ANG salitang ugat ng katagang “nakakadiri” ay “diri.” Ayon sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, ang “diri” ay isang pangngalan na mula sa mga wikang Kapampangan at Tagalog na ang ibig sabihin ay “pagkarimarim sa anumang madumi o mabaho.” Ang panlaping “naka” naman ay “pambuo ng pandiwang pangkasalukuyan ng maka-, at inuulit ang unang pantig ng salitang-ugat, hal. nakababasa, nakasusulat.” Samakatuwid, ang tamang ispeling ng “nakakadiri” ay “nakadidiri.” Sa ngayon, natatanggap pa naman ang parehong ispeling. Sa katunayan nga, naging sikat ang una dahil ginamit ito kamakailan lamang ng isang arsobispo ng simbahang Katoliko upang ilarawan ang pagpapakasal ng parehong babae at parehong lalaki.
Ngayong umaga lamang (7 Hulyo 2011), pagkagising ko mga ala-singko y medya, habang nanonood ako ng mga balita sa “Unang Hirit” ng GMA7, muli kong naranasan ang kahulugan ng salitang “nakadidiri” habang ibinabalita ang pagbibigay ng mga mamahaling sasakyan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa mga obispo. Ipinakita pa ang liham ng isang obispo kay Arroyo na humihingi ng SUV na 4X4 bilang regalo sa kaniyang kaarawan. Sa utos ni Arroyo, nabigyan naman ang butihing obispo ng sasakyang nagkakahalaga ng mahigit PhP1.7 milyon. Sa balita, may pinangalanan pang apat na obispo na tumanggap din ng luxury vehicles, may dalawa pang di pa napapangalanan, at ang isang pari sa Lungsod Iligan.
Nanindig talaga ang aking mga balahibo at nawalan ako ng ganang kainin pa ang aking agahang pandesal na pinapahiran ko ng butter. Nasusuka kasi ako. Pati sa kape ko, parang nandiri ako. Kaya kahit na alam kong nakamamatay ang paninigarilyo, kumuha ako ng isang stik ng sigarilyo ng kapatid kong nakalagay sa ibabaw ng ref at sinindihan ito. Mabisang pampigil kasi ito sa pagsusuka kapag nakikita at naaamoy mo ang isang bagay na marumi at mabaho tulad ng patay na daga, tae ng pusa, o nabubulok na bangkay.
Ito ang isyu na tama at angkop na pagkakataon at kontexto na puwedeng gamitin ni Arsobispo Teodoro Bacani ang salitang “nakadidiri.”
Sa opisyal na reaksiyon ng CBCP, sinabi ng mga ito na ang mga sasakyang nabanggit ay hindi umano para sa “personal na gamit” ng mga obispo kundi ginagamit ito upang paglingkuran ang mga mamamayan. Ows? Tumaas ang mga kilay ko at napangiting-pusa dahil naisip ko, hmmm, ano kaya ang mga “personal” na bahagi ng buhay ng isang obispo? Masyado lamang siguro akong naïve kasi lumaki ako sa isang tahanang relihiyoso. Noong nabubuhay pa ang Nanay ko ay araw-araw siyang nagsisimba (kaya sakristan kami ng nag-iisa kong kapatid na lalaki noong nasa elementarya pa lamang kami) at close siya sa mga pari at obispo sa amin sa Antique. Ang matandang dalaga kong Tita ay pinapagalitan kami kapag di kami nagsisimba kung Linggo. Ang Tatay kong seaman naman, kapag bumababa ng barko noon at nasa bahay kami namin sa Pasig, kinakaladkad niya kami sa Antipolo para magsimba at magpasalamat kay Nuestra Señora de Buen Viaje. Nagpapamisa rin siya ng pasasalamat sa katedral namin sa San Jose de Buenavista pagdating niya roon. Sa paningin ko noon, ang mga pari, lalo na ang obispo ay talagang nakamamangha kasi parang nagliliwanag sila sa aking paningin dahil naniniwala ako na ibinubuhos nila ang kanilang buong buhay at pagkatao sa pagsisilbi sa Diyos, sa pagsisilbi sa mga tao. Naïve nga siguro talaga ako kaya nakakalimutan kong mga tao rin lamang ang mga pari at obispo at maaari ding gumawa ng mga nakadidiri na bagay.
Isang katotohanan na nakasaad sa ating batas na hindi puwedeng mag-donate ng pera o kahit anong bagay ang pamahalaan sa mga simbahan. Sabi rin ng kasalukuyang namumuno sa PCSO ngayon, nakasaad din sa patakaran nila na mga ambulansiya lamang ang puwedeng ipamigay ng kanilang opisina. Samakatuwid, iregular at iligal ang pagbigay ng PCSO ng mga sasakyan sa mga obispo.
Ang pagbibigay ng mamamahaling sasakyan ni Arroyo sa mga obispo ay isang dahilan pa para ikulong siya. Isa lamang ito sa napakaraming ginawa niyang mga nakadidiring bagay habang siya ay nasa puwesto. Ayon nga sa isang kaguro ko na isang debotong Katoliko, ang pinakaayaw raw niya kay Arroyo ay ang pagkurap nito sa mga obispo. Sumang-ayon naman agad ako. Pero nang mapag-isip-isip ko, hindi ba dapat mas alam ng isang obispo kung ano ang tama at mali? Kung ano ang moral at hindi? Si Arroyo, isang trapo/tarpolitiko. Bahagi na ng kultura at pagkatao ng mga politiko ang kurapsiyon. Kaya kapag ang bawat pagkakataon na makita nila upang makurap nila ang mga tao ay gagawin nila mananatili lamang sila sa puwesto upang mas mahuthutan pa nila ang kaban ng bayan. Pero ang mga obispo, dapat maka-Diyos sila at matibay ang kanilang pagyakap sa mga halagahan tulad ng katotohanan at katarungan. Ngayon kung ang obispo ay nakukurap ng isang politiko, obispo pa rin ba siya sa tunay na kahulugan ng katagang obispo? Ayon sa close friend kong pari, “elder of the church” daw ang tunay na kahulugan ng salitang obispo. Ibig sabahin, mga maalam na matanda sa simbahan. Pero kapag ganito ang isang obispo, parang matanda na walang kinatandaan. Isa pa, kaya nga may baston ang isang obispo. Baston ito ng isang shepherd ayon sa itinuro sa amin sa Assumption noon. Ibig sabihin, ang obispo ay isang pastol at tayo ang mga mabait na tupa ay dadalhin niya sa kandungan ng Diyos. Ay, juice koh! Sa pastolan ng kurapsiyon pala tayo dadalhin ng mga ito.
Ang lalo pang nakadidiri dito, iyong isang obispo, siya pa mismo ang sumulat kay Arroyo at nanghihingi ng birthday gift na sasakyang nagkakahalaga ng PhP1.7 milyon! Ang obispong ito, sa halip na sawayin si Arroyo sa pagiging kurap nito, siya pa ang lalong nagpakurap kay Arroyo! Hindi man lang inisip ng mga obispong ito na malaking kabawasan ang mamahaling sasakyang ibinigay sa kanila sa badyet na ipinamimigay para pampaospital at pambili ng gamot ng mga naghihikahos nating kababayan. Ito talaga ang bonggang pagbalintong ng moralidad.
Kung may natitira pang kahihiyan ang simbahang Katoliko dito sa Filipinas (at bilang isang Katoliko ay nahihiya talaga ako), dapat pagsabihan ng pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mga obispong ito na ibalik sa pamahalaan ang sasakyang ibinigay sa kanila ni Arroyo dahil iligal at imoral ito. Tunay itong nakadidiri.
[7 Hulyo 2011
Lungsod Pasig]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.