Valera na mag-host ng isang arawan na palabas sa TV, at sa tingin ko hindi naman bagay sa kaniya ang trabahong ito, hindi nababawasan ang paghanga at respeto ko sa kaniyang talento bilang musikero, bilang tagahabi ng mga awitin ng pag-ibig na Filipinong-Filipino. [4 Disyembre 2010 / Lungsod Pasig]