Tuesday, January 8, 2013

Ang sabi ni Ka Sonny...

"Iminumungkahi ko rito ang isang makataong responsibilidad sa pagsipat sa lahat ng kulturang aktibidad at karanasan: Kailangang mag-isip, sumuri, maging palatanong. Huwag tanggapin ang anuman nang walang pasubali o kritika. Analisahin at hamunin ang katuwiran ng awtoridad. Ang nakikita mo ay hindi sumasaiyo, hindi para sa iyong interes o kolektibong kapakanan, kaya dapat mag-ingat at laging gawing problema ang nangyayari sa kapaligiran at sa naipataw o minanang balangkas ng iyong buhay. Baguhin ang diwa, kaisipan, buhay. Ito marahil ang una at huling aral na mahuhugot sa pag-aaral sa sining at mekanismo ng potograpiya, ng kamera, sa kasalukuyang panahon." E. SAN JUAN, JR. Sipi mula sa sanaysay niyang "Ilusyon, Katotohanan, Komodipikasyon ng Imahen at Larawan"

Sunday, September 16, 2012

Dalisay na Papuri: ASOP Music Festival


SABI ni San Agustin ng Hippo, dobleng panalangin ang ginagawa ng taong umaawit. Ito ang palaging naiisip ko kapag nanonood ako ng A Song of Praise (ASOP) Music Festival sa UNTV kada 7:00 hanggang 8:30 sa Linggo ng gabi.
            Ilang buwan ko nang ginagawa ito. Kaya hindi ako nakikipag-date kung Linggo ng gabi dahil kailangang nasa bahay ako upang makapanood nitong isa mga paborito kong palabas sa telebisyon. Ang mga programang tulad ng ASOP ang isa sa mga dahilan na irerekomenda ko pa rin sa aking mga estudyante ang panonood ng TV. Karamihan kasi sa mga palabas ngayon, lalo na ang matataas ng rating, ay nakakatorta ng utak ng manonood, nakapagpapababa ng IQ, ng kakayahan ng isang tao upang mag-isip.
            Ang ASOP ay paligsahan sa paglikha ng mga awiting papuri sa Panginoon. Isa akong Katolikong hindi palasimba, hindi sumasali sa mga charismatic group, at walang planong sumali sa Singles for Christ. Ako ang tipong susulat ng sanaysay upang laitin ang isang arsobispo kung hindi makatarungan ang pinagsasabi nito. Ako ang tipong naiirita kapag nakikita kong nagtatapakan ang mga deboto tuwing pista ng Itim na Nazareno sapagkat natitiyak kong hindi ito ang tamang paraan upang purihin ang Panginoon. Sentido-komun lang kasi ‘yan, kaunting gamit ng utak—matutuwa ka ba kung ang fans mo ay magsasakitan, magpapatayan, para lamang makahipo sa damit at makakuha ng isang hibla ng buhok ng estatwa mo? At hindi ang mga deboto ang sinisisi ko kundi ang mga pari at obispo na hinahayaang magpatuloy ang kahangalang ito. Dapat ini-educate nila ang mga “faithful” na hindi masyadong nag-iisip. Kunsabagay, isang malaking negosyo ng Simbahang Katoliko ang Pista ng Quiapo. Sayang din naman ang milyon-milyong donasyon. Hindi aksidente na nandiyan sa loob mismo ng simbahan ang mga taong nagbebenta ng mga panalangin at milagro, at nasa labas lang ng pintuan nito ang mga nagtitinda ng pamparegla, anting-anting, at gayuma.
            Sa kabila ng pagiging erehe ko, paladasal ako. Nagdadasal ako pagkagising ko sa umaga, bago lumabas ng bahay para pumunta ng trabaho o maggimik, pagdating sa skul sa kapilya, at bago ako matulog sa gabi. Hindi ko na binibilang pa ang pagdasal namin ng aking mga estudyante bago magsimula ang klase. Hindi kasi ito kusang loob. Sa halip, polisiya ito ng Katolikong kolehiyo na aking pinagtuturuan. Ang pagiging paladasal ay nakuha ko sa aking Nanay, Tita, at mga Lola. Sa hirap at delikado ng pamumuhay dito sa Metro Manila, dapat paladasal ka. Manood ka lamang ng TV Patrol at 24 Oras, kailangan mo ng proteksiyon ng sanlaksang mga anghel para ma-survive mo ang kahindik-hindik na buhay-lungsod.
            Sa aking pagdadasal, una palagi ang pasasalamat at pagpupuri ko sa Panginoon. Kung minsan napapagod at nahihirapan ako sa buhay. Pero kung titingnan ko ang mga grasya sa akin ng Panginoon, ang kapal naman ng mukha ko kung magrereklamo pa ako. Sabi nga nila, hindi lamang ako ang anak ng Diyos kung kaya hindi lahat ng gusto ko ay aking makukuha. Pagkatapos ng pasasalamat at pagpupuri, humihiling ako sa Diyos na bigyan ako ng mapagmahal, mapagpatawad, at mapagpakumbaba na kasingkasing. Alam ko kasing mayabang ako at matapang, at hindi ako mabait. Hirap din akong magpatawad sa mga nagkakasala sa akin. Ipinagdadasal ko na gawin ako ng Diyos na isang mabuti at magaling na guro, manunulat, at tao. Kung magawa ko na lahat ito, saka na lamang ako hihiling sa Diyos na patnubayan at bigyan ng malusog na pangangatawan ang mga mahal ko sa buhay.
            Kung minsan, kung sabay-sabay ang pagdating ng mga pagsubok, pagkaluhod ko sa kapilya ay agad akong malilitaniya ng mga pagrereklamo at paghihingi ng kung ano-ano sa Panginoon. Kapag mahuli ko ang sarili kong ganito, literal na sinasampal ko ang aking sarili. Itinuro kasi sa atin ni Hesus ang tamang paraan ng pagdasal bago siyang magkayab palangit matapos siyang mabanhaw.  Ito ay ang panalanging “Ama Namin.” Magpuri ka muna at magpasalamat bago ka humingi.
            Sa ganitong konteksto ko gustong-gusto ang konsepto ng ASOP. Habang nanonood ako nito ay napapapuri din ako sa Panginoon. Kadalasan, magaganda ang mga awitin. Kung minsan may mga pangit na awitin. Pero kung papuri ito sa Panginoon, walang pangit na awitin kung gayon. Kaya ang mga hurado, kapag magbigay ng komentaryo sa mga entri, palaging constructive katulad ng ginagawa nina Vehnee Saturno, Mon del Rosario, Pinky Amador, Dingdong Avanzado, Beverly Salvejo, at iba pa. Palagi nilang isinasaalang-alang na makakatulong ang sasabihin nila sa mga kompositor na mapaganda ang kanilang mga komposisyon. Kung mapaganda kasi ng mga kompositor ang kanilang mga awitin, lahat tayo ay panalo sa harap ng ating Panginoon.
            Bukod sa papuri sa Panginoon, malaki rin ang naitutulong ng ASOP sa pagdiskubre, hindi lamang ng mga bagong kompositor, kundi pati na rin sa mga bago at mga hindi bago na mga mang-aawit. Nabibigyan ng ASOP ng pagkakataon ang mga magagaling na singer na hindi sikat. Nitong gabi lang, muli kong napakinggang nag-interpret ng kanta si Thor. Hindi masyadong sikat subalit napakagaling kumanta—“may pinakamagaling na boses” ayon mismo kina Saturno at del Rosario. Umawit din sina Anezka Alvarez ng UST Chorale at si Johann Enriquez ng The Filipino Tenors. Napanood ko na ring umawit dito sina Gian Magdangal at Harry Santos, parehong guwapo at magaling kumanta subalit hindi talaga nagiging star. Sa mga tunay na alagad ng sining, hindi naman talaga mahalaga ang kasikatan.
            Ang isa sa mga awitin ng gabing ito ay ginawa ng isang music teacher bilang pasasalamat dahil naaksidente ang dyip—nahulog sa bangin—na sinasakyan ng kaniyang asawa at tatlong anak subalit himalang hindi nasaktan ang mga ito. Ang naging Song of the Week naman ay likha ng isang abogado na namatay ang misis dahil sa kanser at pinamagatan niya ang kaniyang awitin na “You’ll See Miracles.” Siya si Paul Hildawa, na kaapelyido at kamukha ng kaibigan kong magaling na makata at arkitektong si Sid Gomez Hildawa na sumakabilang buhay ilang taon na ang nakararaan. Nang magtanong ako sa mga kaibigan namin, magkapatid pala sila. Talentado pala talaga ang kanilang pamilya.
            Sabi ni Paul, hindi na raw natin kailangang maghintay pa ng himala upang maniwala at magpapuri sa Panginoon. Sang-ayon na sang-ayon ako sa sinabi niyang ito. Aabangan ko ang kaniyang awitin sa monthly finals hanggang sa grand finals.
            Ang hosts ng ASOP ay sina Toni Rose Gayda at Richard Reynoso. Magaan at masaya—puro tawanan—ang kanilang estilo sa pagho-host. Kung minsan nga lang korni magbitaw ng joke si Reynoso dahil hindi naman talaga siya komedyante kundi isang world-class na balladeer. Paborito ko noong aking kabataan, noong nagsisimula pa lamang akong ma-in love, ang kaniyang hit na kantang “Paminsan-minsan.” Nakakatuwa. Parang hindi siya tumanda. Ang guwapo pa rin niya.
            Sa tingin ko ang pinakamagandang kalidad ng ASOP bilang paligsahan sa pagsusulat ng mga awiting papuri sa Panginoon ay walang relihiyon o sektang hayagan itong ipino-promote. Kaya maaari itong panoorin ng kahit sinong Kristiyano, at ng kahit hindi pa Kristiyano basta may konsepto lamang ng pinaniniwalaang Diyos na mabuti na siyang lumikha sa atin at pinakamakapangyarihan sa lahat—ano man ang ngalang tawag natin sa Kaniya.
            Isang tunay na programang Filipino ang ASOP na dapat tangkilikin nating lahat. Sana dumami ang kanilang advertisers. Sana tumagal ang maganda at makabuluhang programang ito ng UNTV.

 
[16 Setyembre 2012
9:30 n.g. Rosario, Pasig]

Wednesday, January 4, 2012

Lapnos

KAGIMBAL-GIMBAL ang nangyari kay Edmund Padilla, 19 taong gulang, ng Nueva Vizcaya. Nalapnos ang kaniyang balat dahil binuhusan siya ng tatay niya ng kumukulong tubig dahil hindi nito matanggap ang kaniyang pagkabading.
            Lasing daw na umuwi ang ama nila at tinanong siya kung bakit hindi nito kayang magkilos lalaki. (Hindi siyempre alam ng engot na amang ito na may mga bading na kilos lalaki rin.) At nang hindi makuntento sa sagot, umalis ito saglit at pagbalik ay may dala nang mainit na tubig at ibinuhos sa anak na bading. Sabi ng ama sa interbyu sa TV, nagawa lang daw niya ito dahil hindi niya matanggap na ang tatlo sa lima niyang mga anak na lalaki ay bading. Bakit? Hindi ba ito blessing?
            Ipinakulong ni Edmund ang ama. Na dapat lang. Ang kahit sinong ama o ina na mambubuhos ng mainit na tubig sa anak ay dapat talagang ikulong.
            Minabuti ng ina ni Edmund na manahimik na lamang. Hindi ito nagpainterbyu sa TV. Maaaring senyales ito ng pagpapatahimik sa kaniya ng patriarkal na sistema. Nasa gitna siya ng nag-uumpugang bato: bana na malupit at anak na malubhang sinaktan. Naisip ko tuloy na kung nangyari ito sa akin, kung binuhusan ako ng Tatay ko ng kumukulong tubig dahil hindi niya matanggap na bading ako noong nabubuhay pa ang aking ina, natitiyak kong papatayin ng Nanay ko ang aking Tatay! Matapang ang Nanay ko. Siya ang tipong isisigaw ang gusto niyang sabihin. Para siyang aso o tigre na bagong panganak. Siya ang tipo ng ina na pinapalo kami kapag kami’y may kasalanan subalit kung sasaktan kami ng iba tao, kahit na ng ama pa namin, ay ‘ika nga nila maghahalo ang balat sa tinalupan. Nang minsan ngang pinasok ng magnanakaw ang bahay namin sa Lungsod Puerto Princesa, hindi siya nangiming barilin ito. Hindi nga lang niya natamaan. Nang magsumbong siya sa telepono sa Tatay ko (nasa barko kasi ito) at pinagalitan pa siya kung bakit hindi niya tinamaan ang magnanakaw, paiyak niyang sinigawan ang Tatay ko ng, “Dahil hindi naman ako sharp shooter! Natakot lang ako na baka may kutsilyo ito at saksakin niya kami ng mga bata kaya binaril ko ng dalawang beses!”
            Naalala ko minsan noong maliit pa ako, siguro mga sampung taong gulang lamang ako noon, nahulog ang isang kambing namin sa farm sa isang bukas na balon. Ako ang unang nakakita. Tili ako nang tili hanggang sa nagsitakbuhan papalapit ang Tatay ko at ang mga tauhan niya sa bukid. Nang malaman ng Tatay ko na kambing lang pala ito na nahulog sa balon, nilapitan niya ako at pinitik sa tenga. Siguro nahiya siya dahil tili ako nang tili na parang batang babae. Nakita ito ng Nanay ko. Nagwala siya. Buong araw na naging impiyerno ang buhay ng Tatay ko dahil doon.
            Ganito kasi ang lohika ng Nanay ko na narinig kong isinisigaw niya sa Tatay ko na dinig na dinig ng buong barangay: “Mga anak ko ‘yan! [As if hindi ang ama namin ang nakabuntis sa kaniya.] Hindi mo puwedeng saktan kahit dulo ng kanilang buhok. Kung may kasalanan sila sa ‘yo isumbong mo sa akin. Puwede ko silang patayin sa harap mo kung malaki ang kasalanan nila sa ‘yo. Ako lang ang puwedeng manakit sa kanila dahil sa akin sila lumabas!”
            Kaya ni minsan hindi ako pisikal na sinaktan ng Tatay ko dahil bading ako. Tanggap kasi ng Nanay ko na bading ako kung kaya walang mali sa pagiging bading ko. Malaki na ako nang namatay ang Nanay ko. Kung hindi man tanggap ng Tatay ko na bading ako ngayon ay hindi na niya ako kayang saktan pa, gaya ng ginawa ng tatay ni Edmund sa kaniya, dahil kaya ko na ring pumatay ng tatay kung kinakailangan.
            Ang homophobia ay dapat binabangga nang harapan. 
            Kaya dapat maghinay-hinay ang mga obispo sa pagpapainterbyu sa telebisyon at pa-witty na magsabing “nakakadiri” ang pagpapakasal ng parehong lalaki at parehong babae. Marami kasing “faithful” ang makikitid ang utak tulad ng tatay ni Edmund. “Nakakadiri” ang pagkabading kaya parang mikrobyo na maaaring mapatay ng kumukulong tubig. Kaya okey lang na buhusan ng mainit na tubig ang anak na bading kasi nga “nakakadiri.”
            Ang paghihirap ngayon ni Edmund, ang pagkalapnos ng kaniyang likod at balikat, ay simbolo lamang ng kaapihang nararanasan ng mga bading dito sa ating lipunan. Yung iba, hindi nga binubuhusan ng mainit na tubig ng kanilang ama subalit minumura naman sila, pinapalayas, hinihiya. Kung kaya lapnos din ang balat ng kanilang kaluluwa. Wala pang ointment na naimbento upang gamutin ang lapnos, sugat, at pasa sa balat ng ating pagkatao.

[4 Enero 2012
Lungsod Pasig]

Thursday, December 29, 2011

Kapag tumili ang bading—APIR!


UNANG-UNA, hindi lahat ng bading ay tumitili. Kaya iritang-irita ako sa balita sa TV kanina na ang mga utak pulbura sa Bulacan ay may bagong iligal na naman na paputok na ang tawag nila ay “Goodbye Bading” na kamag-anak ng “Goodbye Philippines” at “Goodbye Universe” na ang dapat talagang ipinangalan nila kung hindi pa sana natusta ang kanilang utak ay “Goodbye mga Daliri” o di kaya’y “Goodbye Kamay” at “Goodbye Buhay” na bongga ang tugmaan.
            “Goodbye Bading” daw ang ipinangalan sa walang kuwenta at maperhuwisyong paputok na ito dahil dalawang minuto munang titili ito bago sumabog. Dahil nga nilason na ng pulbura ang utak ng mga nakapag-isip nito at isa akong ulirang (ehem!) guro, nais kong magbigay ng kaunting lektyur dito na libre. Ang mahal kaya ng per hour ko sa Miriam College at La Salle Taft! Isipin na lamang natin na community outreach involvement ko ito para matulungan ang mga negosyante ng paputok na hindi nakapag-aral at kung nakapag-aral man ay walang pinag-aralan.
            Ganito kasi iyon. Sari-sari ang mukha ng mga bading. May mga bading na maskulado dahil mahilig mag-gym at sila yung tipo na hindi titili. Mayroong matinee idol—super guwapo at seksi na tinitiliian ng mga babae at bading—pero bading din hindi nga lang inaamin. Mayroong sundalo at pulis na ang bababa at babagsik ng mga boses at diyahe nga naman sa kanilang trabaho kung titili-tili sila. Mayroong mga pari at obispo na mahinahon magsalita palagi. Mayroong abogado na pormal magsalita at titili lamang kung mahulog ang microphone sa harap niya. Mayroong mga doktor, dentista, makata, propesor, inhenyero, arkitekto at marami pang iba. Siyempre mayroon ding mga parlorista—yung mga nagdadamit babae at nagmi-meyk-ap—tulad ni Vice Ganda na masayahin at mahilig talagang tumili. Kaya siguro akala ng nakararami, kapag bading tumitili. Ito kasi ang tradisyon ng kabadingan sa showbiz sa Filipinas na pinauso ng Facifica Falayfay ni Dolphy, pagbabakla-bakla ni Joey de Leon at ng mga kabarkads niyang sina Tito (senador ‘yan ha) at Vic Sotto, Roderick Paulate, at ngayon ni Vice Ganda. Walang mali sa uri ng kabadingang kanilang isinusulong. Trip nilang magsuot-babae at mag-meyk-ap, e di pabayaan natin sila. Ang kaso nga lang, sila ang mas visible kung kaya inaakala ng mga utak-pulbura at ng mga walang utak, period, ay sila ang epitome, ang representative, ang normal, na bading.
            Maling-mali na “Goodbye Bading” ang ipapangalan sa isang tumitili at delikadong paputok. Dapat ang itawag dito ay “Goodbye Utak Forever!”
            Kaya gustong-gusto ko ang kampayang APIR—Aksyon Paputok Injury Reduction— ng Department of Health. Napanood ko sa TV ang paglunsad nila ng programang ito. Namigay pa sila ng CD na ang sisidlan ay hugis paputok na trianggulo ng mga tunog ng pagsabog ng mga paputok. Canned firecrackers sound. Bakit hindi? Ngunit bongga na din naman ang tunog ng takip ng kalderong pinapatik ng malaking kutsara di ba? Bongga na ito kung sasabayan pa ng tilian at sigawan at tawanan at sayawan.
            Noong isang araw lang, isang traysikel sa Bulacan na puno ng mga kargang paputok ang sumabog. Sunog ang katawan ng drayber at namantay ang kaniyang anak na kasama niya sa pagbibiyahe. Nangyari ito dahil may paputok na inilagay malapit sa tambutso.  Ngayong araw lang, tatlong araw bago magbagong taon ay may mga bata nang isinusugod sa ospital dahil naputukan ng piccolo. Mayroon ding batang nakalunok ng pulbura. Ang nakakaawa ang batang babae na natamaan ng ligaw na bala sa binti. Noong nakaraang Pasko lang, isang buntis ang natamaan ng ligaw na bala sa balakang. E, papunta lang naman sana siya sa simbahan. Buti hindi natamaan ang bata sa kaniyang sinapupunan. Taon-taon, libo-libong tao ang nadidisgrasya dahil gumamit ng mga paputok. Hahayaan na lamang ba natin ito?
            Bukod sa peligrong maputukan, dalikado rin ang usok ng mga paputok na ito sa mga may hika tulad ko. Lalo na sa mga bata. Hindi ba sakop ng Clean Air Act ang usok mula sa mga paputok na ito?
            Kaya binabati ko ang DOH sa aktibong kampanya nito laban sa mga paputok. Pati ang Malakanyang ay nagpalabas na rin ng statement hinggil sa iwas-paputok. Pati ang GMANEWS.TV na pinapanood ko palagi ay parang pino-promote na rin ang pag-iwas sa paggamit ng paputok sa kanilang mga balita at programa. Sa ganitong mga isyu at pagkakataon, dapat talagang maging bias na ang masmidya.   
            Kung may extra lang akong pera ngayon gusto ko sanang mag-New Year sa Lungsod Baguio o kaya sa Lungsod Davao. Bawal kasi ang mga paputok doon. Mas nag-iisip at mas matapang ang mga lokal na lider nila. Nagmumukha pang mas sibilisado ang kanilang lungsod. Sana pamarisan sila ng iba pang mga lokal na pamahalaan sa ating bansa.
            Heto ang dasal ngayon ng Sirena sa pagtatapos ng taon: SANA MASUNOG MULI ANG MGA TINDAHAN NG PAPUTOK SA BULACAN!!! Hayan, tili ‘yan ng isang galit na bading.
            Kung may utak tayo at malasakit sa kapuwa, dapat GOODBYE PAPUTOK na tayo sa 2012.

[29 Disyembre 2011
Lungsod Pasig]

Wednesday, December 14, 2011

Panalo ang Wikang Filipino


SA pag-impeach kay Chief Justice Renato Corona, panalo ang wikang Filipino.
            Kahapon, kinaumagahan matapos ma-impeach ng 188 na kongresista si Corona noong gabi ng ika-12 ng Disyembre, nagtalumpati si PNoy at sinabing si Corona ang dahilan ng pagkawala ng dangal ng Korte Suprema. Kahit hindi ko masyadong gusto si PNoy (dahil naniniwala akong utak-hasyendero pa rin siya at naglalaway na tuta ng Amerika) naniniwala naman ako sa kaniyang tinuran. Dapat lang matanggal si Corona dahil mistula siyang kanser sa kataas-taasang hukuman ng bansa. Klaro naman na ang tunay na pinagsisilbihan niya ay ang interes lamang ni Gloria Macapagal Arroyo na former (?) boss niya. Patunay rito ang mabilisang paglabas ng TRO laban sa hold departure order ng pamahalaan para kay Gloria at sa kaniyang bana dahil sa maraming kasong kanilang kakaharapin.
             Si PNoy, gaya ng ginagawa niya sa kaniyang mga SONA at mahahalagang talumpati sa harap ng taumbayan, Filipino ang ginamit upang tuligsain si Corona. Take note, hindi ang Korte Suprema ang tinutuligsa ni PNoy kundi si Corona lamang na midnight appointee (kung kaya labag sa Saligang Batas) ni Arroyo. Ang yabang naman ni Corona kung iniisip niya na siya ang Korte Suprema gayung mala-impostor lamang siya roon. Kanina sa mga balita sa telebisyon, istaring si Corona dahil nag-court holiday ang ilang mga korte sa Metro Manila at iba pang mga lugar sa Filipinas bilang suporta umano sa kaniya. Nagtalumpati si Corona na ayon sa mga reporter ay “palaban” daw pero parang wala namang puwersa. At kruhay! Sa Filipino ang talumpati ng na-impeach na chief justice!
            Tuwang-tuwa ako sapagkat hindi na lamang presidente ang nagpi-Filipino kundi pati na rin ang punong mahistrado. Kaya panalong-panalo ang wikang Filipino! Well, wikang Filipino na Tagalog-based na ayaw siyempre ng ilang mga kakilala kong Bisaya. Pero para sa akin, okey na ito. At least katutubong wika na.
            Pero siyempre dahil si Corona ito, duda ako sa kaniyang paggamit ng wikang Filipino. Palagi naman kasi siyang nag-i-Ingles sa mga talumpati niya. Si PNoy, consistent na sa paggamit ng Filipino kaya hindi mukhang pilit at di-sinsero gaya ng kay Corona. Si Corona talaga. Hirap siyang basahin ang kaniyang talumpati. Obvious naman na nag-Filipino lamang siya upang tapatan ang pag-Filipino ni PNoy. Sana kasi nagpa-praktis muna siya kay Atty. Midas Marquez.
            Akala talaga ni Corona, malalansi niya ang sambayanang Filipino sa paggamit ng Filipino. Akala niya paniniwalaan siya dahil ginamit niya ang wika ng masa. Mas nagiging nakakadiri tuloy ang kaniyang talumpati.
            Sabi niya, nagiging diktador na raw si PNoy. Ows? Natawa ako. Utak-hasyendero, oo. Tuta ng Amerikano, oo. Pero diktador? Si Chief Justice talaga, you’re so funny, sir! O kung sa isang FM station pa, joke ba ‘yun?! Bwahahaha! Parang kasing funny ito kung pagbintangan natin si PNoy na siya ang awtor, a.k.a. mastermind, ng sikat na “Oplan Put the Little Girl To Sleep” ni Elena Bautista Horn (gusto ko talaga sanang isalin sa Filipino ang kaniyang apelyido para mas may impact!).
            Nagrereklamo si Corona na yung articles of impeachment daw sa Kongreso ay hindi binasa ng mga kongresista at basta pinirmahan na lamang. Look who’s talking! Di ba nagdesisyon na rin naman ang Korte Suprema na pinamunuan ni Corona na hindi rin nila nabasa ang complaint o affidavit o prayer?
            Ang nakapagtataka lang, ang mga reklamo nina Corona, Marquez, Horn, Atty. Ferdinand Topacio, at Atty. Raul Lambino ay magkakatunog. Nag-uusap ba sila? Tanong lang ‘yan ha. At kung nag-uusap nga sila, heto ang payo ko kay Corona, huwag na huwag siyang magpasulat ng talumpati sa Filipino kay Atty. Topacio. Bukod kasi sa malaking posibilidad na makakapasok ang mga salitang tulad ng “itlog,” baka magkaroon pa ng mga mali o OA na metapora ang maririnig mula sa kaniyang speech. Noong araw na ililipat si Arroyo mula St. Luke’s Medical Center sa Lungsod Taguig tungo sa Veterans Memorial Medical Center sa Lungsod Quezon, napanood ko sa isang interbyu sa telebisyon si Topacio na nag-trying hard maging makata nang tinanong siya kung sasamahan ba ng dating First Gentleman ang Dating Pangulo sa sasakyan patungong VMMC. Aniya, “Hindi naman iiwanan ng dating First Gentleman ang kaniyang kabiyak na nakaratay sa banig ng karamdaman.” Weeeee… Banig ng karamdaman? Yung karamdaman hindi na tayo sigurado d’yan, na ang tawag nga ng mga tibak na nagrarali ay “kaartehan” lamang. Pero ang banig? Juice koh! May banig sa St. Luke’s? Kuwarto mo tig-PhP50,000 a night tapos sa banig ka lang pahihigain? Ano ‘yun? Parang sa amin sa Antique Provincial Hospital?
            Heto ang naiimadyin ko. Kung si Topacio ang magiging coach ni Corona sa Senado, I’m sure parang ganito ang pleading niya: “Mga kagalang-galang na Huwes-Senadores, buong puso kong ipinababatid sa inyo, wala po akong kasalanan, wala po. Ipatatanggal ko ang dalawa kong itlog kung guilty ako! Para akong ibong may layang lumipad subalit ikinukulong ninyo sa hawla ng mga maling paratang dahil sa utos ng haring diktador ng Albania! Sa loob at labas ng Korte Suprema kong sawi….” Pagkatapos, magugulat at matatawa ang microphone at biglang tatalon. Mapapalundag si Corona pero si Marquez ang mapapasigaw, actually, mapapatili ng, “Ay puki ng baklang dagang froggy!” Check n’yo sa You Tube. Meron.
            Sabi pa ni Corona, mahimbing daw ang kaniyang tulog dahil malinis ang kaniyang konsensiya. Sino ang kinukumbinse n’yo, sir? Sarili n’yo? Tingnan mo kaya itsura mo sa salamin. Iyan ang itsura ko kapag puyat ako sa katse-tsek ng term peyper ng mga estudyante ko at kinabukasan na ang deadline ng pagsumite ng grades.
            Para sa akin bilang guro ng Filipino, sagrado ang Pambansang Wika. Wika ito ng kaluluwa ng ating bansa kung kaya hindi dapat ginagamit upang magsinungaling o manlinlang ng kapuwa. At bilang makata, para sa akin sagrado ang Wika—maging Kinaray-a ito, Cuyunon, Ingles, Aleman, Bahasa, o kung ano pa man. Dapat gamitin lamang ito upang isiwalat ang katotohanan kasi may kasabihan sa Ingles na liars go to hell. Ito ang dapat mabatid nina Corona, Marquez, Sung… er, Horn, Topacio, at Lambino. At siyempre, nina Gloria at Mike Arroyo na rin na mga direct descendant pa naman ni Santa Teresa ng Avila. Abaw, Santa Teresa, ipagdasal n’yo po sila!
            Sa pag-impeach kay Corona panalo ang wikang Filipino. At kung matanggal si Corona sa Korte Suprema, panalo ang sambayanang Filipino.

[14 Disyembre 2011
Lungsod Pasig]

Sunday, July 24, 2011

Ang Pagko-condo Bilang Gitnang Uring Fantasya

SA bagong patalastas sa telebisyon ng isang kompanya ng real estate, may isang batang babaeng masaya na naglalaro sa luntiang damuhan. Nang tumingala siya, nakita niya ang isang bahay na lumilipad. Nagpatong-patong ang mga bahay na ito at naging isang gusaling kondominyum. Masaya itong pinanood ng bata at ng nanay at tatay nito. Ang tagline ng patalastas, “Ang pangarap ko’y abot ko na.”
            Ang patalastas na ito’y isang klarong pananamantala sa gitnang uring fantasya. Ipinalalabas ng mga kapitalista na maganda, sosyal, and in na in ang buhay kondominyum. Kaya ang mga pasosyal (social climber) ay nagkakadumahog na bumili ng unit kesehodang ilang taon nilang bubunuin ang paghuhulog dito.
            Gitnang uring fantasya lamang ang kondominyum dahil hindi totoong pangmayaman ito. Kung mayaman ka, titira ka ba sa isang kuwartong malakahon ng sapatos? Payag ka bang dingding lamang ang iyong pagitan sa mga estranghero sa mga katabi mong unit?
            Sa sanaysay ni Dolores Taylan na “Codomisyon” na nalathala sa Ani, ang jornal pampanitikan ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, isinalaysay niya ang bangungot na dinanas niya at ng kaniyang mga anak sa condo unit na kaniyang binili malapit sa De La Salle University kung saan siya nagtuturo.
            Hindi naman pagpapasosyal ang dahilan ni Taylan sa kanilang pagko-condo. May bahay sila sa Laguna. Ang kaso, malayo ito sa kaniyang trabaho at sa paaralan ng kaniyang mga anak. Nagkataon ding buntis siya at nahihirapan na siyang magbiyahe. Kaya naisipan niyang bumili ng condo unit. Aniya, “Kaginhawahan o convenience ang pangunahing dahilan kung bakit ko naisipang tumira sa condominium. Malapit sa eskwelahang pinapasukan ng mga anak kong babae at ng unibersidad na pinagtuturuan ko ang condominium na napili ko.  Nang panahong iyon, maselan ko ding ipinagbubuntis ang pang-apat kong anak at nahihirapan na akong magbiyahe mula Laguna paluwas ng Maynila, at mula Maynila pauwi sa Laguna.”
            Kaginhawahan ang nasa isip nang magdesisyong mag-condo. Subalit unang gabi pa lamang nila sa kanilang unit, may pabigat na sa isipan ni Taylan. “Noong unang gabi ng pagtulog namin sa aming unit, naisip ko ang humigit-kumulang dalawang milyong pisong halaga ng aming one-bedroom unit.  Ang katumbas pala ng kaginhawahan naming mag-iina ay humigit-kumulang dalawang milyong pisong bubunuin naming bayaran sa loob ng sampung taon.   Kaya naman wa akoag-iina ay katumbas na pala a namin lang-wala sa hinagap ko noon na ang kaginhawahang hinahangad namin sa  pagtira sa condominium ay mauuwi sa isang malaking konsumisyon.”
            Sa tunay na mayaman sa ating bansa, maliit lamang ang dalawang milyon. Subalit para sa isang guro lamang, mabigat na pasanin ito. Pero kayang-kayang pasanin ng isang nasa gitnang uri. Sa librong Gitnang Uring Fantasya ni Rolando B. Tolentino, sinabi niya na upang mapabilang ang isang pamilya sa gitnang uri, kailangang ang taunang kita nila ay nakapaloob sa PhP251,283 hanggang PhP2,045,280.  Ayon sa pag-aaral ng National Statistical Coordination Board, noong 2003, isa sa isang daang pamilya ay kabilang sa uring may mataas na kita at 20 porsiyento lamang ang gitnang uri, at 80 porsiyento ay kabilang sa mababang uri.
            Samakatuwid, kaunti lang naman talaga ang totoong mayaman sa ating bansa. Kahit ang nasa gitnang uri ay 20 porsiyento lamang. Ito ang target ng mga naglalako ng gitnang uring fantasya, at ang sikat na produkto ngayon ay ang condominium living. Sa mga patalastas nito sa telebisyon, diyaryo, at mga magazine, lumalabas na ito na ang katuparan ng pangarap ng lahat na maging sosyal. Iisipin ng manonood at mambabasa na isang sopistikado at glamorosong pamumuhay ang pagtira sa kondominyum. Kaya iyong mga hindi pa kabilang sa gitnang uri ay magsusumikap nang husto upang dumating ang araw na kaya na rin nilang bumili, o kahit makarenta man lamang, ng isang condo unit.
            Kaya mahalaga ang mga sanaysay na katulad ng sinulat ni Taylan upang kalabanin ang walang pakundangang pagbebenta nitong gitnang uring fantasya.
Nag-umpisa ang kalbaryo nina Taylan sa kanilang bagong condo unit nang tumagas ang tubig sa kanilang dingding kapag umuulan. Sinundan ito nang sabihan sila ng building administrator na nagli-leak ang tubo ng kanilang tubig kung kaya binabaha ang unit na nasa ilalim nila. Kailangang baklasin ang simentong nagtatago sa mga tubo upang malaman at maayos kung nasaan ang leak. Noong una, ayaw pumayag ni Taylan dahil maiistorbo ang buhay nila. Saka kung babaklasin ang ilang bahagi ng simento sa kanilang unit, inaalala niya nab aka atakehin ng hika ang isa niyang anak. Sinabihan siya ng building administrator na puwede naman silang lumipat muna sa dormitory ng gusali kaya lang magbabayad sila ng PhP300 kada tao kada araw. Ayaw niyang pumayag. Aniya, “Ayaw kong magbayad sapagkat para sa akin, dalawa lang ang maaaring dahilan kung bakit may leak ang tubo na hindi naman nagagalaw sa loob ng sementong kinababaunan nito.  Una, poor workmanship o poor building construction.   Pangalawa, maaaring substandard ang materyales na ginamit kaya nag-leak kaagad ang mga tubo nito.  Para sa akin, alin man sa dalawang ito ang dahilan ay wala kaming kasalanan kaya dapat lamang na tulungan kami ng developer sa aming kalagayan.”
Oo nga naman. Bakit sina Taylan ang magbabayad sa kapalpakan ng developer ng condo building? Pero sa halip na magsisi ang developer ng gusali sa kanilang kapalpakan, pinutulan pa ng tubig ang unit nina Taylan! Ito ay hanggang sa pumayag si Taylan na bakbakin ang kanilang sahig upang mahanap ang tubong nagli-leak. Kailangan nina Taylan na makiigib sa mga katabing unit nila upang may magamit silang tubig. Ayon pa sa kaniya, “Biglang-bigla, ang condominium ay naging isang condomisyon para sa amin.”
Kalaunan ay hindi na makatiis sina Taylan kung kaya pumayag na siyang bakbakin ang kaniyang sahig. Noong una, gusto pang ipapasan sa kaniya ng building administrator ang gastusin sa pagbabakbak na iyon. Pero hindi pumayag si Taylan. Nang mabakbak ang kaniyang sahig, nadiskubreng wala naman palang leak. Ang leak ay nasa bath tub pala. Nakakaloka.
            Nagsusulputan na parang mga kabute ang mga gusaling kondominyum sa Metro Manila. Hindi lamang sa mga sentrong pangkalakalan kundi kahit sa mga liblib na bahagi ng lungsod. Naalala ko pa noong mga Dekada 90, kapag sumasakay ako ng dyip mula sa amin sa Rosario, Pasig papuntang Cubao, ang Libis ay talagang libis dahil mga talahiban lamang ito. Ngayon, nakamamangha na ang mga matatayog na gusali sa Eastwood  at karamihan sa mga ito ay mga kondominyum. Sa Calle Industria malapit dito ay itinatayo ngayon ang Circulo Verde na isang munting lungsod din ng mga kondominyum. Noong nag-aaral pa ako sa De La Salle University-Manila noong 1995 hanggang 1997, dadalawa pa lamang ang itinatayong gusaling kondominyum. Ngayon, halos hindi na masisikatan ng araw ang kalsada sa bahaging iyon ng Taft Avenue. Nakahihilo na ang tayog ng mga gusali. Ang dating dambuhalang La Salle Hall ay parang anong oras ay matatambakan ng mga kondominyum. Iniisip ko na lamang, siguro naman pumasa sa standard ang plano ng mga gusaling ito at hindi madaling mapatumba ng lindol.
            Kung tutuusin, hindi naman talaga lindol ang nangungunang problema sa pagko-condo. Bukod sa bonggang problemang naranasan ni Taylan, marami pang maliliit na problema ang hatid nito. May isa akong kaibigan na problema ang napakaraming ipis sa condo unit nila. May isa pa akong kaibigan na naiinis sapagkat naaamoy niya ang kung ano mang niluluto ng mga katabing unit niya.
            Ilang buwan ko nang napapansin ang isang karatula sa labas ng Miriam College kung saan ako nagtuturo. Ang nakalagay: “House for Sale. 35 million. Capitol Hill.” Ganito na kamahal ang totoong bahay. Malayo sa isang milyon hanggang dalawang milyon na presyo ng karaniwang condo unit. Samakatuwid, isang gitnang uring fantasya lamang ang pagko-condo dahil ito na ang katumbas sa ating panahon ng low-cost housing sa kalungsuran. 

[Hulyo 2011
Lungsod Pasig]

Friday, July 8, 2011

Mabuhay ang Bayang Moral!

SUMASANG-AYON talaga ako sa kampanya ng Metro Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga bastos na billboard sa ating kakalsadahan. Dapat lamang na pangalagaan nila ang moralidad ng ating bansa. Kaya pumalakpak talaga ako at naiyak sa saya habang ibinabalita sa TV kanina (8 Hulyo 2011)  ang pagbabaklas ng mga dambuhalang billboard ng mga manlalarong nakabrip lamang.
            Imadyin, nakabrip lamang! Hindi man lang sila nahiya! Ang laki pa ng umbok ng kanilang harapan. At ang mga abs nila, halos mabaliw ako kapag tinititigan ko. Muntik na akong na-dehydrate sa sobrang paglalaway. Nakita ko kasi ito nang sumakay ako sa masikip na masikip na MRT. Muntik na akong nang-reyp ng mga lalaking kasiksikan ko kasi nakakita ako ng malaking larawan ng brip! Buti na lang sa sobrang sikip, hindi ako makagalaw. Kung nagkataon, malaking eskandalo talaga. Ano na lamang ang sasabihin ng mga estudyante ko? Nang-reyp si sir nila sa MRT! Que horror!
            Kaya hangang-hanga talaga ako sa papable na tserman ng MMDA na naisip niya ito. At last, may guardian of morality na tayo sa kaniyang katauhan. Ang trapik-trapik na nga sa Edsa pagkatapos kung ano-ano pang kahalayan ang nakikita natin. Tuloy nagbabanggaan ang mga sasakyan dahil nadidistrak ang mga drayber sa mga bastos na billboard.
            Ano na lamang ang mangyayari sa kinabukasan ng ating bayan kung naging manyakis na ang ating kabataan? Kung sinira na ang kanilang ulo sa sobrang libog dahil nakakita sila ng umbok sa brip at ng bakat ng utong ng mga modelo? Wala na. Malulugmok na ang ating bayan. Masisira ang imahen natin bilang “The Only Catholic Country in Asia.”
            Kung ako ang presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), bibigyan ko talaga ng medalya ang tserman na ito ng MMDA. Baka nga i-propose ko pa sa Vatican na reserbahan na siya ng slot para sa beatification niya balang araw. Imadyin, sa dami ng kaniyang dapat gawin, talagang naisip pa niyang isa-isahing tingnan ang mga billboard upang alamin kung alin ang moral at ang imoral sa mga ito. Ipinaglalaban talaga niya ang moralidad ng ating bayan. Kaya mabuhay siya! Tiyak tuwang-tuwa sa kaniya si Cardinal Sin.
            Kaya bilang isang mabuting mamamayan na tumatahak ng tuwid na daan at ayaw na ayaw sa mga bagay na malalaswa, narito ang ilang mungkahi ko sa MMDA:

1.    Utusan niya ang presidente ng Unibersidad ng Pilipinas na pasuotan ng toga ang oblation nila. Masagwa kasi ito. Kahit brip wala! Dahon lang ang takip! Imadyin ang epekto nito sa mga estudyante at mga propesor nila? Hindi ako nagtataka kung bakit napakalibog at napakaimoral ng mga taga-U.P. Oblation pa lang nila ang bastos na. Balutan ‘yan ng toga kahit nakasablay lang sila kung graduation nila.
2.    Ipa-pull out sa mga sinehan ang remake ng Temptation Island. Mahalay ang pelikulang ito! Ang seseksi ng suot ng mga artista rito. Nakikita ang abs dito ni Aljur Abrenica. Dadami na naman ang mga reypist nito lalo na’t box office hit ito. Napakairesponsable ng GMA Films at Regal Films sa pagprodyus ng pelikulang ito. Wala talaga silang sense of morality. Nakadidiri talaga!
3.    Sulatan ang Commission on Higher Education na magpalabas ng memo na magmula ngayon, hindi na maaaring ituro ang human anatomy sa ating mga unibersidad at kolehiyo dahil mahahalay ang larawan sa mga textbook ng sabjec na ito. Walang lugar sa akademya ang hubad na katawan.
4.    Ipatigil ang pagpapalabas ng mga teleserye sa telebisyon na may seksi na mga kostyum. Halimbawa, ang seseksi palagi ng mga damit ni Marian Rivera sa “Amaya.” Ang ganda pa naman niya. Marami pang mga lalaki na nakabahag dito at nakikita ang kanilang pusod lalo na si Sid Lucero. Nakasisira ito sa moralidad ng mga batang manonood. I-require na rin dapat na magpalda si Richard Gutierrez sa “Captain Barbel” . Kitang-kita ang hubog ng katawan niya sa kaniyang suot. Ang halay! Saka huwag na huwag nang payagan na mag-remake pa ng “Dyesebel” at “Darna.” Mahirap nang makakita ang mga manonood ng mapuputing kilikili at hita. Magiging manyakis ang lahat ng makakapanood nito.
5.    Hilingin din sa CBCP na ipagbawal na sa lahat ng mga Filipinong Katoliko na mag-pilgrimage sa Vatican. Baka pumasok sila sa Sistine Chapel at makita nila ang larawang hubad ni Adan at ng iba pang mga santo at demonyo sa kisame ng kapilyang ito kung saan pinagbobotohan ng mga kardinal ang Santo Papa. Masisira ang kanilang moralidad. Saka puwede ba, damitan na ang mga larawan at estatwa ni Kristo na nakapako! Malaking kahalayan ito sa loob ng mga simbahan.
6.    I-ban na dapat ang Facebook sa Filipinas. Kung ano-anong mahahalay na mga larawan ang pinopost dito. Napakaimoral! Sa China nga bawal din ang Facebook buhay naman sila. Mabubuhay pa rin tayo rito sa ating bansa kahit walang Facebook. Ang mahalaga mapangalagaan natin ang ating moralidad.
7.    Mag-lobby sa Kongreso na gumawa ng batas na i-require ang lahat ng mga Filipino na magsutana o kaya ay magburka kung lumabas ng bahay para hindi na makikita ang hubog ng katawan ng bawat isa. Ito lang ang tanging paraan upang hindi tayo magiging manyakis bilang bansa. Tandaan natin, makasalanan ang hubog ng katawan.

            Marami pa sana akong mga mungkahi. Nakakapagod lang magsulat. Pero natitiyak kong eksperto ang mga taga-MMDA kung moralidad lang din ang pag-usapan kaya natitiyak kong maiisip din nila ang mga iminungkahi ko at ang mga imumungkahi ko pa.
            Mabuhay ang MMDA! Mabuhay ang bayang moral!

[8 Hulyo 2011
Lungsod Pasig]