SA bagong patalastas sa telebisyon ng isang kompanya ng real estate, may isang batang babaeng masaya na naglalaro sa luntiang damuhan. Nang tumingala siya, nakita niya ang isang bahay na lumilipad. Nagpatong-patong ang mga bahay na ito at naging isang gusaling kondominyum. Masaya itong pinanood ng bata at ng nanay at tatay nito. Ang tagline ng patalastas, “Ang pangarap ko’y abot ko na.”
Ang patalastas na ito’y isang klarong pananamantala sa gitnang uring fantasya. Ipinalalabas ng mga kapitalista na maganda, sosyal, and in na in ang buhay kondominyum. Kaya ang mga pasosyal (social climber) ay nagkakadumahog na bumili ng unit kesehodang ilang taon nilang bubunuin ang paghuhulog dito.
Gitnang uring fantasya lamang ang kondominyum dahil hindi totoong pangmayaman ito. Kung mayaman ka, titira ka ba sa isang kuwartong malakahon ng sapatos? Payag ka bang dingding lamang ang iyong pagitan sa mga estranghero sa mga katabi mong unit?
Sa sanaysay ni Dolores Taylan na “Codomisyon” na nalathala sa Ani, ang jornal pampanitikan ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, isinalaysay niya ang bangungot na dinanas niya at ng kaniyang mga anak sa condo unit na kaniyang binili malapit sa De La Salle University kung saan siya nagtuturo.
Hindi naman pagpapasosyal ang dahilan ni Taylan sa kanilang pagko-condo. May bahay sila sa Laguna. Ang kaso, malayo ito sa kaniyang trabaho at sa paaralan ng kaniyang mga anak. Nagkataon ding buntis siya at nahihirapan na siyang magbiyahe. Kaya naisipan niyang bumili ng condo unit. Aniya, “Kaginhawahan o convenience ang pangunahing dahilan kung bakit ko naisipang tumira sa condominium. Malapit sa eskwelahang pinapasukan ng mga anak kong babae at ng unibersidad na pinagtuturuan ko ang condominium na napili ko. Nang panahong iyon, maselan ko ding ipinagbubuntis ang pang-apat kong anak at nahihirapan na akong magbiyahe mula Laguna paluwas ng Maynila, at mula Maynila pauwi sa Laguna.”
Kaginhawahan ang nasa isip nang magdesisyong mag-condo. Subalit unang gabi pa lamang nila sa kanilang unit, may pabigat na sa isipan ni Taylan. “Noong unang gabi ng pagtulog namin sa aming unit, naisip ko ang humigit-kumulang dalawang milyong pisong halaga ng aming one-bedroom unit. Ang katumbas pala ng kaginhawahan naming mag-iina ay humigit-kumulang dalawang milyong pisong bubunuin naming bayaran sa loob ng sampung taon. Kaya naman wa lang-wala sa hinagap ko noon na ang kaginhawahang hinahangad namin sa pagtira sa condominium ay mauuwi sa isang malaking konsumisyon.”
Sa tunay na mayaman sa ating bansa, maliit lamang ang dalawang milyon. Subalit para sa isang guro lamang, mabigat na pasanin ito. Pero kayang-kayang pasanin ng isang nasa gitnang uri. Sa librong Gitnang Uring Fantasya ni Rolando B. Tolentino, sinabi niya na upang mapabilang ang isang pamilya sa gitnang uri, kailangang ang taunang kita nila ay nakapaloob sa PhP251,283 hanggang PhP2,045,280. Ayon sa pag-aaral ng National Statistical Coordination Board, noong 2003, isa sa isang daang pamilya ay kabilang sa uring may mataas na kita at 20 porsiyento lamang ang gitnang uri, at 80 porsiyento ay kabilang sa mababang uri.
Samakatuwid, kaunti lang naman talaga ang totoong mayaman sa ating bansa. Kahit ang nasa gitnang uri ay 20 porsiyento lamang. Ito ang target ng mga naglalako ng gitnang uring fantasya, at ang sikat na produkto ngayon ay ang condominium living. Sa mga patalastas nito sa telebisyon, diyaryo, at mga magazine, lumalabas na ito na ang katuparan ng pangarap ng lahat na maging sosyal. Iisipin ng manonood at mambabasa na isang sopistikado at glamorosong pamumuhay ang pagtira sa kondominyum. Kaya iyong mga hindi pa kabilang sa gitnang uri ay magsusumikap nang husto upang dumating ang araw na kaya na rin nilang bumili, o kahit makarenta man lamang, ng isang condo unit.
Kaya mahalaga ang mga sanaysay na katulad ng sinulat ni Taylan upang kalabanin ang walang pakundangang pagbebenta nitong gitnang uring fantasya.
Nag-umpisa ang kalbaryo nina Taylan sa kanilang bagong condo unit nang tumagas ang tubig sa kanilang dingding kapag umuulan. Sinundan ito nang sabihan sila ng building administrator na nagli-leak ang tubo ng kanilang tubig kung kaya binabaha ang unit na nasa ilalim nila. Kailangang baklasin ang simentong nagtatago sa mga tubo upang malaman at maayos kung nasaan ang leak. Noong una, ayaw pumayag ni Taylan dahil maiistorbo ang buhay nila. Saka kung babaklasin ang ilang bahagi ng simento sa kanilang unit, inaalala niya nab aka atakehin ng hika ang isa niyang anak. Sinabihan siya ng building administrator na puwede naman silang lumipat muna sa dormitory ng gusali kaya lang magbabayad sila ng PhP300 kada tao kada araw. Ayaw niyang pumayag. Aniya, “Ayaw kong magbayad sapagkat para sa akin, dalawa lang ang maaaring dahilan kung bakit may leak ang tubo na hindi naman nagagalaw sa loob ng sementong kinababaunan nito. Una, poor workmanship o poor building construction. Pangalawa, maaaring substandard ang materyales na ginamit kaya nag-leak kaagad ang mga tubo nito. Para sa akin, alin man sa dalawang ito ang dahilan ay wala kaming kasalanan kaya dapat lamang na tulungan kami ng developer sa aming kalagayan.”
Oo nga naman. Bakit sina Taylan ang magbabayad sa kapalpakan ng developer ng condo building? Pero sa halip na magsisi ang developer ng gusali sa kanilang kapalpakan, pinutulan pa ng tubig ang unit nina Taylan! Ito ay hanggang sa pumayag si Taylan na bakbakin ang kanilang sahig upang mahanap ang tubong nagli-leak. Kailangan nina Taylan na makiigib sa mga katabing unit nila upang may magamit silang tubig. Ayon pa sa kaniya, “Biglang-bigla, ang condominium ay naging isang condomisyon para sa amin.”
Kalaunan ay hindi na makatiis sina Taylan kung kaya pumayag na siyang bakbakin ang kaniyang sahig. Noong una, gusto pang ipapasan sa kaniya ng building administrator ang gastusin sa pagbabakbak na iyon. Pero hindi pumayag si Taylan. Nang mabakbak ang kaniyang sahig, nadiskubreng wala naman palang leak. Ang leak ay nasa bath tub pala. Nakakaloka.
Nagsusulputan na parang mga kabute ang mga gusaling kondominyum sa Metro Manila. Hindi lamang sa mga sentrong pangkalakalan kundi kahit sa mga liblib na bahagi ng lungsod. Naalala ko pa noong mga Dekada 90, kapag sumasakay ako ng dyip mula sa amin sa Rosario, Pasig papuntang Cubao, ang Libis ay talagang libis dahil mga talahiban lamang ito. Ngayon, nakamamangha na ang mga matatayog na gusali sa Eastwood at karamihan sa mga ito ay mga kondominyum. Sa Calle Industria malapit dito ay itinatayo ngayon ang Circulo Verde na isang munting lungsod din ng mga kondominyum. Noong nag-aaral pa ako sa De La Salle University-Manila noong 1995 hanggang 1997, dadalawa pa lamang ang itinatayong gusaling kondominyum. Ngayon, halos hindi na masisikatan ng araw ang kalsada sa bahaging iyon ng Taft Avenue. Nakahihilo na ang tayog ng mga gusali. Ang dating dambuhalang La Salle Hall ay parang anong oras ay matatambakan ng mga kondominyum. Iniisip ko na lamang, siguro naman pumasa sa standard ang plano ng mga gusaling ito at hindi madaling mapatumba ng lindol.
Kung tutuusin, hindi naman talaga lindol ang nangungunang problema sa pagko-condo. Bukod sa bonggang problemang naranasan ni Taylan, marami pang maliliit na problema ang hatid nito. May isa akong kaibigan na problema ang napakaraming ipis sa condo unit nila. May isa pa akong kaibigan na naiinis sapagkat naaamoy niya ang kung ano mang niluluto ng mga katabing unit niya.
Ilang buwan ko nang napapansin ang isang karatula sa labas ng Miriam College kung saan ako nagtuturo. Ang nakalagay: “House for Sale. 35 million. Capitol Hill.” Ganito na kamahal ang totoong bahay. Malayo sa isang milyon hanggang dalawang milyon na presyo ng karaniwang condo unit. Samakatuwid, isang gitnang uring fantasya lamang ang pagko-condo dahil ito na ang katumbas sa ating panahon ng low-cost housing sa kalungsuran.
[Hulyo 2011
Lungsod Pasig]