SABI
ni San Agustin ng Hippo, dobleng panalangin ang ginagawa ng taong umaawit. Ito
ang palaging naiisip ko kapag nanonood ako ng A Song of Praise (ASOP) Music
Festival sa UNTV kada 7:00 hanggang 8:30 sa Linggo ng gabi.
Ilang buwan ko nang ginagawa ito.
Kaya hindi ako nakikipag-date kung Linggo ng gabi dahil kailangang nasa bahay
ako upang makapanood nitong isa mga paborito kong palabas sa telebisyon. Ang
mga programang tulad ng ASOP ang isa sa mga dahilan na irerekomenda ko pa rin
sa aking mga estudyante ang panonood ng TV. Karamihan kasi sa mga palabas ngayon,
lalo na ang matataas ng rating, ay nakakatorta ng utak ng manonood,
nakapagpapababa ng IQ, ng kakayahan ng isang tao upang mag-isip.Ang ASOP ay paligsahan sa paglikha ng mga awiting papuri sa Panginoon. Isa akong Katolikong hindi palasimba, hindi sumasali sa mga charismatic group, at walang planong sumali sa Singles for Christ. Ako ang tipong susulat ng sanaysay upang laitin ang isang arsobispo kung hindi makatarungan ang pinagsasabi nito. Ako ang tipong naiirita kapag nakikita kong nagtatapakan ang mga deboto tuwing pista ng Itim na Nazareno sapagkat natitiyak kong hindi ito ang tamang paraan upang purihin ang Panginoon. Sentido-komun lang kasi ‘yan, kaunting gamit ng utak—matutuwa ka ba kung ang fans mo ay magsasakitan, magpapatayan, para lamang makahipo sa damit at makakuha ng isang hibla ng buhok ng estatwa mo? At hindi ang mga deboto ang sinisisi ko kundi ang mga pari at obispo na hinahayaang magpatuloy ang kahangalang ito. Dapat ini-educate nila ang mga “faithful” na hindi masyadong nag-iisip. Kunsabagay, isang malaking negosyo ng Simbahang Katoliko ang Pista ng Quiapo. Sayang din naman ang milyon-milyong donasyon. Hindi aksidente na nandiyan sa loob mismo ng simbahan ang mga taong nagbebenta ng mga panalangin at milagro, at nasa labas lang ng pintuan nito ang mga nagtitinda ng pamparegla, anting-anting, at gayuma.
Sa kabila ng pagiging erehe ko, paladasal ako. Nagdadasal ako pagkagising ko sa umaga, bago lumabas ng bahay para pumunta ng trabaho o maggimik, pagdating sa skul sa kapilya, at bago ako matulog sa gabi. Hindi ko na binibilang pa ang pagdasal namin ng aking mga estudyante bago magsimula ang klase. Hindi kasi ito kusang loob. Sa halip, polisiya ito ng Katolikong kolehiyo na aking pinagtuturuan. Ang pagiging paladasal ay nakuha ko sa aking Nanay, Tita, at mga Lola. Sa hirap at delikado ng pamumuhay dito sa Metro Manila, dapat paladasal ka. Manood ka lamang ng TV Patrol at 24 Oras, kailangan mo ng proteksiyon ng sanlaksang mga anghel para ma-survive mo ang kahindik-hindik na buhay-lungsod.
Sa aking pagdadasal, una palagi ang pasasalamat at pagpupuri ko sa Panginoon. Kung minsan napapagod at nahihirapan ako sa buhay. Pero kung titingnan ko ang mga grasya sa akin ng Panginoon, ang kapal naman ng mukha ko kung magrereklamo pa ako. Sabi nga nila, hindi lamang ako ang anak ng Diyos kung kaya hindi lahat ng gusto ko ay aking makukuha. Pagkatapos ng pasasalamat at pagpupuri, humihiling ako sa Diyos na bigyan ako ng mapagmahal, mapagpatawad, at mapagpakumbaba na kasingkasing. Alam ko kasing mayabang ako at matapang, at hindi ako mabait. Hirap din akong magpatawad sa mga nagkakasala sa akin. Ipinagdadasal ko na gawin ako ng Diyos na isang mabuti at magaling na guro, manunulat, at tao. Kung magawa ko na lahat ito, saka na lamang ako hihiling sa Diyos na patnubayan at bigyan ng malusog na pangangatawan ang mga mahal ko sa buhay.
Kung minsan, kung sabay-sabay ang pagdating ng mga pagsubok, pagkaluhod ko sa kapilya ay agad akong malilitaniya ng mga pagrereklamo at paghihingi ng kung ano-ano sa Panginoon. Kapag mahuli ko ang sarili kong ganito, literal na sinasampal ko ang aking sarili. Itinuro kasi sa atin ni Hesus ang tamang paraan ng pagdasal bago siyang magkayab palangit matapos siyang mabanhaw. Ito ay ang panalanging “Ama Namin.” Magpuri ka muna at magpasalamat bago ka humingi.
Sa ganitong konteksto ko gustong-gusto ang konsepto ng ASOP. Habang nanonood ako nito ay napapapuri din ako sa Panginoon. Kadalasan, magaganda ang mga awitin. Kung minsan may mga pangit na awitin. Pero kung papuri ito sa Panginoon, walang pangit na awitin kung gayon. Kaya ang mga hurado, kapag magbigay ng komentaryo sa mga entri, palaging constructive katulad ng ginagawa nina Vehnee Saturno, Mon del Rosario, Pinky Amador, Dingdong Avanzado, Beverly Salvejo, at iba pa. Palagi nilang isinasaalang-alang na makakatulong ang sasabihin nila sa mga kompositor na mapaganda ang kanilang mga komposisyon. Kung mapaganda kasi ng mga kompositor ang kanilang mga awitin, lahat tayo ay panalo sa harap ng ating Panginoon.
Bukod sa papuri sa Panginoon, malaki rin ang naitutulong ng ASOP sa pagdiskubre, hindi lamang ng mga bagong kompositor, kundi pati na rin sa mga bago at mga hindi bago na mga mang-aawit. Nabibigyan ng ASOP ng pagkakataon ang mga magagaling na singer na hindi sikat. Nitong gabi lang, muli kong napakinggang nag-interpret ng kanta si Thor. Hindi masyadong sikat subalit napakagaling kumanta—“may pinakamagaling na boses” ayon mismo kina Saturno at del Rosario. Umawit din sina Anezka Alvarez ng UST Chorale at si Johann Enriquez ng The Filipino Tenors. Napanood ko na ring umawit dito sina Gian Magdangal at Harry Santos, parehong guwapo at magaling kumanta subalit hindi talaga nagiging star. Sa mga tunay na alagad ng sining, hindi naman talaga mahalaga ang kasikatan.
Ang isa sa mga awitin ng gabing ito ay ginawa ng isang music teacher bilang pasasalamat dahil naaksidente ang dyip—nahulog sa bangin—na sinasakyan ng kaniyang asawa at tatlong anak subalit himalang hindi nasaktan ang mga ito. Ang naging Song of the Week naman ay likha ng isang abogado na namatay ang misis dahil sa kanser at pinamagatan niya ang kaniyang awitin na “You’ll See Miracles.” Siya si Paul Hildawa, na kaapelyido at kamukha ng kaibigan kong magaling na makata at arkitektong si Sid Gomez Hildawa na sumakabilang buhay ilang taon na ang nakararaan. Nang magtanong ako sa mga kaibigan namin, magkapatid pala sila. Talentado pala talaga ang kanilang pamilya.
Sabi ni Paul, hindi na raw natin kailangang maghintay pa ng himala upang maniwala at magpapuri sa Panginoon. Sang-ayon na sang-ayon ako sa sinabi niyang ito. Aabangan ko ang kaniyang awitin sa monthly finals hanggang sa grand finals.
Ang hosts ng ASOP ay sina Toni Rose Gayda at Richard Reynoso. Magaan at masaya—puro tawanan—ang kanilang estilo sa pagho-host. Kung minsan nga lang korni magbitaw ng joke si Reynoso dahil hindi naman talaga siya komedyante kundi isang world-class na balladeer. Paborito ko noong aking kabataan, noong nagsisimula pa lamang akong ma-in love, ang kaniyang hit na kantang “Paminsan-minsan.” Nakakatuwa. Parang hindi siya tumanda. Ang guwapo pa rin niya.
Sa tingin ko ang pinakamagandang kalidad ng ASOP bilang paligsahan sa pagsusulat ng mga awiting papuri sa Panginoon ay walang relihiyon o sektang hayagan itong ipino-promote. Kaya maaari itong panoorin ng kahit sinong Kristiyano, at ng kahit hindi pa Kristiyano basta may konsepto lamang ng pinaniniwalaang Diyos na mabuti na siyang lumikha sa atin at pinakamakapangyarihan sa lahat—ano man ang ngalang tawag natin sa Kaniya.
Isang tunay na programang Filipino ang ASOP na dapat tangkilikin nating lahat. Sana dumami ang kanilang advertisers. Sana tumagal ang maganda at makabuluhang programang ito ng UNTV.
9:30 n.g. Rosario, Pasig]