Wednesday, December 22, 2010

Tarugosentrismo sa 'Willing Willie' at Kung Bakit Hindi Talaga Puwedeng Maging Unang Ginang si Shalani Soledad


PARANG gusto kong magsisi kung bakit nanood pa ako ng “Willing Willie” noong Lunes, Disyembre 20, 2010. Kahindik-hindik kasi ang walang patumanggang pagtatanghal ng paghahari ng tarugo ang nasaksihan ko. Lumalala na talaga ang kahambugan ni Willie Revillame at napatunayan kong wala nga talagang karapatang maging Unang Ginang si Shalani Soledad.   
            Sa isang laro nila, ang mga bisita ay mga retiradong kawani ng militar. Iyong mga mabababa lang ang ranggo at tumanda sa serbisyo na walang pera. Iniinterbyu sila ni Revillame tungkol sa kanilang buhay-buhay. At dahil nadestino angmga ito sa mga lugar na malayo sa kanilang pamilya, napupunta ang usapan sa kung mayroon ba silang iba pang “minahal” at mga anak sa labas.
            Hindi naman mali na pag-usapan ito sa telebisyon dahil talagang nangyayari ito. Ang mali ay ang tono ng pag-uusap na ginagawang katawa-tawa at parang gusto pa yata nilang ipagbunyi ang pangangaliwa ng mga ito. May sinabi pa si Willie na parang ganito: “Okey lang ‘yan. Alam naman talaga natin na ganiyan talaga ang mga lalaki.”
            Ganiyan talaga ang mga lalaki? Ang ibig sabihin ba noon ay dapat natin sabitan ng medalya at bigyan ng premyo ang mga lalaking nangangaliwa at nagkakaanak sa mga hindi nila asawa? Tarugosentrismo ang tawag ko sa ganitong takbo ng isipan at paniniwala. Salin ko ito ng “phallocentrism,” konseptong Ingles na ipinagbubunyi at hinahayaang manaig ang paghahari ng ari ng lalaki. Sintoma ito ng patriarka kung saan ang mga babae ay second class na tao lamang.
            Oo tao lang tayo, nagkakamali, natutukso. Pero hindi ibig sabihin nito ay tanggapin na natin na isang normal na pangyayari lamang ang pangangaliwa ng mga mister. Nasa taong 2010 na tayo ngayon. Siguro naman hindi na katanggap-tanggap ang “querida system” dahil unang-una labag ito sa batas ng ating estado at sa batas ng moralidad ng maraming relihiyon sa ating bansa. Hindi porke’t maraming gumagawa ng isang bagay na baluktot at mali ay nagiging matuwid ito at tama.
            Ang nasaksihan kong pambabastos sa kababaihan sa ‘Willing Willie’ noong Lunes ay hindi dapat pinalalampas ng MTRCB at ng CBCP. Ang mga sensor kasi, mga suso, titi, at bulbol lang ang binabantayan. Ang mga obispo naman, sa kondom lang praning. Hindi na nila tinitingnan ang kabastusan at kabobohan ng mga TV host.
            At nasaan si Shalani habang nagbibiro si Revillame at ang mga retiradong sundalong bisita nila? Nandiyan lang sa tabi ni Revillame na tumatayo na parang clueless na krismastri, pula ang damit, at mahinhing ngumingiti. Hindi man lamang naalarma na tinatapakan na ang pagkatao ng kasarian nila. Kaya nagpapasalamat ako na hindi na siya nobya ni PNoy ngayon. Ayokong magkaroon ng Unang Ginang ang Filipinas na hindi ipinaglalaban ang karapatan at dignidad nilang mga babae.
            Parang gusto ko tuloy pagsabihan si Shalani na mag-enrol sa klase ko sa Filipino 101.1  sa Miriam College. Dito ko kasi tinatalakay ang mga isyu hinggil sa identidad at kasarian. Kailangan pa talaga niyang maedukar. Nahihindik tuloy ako na isa siyang konsehala sa Lungsod Valenzuela. Maganda lang kasi siya at mukhang walang masyadong laman ang utak at mababaw ang pagkatao. Sa kaniyang nakangiting pananahimik ay isinulong niya ang tarugosentrismo na hindi gawain ng isang babaeng nag-aambisyon na magsilbi sa bayan (at sa kaso niya ay nagsisilbi na talaga).
            Inis na inis ako kay Shalani kasi noong una, akala ko, batang politikong babae siya na may mga adbokasiyang ipinaglalaban. Iyon pala, gusto lang niyang maging Kris Aquino na kung ako ang tatanungin ay hindi talagang magandang ehemplo.
            Sobrang yabang na talaga ni Revillame at parang hindi na siya mapipigilan. Pakiramdam niya tama ang kaniyang ginagawa dahil mataas ang reyting ng kaniyang programa. Dito ako mas natatakot. Ibig sabihin, marami talaga ang nanonood sa kaniya. Ibig sabihin, hinuhubog niya ang isipan ng isang henerasyon sa kabuktutang okey lang mambabae ang mga lalaking may-asawa dahil ganiyan talaga ang mga lalaki, babaero, at okey lang na magkaanak sa labas. Napakadelikado ng halagahang ito.
            Sina Willie Revillame at Shalani Soledad ang tipo ng mga personalidad sa telebisyon na ayaw kong pamarisan ng aking mga estudyante. Dahil sa mga kabulastugan nila sa harap ng kamera, mas nagiging mahirap tuloy ang trabaho ko bilang guro.

[22 Disyembre 2010 / Lungsod Pasig]

Saturday, December 4, 2010

Si Rey Valera na Win na Win

KUNG may katarungan dito sa ating lipunan at patas ang kalibutan, dapat National Artist na si Rey Valera. Ito ang naiisip ko habang nanonood ako kanina ng “Pilipinas Win na Win.”
            Bukod kay Pokwang, nanonood pa rin ako paminsan-minsan ng “Pilipinas Win na Win” dahil gusto kong panoorin na kumakanta sina Rey Valera, Rico J. Puno, Nonoy Zuniga, at Marco Sison. Bata pa kasi ako ay gusto ko na ang kanilang mga kanta. Lalo na si Rey Valera.
            Guest nila kanina si KC Concepcion. Bago nila tawagin si KC, nagtanong si Rico J. Puno, kung gusto raw ba ng audience si Sharon Cuneta? At tinanong niya si Valera ng, “Di ba ikaw ang nag-compose ng unang kanta niya?” Oo, sagot naman ni Valera. Noong maliit pa raw si Sharon, labindalawang taong gulang pa lamang. Siya ang nag-compose ng isa sa maraming hit singles ni Sharon na “Mr. DJ.” At ngayon, sabi nila, ang guest nila ay anak na ni Sharon Cuneta. Ibig sabihin daw, sabi ni Puno, matanda na sila. Sinabayan nila ito ng masayang tawanan.
            Kumanta sila ng klasikong awiting Rey Valera-Sharon Cuneta na “Kahit Maputi na ang Buhok Ko.” Paglabas ni KC, “Mr. DJ” naman ang kinanta nito. Ang ganda-ganda ni KC. Dalagang-dalaga na. Mas maganda kaysa nanay niya. Bilang isang Sharonian magmula pa noong haiskul pa lamang ako, oo, inaamin ko, matanda na nga ako.
            Masayang-masaya ako noon sa album ni Sharon na “Sharon Sings Valera.” Sinong Filipino ang hindi alam ang awiting “Maging Sino Ka Man?” Ang isa pang sikat na awiting Valera ay ang “Walang Kapalit.” Naging theme song ito ng isang pelikula ni Sharon. Kinanta rin ito ni Piolo Pascual sa isang album niya. Hindi ka sikat na Filipinong mang-aawit kung hindi ka pa nakakanta ng awit ni Valera.
            Samakatuwid, ang taong-sining na tulad ni Valera lamang ang may karapatang tanghaling “National Artist.” Magaling siyang kompositor at mang-aawit na kilala ng mga tao ang kaniyang mga awitin.
            Noong nakaraang linggo, medyo nakantiyawan ko ang mga estudyante ko sapagkat halos lahat sila ay walang kilalang national artist. Ngayon ko lamang naisip na hindi iyon kasalanan nila. Baka ang mga basehan ng pagpili ng national artist ang mali. Pumipili sila ng mga national artist na wala naman talagang impact ang mga ginawa sa buhay ng sambayanan. Nakasulat ka nga ng ilang nobela, ng ilang tula tungkol kunwari sa masa pero hindi ka naman binabasa ng masa kasi sinulat mo naman ang mga ito para sa mga kaibigan mong akademista at elitista. Nagpinta ka nga ng tungkol sa mga mahihirap pero mayayaman lang naman ang makakabili at makakakita ng mga mga ipininta mo. Wala ring silbi ang mga ito sa bayan. Si Valera, alam ng mga tao ang mga kanta niya. Bahagi ng buhay ng karamihan ang kaniyang mga awitin sapagkat tungkol ito sa buhay ng karamihan. Nasasakyan ng sambayanan ang mga awiting kaniyang nilikha.
            Kunsabagay, hindi kasi mukhang tsikadora si Valera. Hindi siya nakikipagkaibigan sa mga kritiko o sumasali sa mga organisasyon na puwedeng mag-nominate sa kaniya sa mga gawad tulad ng National Artist Award. Hindi niya isinisiksik ang kaniyang sarili sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) at sa Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA). Nababalutan din kasi ng politika ang mga award-award na ‘yan.
            Bagama’t  hindi ko alam (Alam ko siyempre pero kunwari di ko alam!) ang rason kung bakit napilitan si Valera na mag-host ng isang arawan na palabas sa TV, at sa tingin ko hindi naman bagay sa kaniya ang trabahong ito, hindi nababawasan ang paghanga at respeto ko sa kaniyang talento bilang musikero, bilang tagahabi ng mga awitin ng pag-ibig na Filipinong-Filipino. [4 Disyembre 2010 / Lungsod Pasig]

Tuesday, November 30, 2010

Sigaw na sobrang babaw!


Ilang minutong sumasayaw-sayaw ang mga guwapong binatilyo at mga magandang dalagita sa stage na mukhang ginastahan talaga. Ang gagara ng kanilang mga damit. Ang problema, mukha silang mga engot. Namumukhaan ko ang ilan sa kanila. Si Enchong Dee lang ang kilala ko. Sumasayaw-sayaw din siya. Mukha ring engot. Ito ang nasaksihan ko nang mapadaan ako sa ABS-CBN ngayong hapon. May bago silang show na ang pamagat ay “Shoutout.”
            Napakababaw ang palabas na ito. Si Enchong Dee na isang sensitive na batang aktor ay nabalahura dito. Ang galing pa naman niya sa pelikulang Sa ‘Yo Lamang. Kunsabagay, hindi bago ang ganitong format ng show. Nasa tradisyon ito ng “That’s Entertaiment” noon ni German Moreno na panay kababawan din.
            Nahihindik ako sa mga palabas tulad ng “Shoutout” dahil hindi maganda ang mga halagahan na ipinapalaganap nito sa kabataan. Mga maling halagahan tulad ng okey lang ang maging mababaw at maging engot basta guwapo ka at maganda, basta magagara at mamahalin ang iyong damit at palaging mukha kang modelo kung magporma. Mas pinapahalagahan ang porma kaysa laman ng utak o kaayusan ng pagkatao.
            Muntik na akong himatayin sa laro ng show na ito. Nasa elevator ang mga lalaki. May pupunitin silang kalendaryo at may instruction doon na gagawin ang natalong manlalaro o ang “it” o taya. Ang unang pinagawa? Pinahubad sa taya ang medyas ng mga kasama nito at pinaamoy sa kaniya! Oo. Sa national TV ito ginawa. Nakakasuka! At mag-a-alasais ng hapon ito, ang oras na nag-uumpisa nang kumain ang mga tao sa bahay nila habang nanonood ng TV.
            Kunsabagay, hindi nakakapanibago ang ganitong palabas sa Philippine showbiz. Ito kasi ang inumpisahan ng mga nangungunang komedyante ng bansa. May tawag sa ganitong kabastusan—toilet humor. At dito magaling ang mga tulad nina Dolphy (na huwag ismolin, binigyang parangal ng Malakanyang kamakailan lamang) at Joey de Leon  na sinusundan na rin ng maraming bata at hindi batang mga komedyante na mabababaw din.
            Gusto ko tuloy isipin na desperado na ang ABS-CBN dahil parang mauungusan na sila ng TV5 kung kaya kahit anong show na lamang ang naiisip nila. Kahit mababaw at puro kabobohan basta kikita at mangunguna sa rating ay okey lang. Kung ganito, nasaan ang serbisyo publikong pinangangalandakan nila bilang estasyon ng telebisyon? Siguro naman hindi nila iniisip na ang publikong tinutukoy nila ay mga bobo at mababaw din. [30 Nobyembre 2010 / Lungsod Pasig]

Sunday, November 28, 2010

Lahat Para sa Isang Lalaki


PAGGISING ko sa umaga ay umuulan na. Hindi pa masyadong malakas pero bago magtanghali ay mistulang may bagyo na. Nakakatamad gumalaw. Mabuti at hindi pa nag-uumpisa ang pasukan namin sa Miriam College. Matapos kong makapag-agahan ng kape at pandesal, nilinis ko ang buong bahay. Binagnasan ko ng basang trapo ang mga jalusi, sahig, at hagdanan. Pagkatapos ay naligo ako at naupo na sa harap ng aking laptap at nagdesisyong mag-“Sharon Cuneta Mini Film Festival.” Muli kong pinanood ang mga DVD ng Nang Iniwan Mo Ako at Bituing Walang Ningning.
            Siyempre pa, nag-catharsis to the max na naman itong inyong Sirena. Sarap ng pakiramdam ko pagkatapos kasi iyak ako nang iyak. Naging maluwag ang aking dibdib.
            Ang Bituing Walang Ningning kung tutuusin ay isa nang klasikong pelikulang Filipino. Isang napakalaking box office hit ito nang lumabas noong 1985. Kapapakasal lamang noong nina Sharon at Gabby Concepcion at buntis noon si Sharon kay KC. May ilang eksenang bumabakat sa damit ni Sharon ang lumulobo niyang tiyan. Ang kuwento ay ibinase sa nobelang komiks ni Nerissa G. Cabral na lumabas sa Pilipino Komiks. Ang dulang-pampelikula ay sinulat ng magaling na mandudulang si Orlando R. Nadres, ang sumulat ng klasikong bading na dula na Hanggang Dito na Lamang at Maraming Salamat. Idinerehe naman ito ng Palanca awardee na si Emmanuel H. Borlaza.
            Para sa akin, isa ring klasikong pelikula ni Jose Javier Reyes ang Nang Iniwan Mo Ako. Kay Reyes din ang kuwento at ang dulang-pampelikula nito. Lumabas naman ito noong 1997. Sa pelikulang ito makikita ang isa sa mga pinakamahusay na performance ni Sharon bilang matyur na artista.
            Kung tutuusin iisa lamang ang tema ng dalawang pelikulang nabanggit. Ang pagsasakripisyo ng babae ng kaniyang sariling ambisyon para sa lalaking minamahal. Kung sa Bituing Walang Ningning isinuko ni Dorina Pineda (karakter ni Sharon) ang kaniyang ambisyon na lamangan ang kasikatan ng kontrabida niyang idolo na si Lavinia Arguelles (Cherry Gil) para maging maybahay ng mayaman at guwapong lalaki na si Nico Escobar (Christopher de Leon), sa Nang Iniwan Mo Ako naman nadiskubre lamang ni Amy Lorenzo (karakter ni Sharon) ang kaniyang halaga bilang tao nang iwanan siya ng kaniyang bana na si Anton Lorenzo (Albet Martinez) para sa isang seksi, maganda, at sopistikadang babae na si Olive (Dindi Gallardo). Ang buhay kasi ni Amy ay uminog lamang sa pagiging maybahay—taga-grocery, tagaluto, at tagapag-alaga ng bana at anak kahit na may mga katulong naman sila. Maaga siyang nag-asawa kung kaya kahit nakatapos naman siya ng pag-aaral ay hindi siya nakapagtrabaho. Kaya nawindang siya nang iniwanan siya at hirap siyang makapaghanap ng trabaho. Mabuti na lamang at magaling siyang magluto kung kaya naging matagumpay ang pagiging caterer niya.
            Samakatuwid, hindi ko masyadong nagustuhan ang ending ng Bituing Walang Ningning. Bakit mo isusuko ang iyong sining para sa isang lalaki? Kahit nga sa pamagat pa lamang, masisilip na kaagad ang ideyang gustong isulong ng pelikula—ang kalimutan ng isang “ulirang” ina at asawa ang sariling ambisyon alang-alang sa pamilya. Naisip ko tuloy, kaya ko kayang talikuran ang pagsusulat at pagtuturo kapag niyaya ako ni Piolo Pascual na magpakasal at magiging full-time na lamang ako sa pag-aalaga sa kaniya at sa bahay namin?
            Kunsabagay, yung sa Bituing Walang Ningning naman, ang isinakripisyo naman ni Dorina ay ang kaniyang kasikatan, ang ningning ng kaniyang bituin. Pero ganoon pa rin, karera pa rin niya ang kaniyang ipinaraya. Hindi naman talaga sumisikat ang mga guro at makata sa mundong ito. Kaya hindi ko puwedeng ikumpara ang aking sarili kay Dorina. Puwede pa rin naman akong sumulat ng tula habang hinihintay kong lumambot ang espesyalti kong adobong baka na tiyak kong magugustuhan ni Piolo.
            Kaya gustong-gusto ko ang Nang Iniwan Mo Ako. May transpormasyong nangyari kasi sa karakter ni Amy—mula aanga-angang asawa tungo sa isang matagumpay na kusinera. Ang ganda nga ng katapusan ng pelikula dahil nang bumalik na ang kaniyang bugok na bana, hindi niya ito tinanggap dahil nadiskubre na ni Amy ang kaniyang kapangyarihan bilang babae, bilang tao.
            Naalala ko tuloy ang tulang “Bago ang Babae” ng hinahangaan kong makata na si Rebecca T. Añonuevo (Na siyang chair ko ngayon sa Filipino Department ng Miriam). Nagpapasalamat ang persona na ngayon siya sa panahong ito ipinanganak dahil, “Hindi ko kailangang sumunod sa inaasahan / Ng lahat, tulad ng pag-aasawa. / Kung mag-asawa man ako’y / Hindi ko kailangang magpalukob, / Hindi ko kailangang matakot / Kung dumating ang araw ng pagkabalo, / O kailangan nang makipaghiwalay.”
            Dahil bago na ang babae sa ngayon, mayroon na siyang boses. Mayroon na siyang tapang upang ipaglaban ang kaniyang mga karapatan. Kayang-kaya na niyang panindigan ang kaniyang mga kagustuhan. Hawak na niya ang kaniyang buhay. At dagdag pa ng persona, “Kung kailangan ko mang gampanan / Ang pagiging ina at asawa, / Hindi ko kailangang humingi ng paumanhin, / Hindi ko kailangang panawan ng talino at lakas, / Hindi ko kailangang kalimutan ang lahat, / Hindi ko kailangang itakwil ang sarili, / Hindi ko kailangang burahin / Na isa akong tao / Bago isang babae.” [Mayo 2009 / Lungsod Pasig]

Ang Paghigugma ni Ploning


NAGAHIGUGMA tayo kaya tayo nasasaktan. Ito ang aral na ibinabahagi sa mga manonood ng pelikulang Ploning (Direktor: Dante Nico Garcia. Panoramanila Pictures Co. 2008). Hindi bagong aral subalit dahil nga masyado nang ordinaryo na ideya, madalas nakakalimutan ng karamihan sa atin. Kaya gustong-gusto ko ang pelikulang ito dahil naipakita ng direktor sa paraang masining ang aral na ito at hindi na lamang tungkol kay Ploning o tungkol sa Cuyo, Palawan ang pelikula, kundi naging tungkol ito sa sangkatauhan. Naging unibersal ang pelikula sa pagiging lokal nito. Walang magawa ang manonood kundi mas magiging tao. Ito talaga ang hangarin ng kahit anong uri ng sining—ang mapatingkad ang ating humanidad.
            Kapag maganda ang isang likhang-sining (at dapat lamang na maganda dahil kung hindi ito maganda ay hindi ito sining), nagiging ganap ang pagtatagpo ng porma at nilalaman. Magaling na direktor si Dante Nico Garcia.  Sa tulong ng masining na paghawak ng sinemagtograpiya, nakalikha ang grupo ni Garcia ng isang kapanipaniwalang kalibutan ng Cuyo dahil ang sining ay maanggid sa paglikha ng isang bagong mundo. Hindi makatilingala na binigyan ng Cinema Evaluation Board ng gradong A ang Ploning.
            Inspirado ng isang tradisyonal na Cuyunong awitin na may pamagat ding “Ploning” ang pelikulang ito. Kuwento ito ng isang babaeng iniwan sa isla ng ginahigugma. Mahusay ang pagganap ni Judy Ann Santos bilang Ploning—ang babaeng iniwan ng nobyong nagpunta ng Manila. Patuloy ang kaniyang buhay habang naghihintay. Kahit nababalot ng kasubo at pangungulila ang pagkatao, umaagos naman mula sa kaniyang kasingkasing ang pagmamahal sa mga tao sa kaniyang paligid—kapamilya, kamag-anak, at mga kaibigan. Tahimik lamang si Ploning kung kaya’t hindi alam ng mga tao sa kaniyang paligid na hindi na talaga makakauwi ang kaniyang hinihintay dahil namatay na ito sa Manila. Gayunpaman, patuloy sa Ploning sa kaniyang pagmamahal at sa pamamahagi ng mga ito lalo na sa anim na taong gulang na batang si Digo.
            Mistulang isang enggrandeng nobela ang pagkahabi sa pelikula. Dahil nga siguro isang production designer si Garcia, magaling siya sa paghawak sa mga detalye. Salit-salitan ang mga eksena ng nakaraan at kasalukuyan subalit hindi malilito ang manonood.
            Buhay na buhay rin ang mga karakter kahit na iyung maiksi lamang ang papel. Katulad na lamang ng karakter ni Eugene Domingo na Juaning—isang imbalidong nanay na nag-iisa na sa buhay kasama ang dalawang anak. Anak ni Juaning si Digo. Si Digo ang nagbabantay at nag-aalaga sa ina kung nagtatrabaho ang kanyang kuya. Kaya minsan, nang malaman niya na pupunta si Ploning sa Manila, bigla niyang tinanong ang kanyang nanay kung kelan ito mamamatay. Tinanong ito ni Digo habang sinusubuan ng kanin ang ina. Gusto niya kasing sumama kay Ploning. Napakapayak ng eksenang ito subalit nakakagimbal. Nangyari ito sa labas ng kanilang halos mawasdak na bahay na yari sa kawayan sa tabi ng dagat. Hindi nakasagot si Juaning. Napaluha lamang siya. Nakapukos ang kaniyang mukha. Nang bumalong ang kaniyang mga luha, tuloy-tuloy ito sa pag-agos—parang mga alon sa dalampasigan. Sa eksenang iyon, naging dagat ang mukha ni Juaning.
            Kadalasan, sa mga pelikulang komersyal ng mga batang love team, isinasali si Domingo upang hindi makatulog ang mga manonood. Magaling kasi na komedyante ni Domingo. Magaling siyang mag-deliver ng mga nakakatawa na linya. Kung minsan, mukha pa lang niya, matatawa ka na. Ibang Domingo ang makikita sa Ploning. Dito nagdrama siya at pinatunayan ang kanyang pagiging versatile. Mapakomedi o drama, isa siya isang napakahusay na artista.
            Nakakaloka ang listahan ng mga magaling na artista sa pelikulang ito. Nagtataka nga ako kung paano nakayanan ng isla ng Cuyo ang bigat nila: Gina Pareño, Tony Mabesa, Tessie Tomas, Ces Quesada, Joel Tore, Ronnie Lazaro, Mylene Dizon, Beth Tamayo, at Meryl Soriano. Ito ang magandang nagagawa ng “equity- sharing scheme,” isang paraan ng paggawa ng pelikula na makikita lamang sa indie (independent) filmmaking. Yung ambag-ambag lang muna ng gamit sa produksyon, talento, at pera. Saka na maghatihati ng kita kung kumikita na ang pelikula. Kaya bilib ako kay Judy Ann Santos na pumayag siya sa ganitong eskima. Dinig ko, halos pera niya ang ginasta sa produksiyon. Hindi siya nagsayang ng pera. Isang obramaestra ang Ploning.
            Kung gaano ako ka bilib kay Juday, ganoon naman ako kainis sa Star Cinema. Alam naman nilang independent film ang Ploning, sinabayan pa nila ang paglabas nito ng basura nilang pelikula na When Love Begins. Nakita ko sa TV na nag-a-apologize si Jose Javier Reyes kina Juday. Direktor lamang daw siya ng When Love Begins at “producer’s call” ang petsa ng pagpapalabas ng pelikula. Naniniwala pa rin ako na si Reyes ang pinakamagaling nating direktor sa ngayon. Pero sa matuod lang, itong When Love Begins ang pinakaboring at pinakapangit niyang pelikula. Mukha itong pito-pito, o baka nga tatlong araw lang silang nagsyuting sa Boracay at may korning pelikula na sila agad.
            Ang pelikula ay isang sining. Bagamat malaki ang kita kung ang mga katulad nina Judy Ann Santos at Sharon Cuneta ang mga bida, sana huwag naman kalimutan ng mga prodyuser na sining ang pangunahing konsiderasyon sa paggawa ng pelikula. At dahil nga ilang taon nang parang maranhig ang industriya ng pelikulang Filipino, sana naman huwag tapakan ng mga malalaking kumpanya ng pelikula ang mga maliit na indie film company tulad ng Panoramanila Pictures Co. Nasa indie films kasi ang kinabukasan ng pelikulang Filipino. 
            Kitang-kita ang pagmamahal sa pelikula bilang sining ng mga taong tulong-tulong na binuo ang Ploning. Kaya angkop lamang na ang pinakabuod ng pelikula ay pagmamahal. Sari-saring mukha ng dalisay na pagmamahalan: pagmamahalan ng magkasintahan, pagmamahalan ng mag-ama, pagmamahalan ng mag-ina, pagmamahalan ng magkapatid, pagmamahalan ng magkakamag-anak, pagmamahalan ng magkaibigan…
            Maganda na malungkot ang tono ng pelikulang Ploning. Ayon sa sinaunang mga makatang Hapon, ang isang tunay na magandang bagay ay malungkot sapagkat alam natin na hindi ito magtatagal. Sa tingin ko, matapos kong panoorin ang pelikulang ito, tama pa rin sila.  
            Masyadong mahirap ang klase ng paghigugma na ipinanukala ni Ploning—ang maghigugma nang lubos at walang hinihintay na kapalit. Ang maghigugma na hindi iniinda ang sakit na nararamdaman. Napakagandang metapora ang pagbibiyak ng buto ng kasuy sa pelikula. Napapaso ka sa dagta ng balat upang matikman mo, ng mga tao sa paligid mo, ang linamnam ng buto.  Kung hindi ka maghigugma, hindi ka nga masasaktan. Pero naman, wala kang linamnam na matitikman. Ang manami pa sa dalisay na pag-ibig, lahat ng makakatikim ay manamitan.
            Si Blessed Mother Teresa ng Calcutta ay nagsabing, “Napakaliit ng mundo para sa aking paghigugma.” Para kay Ploning, napakaliit ng Cuyo para sa kanyang pagmamahal. Kung matututo lang sana tayong umibig tulad nila, mas magiging maganda sana ang mundo natin.
            Kaya siguro iyak ako nang iyak matapos kong panoorin ang pelikula. Nasa taxi na ako pauwi ng bahay, umiiyak pa rin ako. Iniiyakan ko ang sarili ko dahil gusto kong pantayan ang paghigugma ni Ploning. Ngayon pa lang, iniiyak ko na ang sakit na mararanasan ko dahil sa paghigugmang iyon.  [26 Mayo 2008 / Van Gogh Pad; Unang nalathala sa Bandillo ng Palawan]