SUMASANG-AYON talaga ako sa kampanya ng Metro Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga bastos na billboard sa ating kakalsadahan. Dapat lamang na pangalagaan nila ang moralidad ng ating bansa. Kaya pumalakpak talaga ako at naiyak sa saya habang ibinabalita sa TV kanina (8 Hulyo 2011) ang pagbabaklas ng mga dambuhalang billboard ng mga manlalarong nakabrip lamang.
Imadyin, nakabrip lamang! Hindi man lang sila nahiya! Ang laki pa ng umbok ng kanilang harapan. At ang mga abs nila, halos mabaliw ako kapag tinititigan ko. Muntik na akong na-dehydrate sa sobrang paglalaway. Nakita ko kasi ito nang sumakay ako sa masikip na masikip na MRT. Muntik na akong nang-reyp ng mga lalaking kasiksikan ko kasi nakakita ako ng malaking larawan ng brip! Buti na lang sa sobrang sikip, hindi ako makagalaw. Kung nagkataon, malaking eskandalo talaga. Ano na lamang ang sasabihin ng mga estudyante ko? Nang-reyp si sir nila sa MRT! Que horror!
Kaya hangang-hanga talaga ako sa papable na tserman ng MMDA na naisip niya ito. At last, may guardian of morality na tayo sa kaniyang katauhan. Ang trapik-trapik na nga sa Edsa pagkatapos kung ano-ano pang kahalayan ang nakikita natin. Tuloy nagbabanggaan ang mga sasakyan dahil nadidistrak ang mga drayber sa mga bastos na billboard.
Ano na lamang ang mangyayari sa kinabukasan ng ating bayan kung naging manyakis na ang ating kabataan? Kung sinira na ang kanilang ulo sa sobrang libog dahil nakakita sila ng umbok sa brip at ng bakat ng utong ng mga modelo? Wala na. Malulugmok na ang ating bayan. Masisira ang imahen natin bilang “The Only Catholic Country in Asia.”
Kung ako ang presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), bibigyan ko talaga ng medalya ang tserman na ito ng MMDA. Baka nga i-propose ko pa sa Vatican na reserbahan na siya ng slot para sa beatification niya balang araw. Imadyin, sa dami ng kaniyang dapat gawin, talagang naisip pa niyang isa-isahing tingnan ang mga billboard upang alamin kung alin ang moral at ang imoral sa mga ito. Ipinaglalaban talaga niya ang moralidad ng ating bayan. Kaya mabuhay siya! Tiyak tuwang-tuwa sa kaniya si Cardinal Sin.
Kaya bilang isang mabuting mamamayan na tumatahak ng tuwid na daan at ayaw na ayaw sa mga bagay na malalaswa, narito ang ilang mungkahi ko sa MMDA:
1. Utusan niya ang presidente ng Unibersidad ng Pilipinas na pasuotan ng toga ang oblation nila. Masagwa kasi ito. Kahit brip wala! Dahon lang ang takip! Imadyin ang epekto nito sa mga estudyante at mga propesor nila? Hindi ako nagtataka kung bakit napakalibog at napakaimoral ng mga taga-U.P. Oblation pa lang nila ang bastos na. Balutan ‘yan ng toga kahit nakasablay lang sila kung graduation nila.
2. Ipa-pull out sa mga sinehan ang remake ng Temptation Island. Mahalay ang pelikulang ito! Ang seseksi ng suot ng mga artista rito. Nakikita ang abs dito ni Aljur Abrenica. Dadami na naman ang mga reypist nito lalo na’t box office hit ito. Napakairesponsable ng GMA Films at Regal Films sa pagprodyus ng pelikulang ito. Wala talaga silang sense of morality. Nakadidiri talaga!
3. Sulatan ang Commission on Higher Education na magpalabas ng memo na magmula ngayon, hindi na maaaring ituro ang human anatomy sa ating mga unibersidad at kolehiyo dahil mahahalay ang larawan sa mga textbook ng sabjec na ito. Walang lugar sa akademya ang hubad na katawan.
4. Ipatigil ang pagpapalabas ng mga teleserye sa telebisyon na may seksi na mga kostyum. Halimbawa, ang seseksi palagi ng mga damit ni Marian Rivera sa “Amaya.” Ang ganda pa naman niya. Marami pang mga lalaki na nakabahag dito at nakikita ang kanilang pusod lalo na si Sid Lucero. Nakasisira ito sa moralidad ng mga batang manonood. I-require na rin dapat na magpalda si Richard Gutierrez sa “Captain Barbel” . Kitang-kita ang hubog ng katawan niya sa kaniyang suot. Ang halay! Saka huwag na huwag nang payagan na mag-remake pa ng “Dyesebel” at “Darna.” Mahirap nang makakita ang mga manonood ng mapuputing kilikili at hita. Magiging manyakis ang lahat ng makakapanood nito.
5. Hilingin din sa CBCP na ipagbawal na sa lahat ng mga Filipinong Katoliko na mag-pilgrimage sa Vatican. Baka pumasok sila sa Sistine Chapel at makita nila ang larawang hubad ni Adan at ng iba pang mga santo at demonyo sa kisame ng kapilyang ito kung saan pinagbobotohan ng mga kardinal ang Santo Papa. Masisira ang kanilang moralidad. Saka puwede ba, damitan na ang mga larawan at estatwa ni Kristo na nakapako! Malaking kahalayan ito sa loob ng mga simbahan.
6. I-ban na dapat ang Facebook sa Filipinas. Kung ano-anong mahahalay na mga larawan ang pinopost dito. Napakaimoral! Sa China nga bawal din ang Facebook buhay naman sila. Mabubuhay pa rin tayo rito sa ating bansa kahit walang Facebook. Ang mahalaga mapangalagaan natin ang ating moralidad.
7. Mag-lobby sa Kongreso na gumawa ng batas na i-require ang lahat ng mga Filipino na magsutana o kaya ay magburka kung lumabas ng bahay para hindi na makikita ang hubog ng katawan ng bawat isa. Ito lang ang tanging paraan upang hindi tayo magiging manyakis bilang bansa. Tandaan natin, makasalanan ang hubog ng katawan.
Marami pa sana akong mga mungkahi. Nakakapagod lang magsulat. Pero natitiyak kong eksperto ang mga taga-MMDA kung moralidad lang din ang pag-usapan kaya natitiyak kong maiisip din nila ang mga iminungkahi ko at ang mga imumungkahi ko pa.
Mabuhay ang MMDA! Mabuhay ang bayang moral!
[8 Hulyo 2011
Lungsod Pasig]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.