NANGHIHINA ako habang pinapanood ang interbyu ni Boy Abunda kay Ricky Rivero sa “The Buzz” noong Linggo, 26 Hunyo 2011. Para sa akin kasi, ang pananaksak na nangyari kay Ricky ay hindi lamang isang karahasan na ginawa sa kaniya kundi karahasan itong ginawa sa sangkabadingan. Kalabisan mang sabihin pero ramdam na ramdam ko ang labimpitong saksak na kaniyang tinamo.
Ang suspek sa karumaldumal na krimen na ito ay ang ka-Facebook na Ricky na si Hans Ivan Ruiz. Ilang buwan na rin silang FB friends at maraming beses nang nagkita. Ayon pa kay Ricky, bagamat wala silang relasyon ni Ruiz dahil alam niyang may girlfriend ito, may nangyayaring seksuwal sa pagitan nila. At noon ngang gabi ng Dominggo bago nangyari ang krimen, nag-text sa kaniya si Ruiz na magkita sila. Bisi sana sa pagsosyuting si Rivero subalit pinaunlakan din niya ang rekwest ng kaibigan bagamat gabing-gabi na silang nagkita. Nakitulog ito sa kaniya.
Okey naman daw ang kanilang pag-uusap noong nasa bahay na sila ni Ricky. Nanood sila ng TV at pagkatapos natulog din agad dahil maaga pa ang syuting niya kinabukasan. Subalit iyon nga, nagising na lamang siyang nakasakay na sa kaniya si Ruiz at sinasaksak na siya nito. Nanlaban si Ricky. Aniya, “Gigil na gigil siyang sinasaksak ako. Galit siya.”
Nang makawala si Ricky, tumakbo siya sa banyo at nagshower at tiningnan ang mga sugat niya. Marami. Paglabas niya ng banyo, sinalubong umano siya ni Ruiz at sinakal pa ng tuwalya. “Kailangan ko ng pera. Mamamatay ang tatay ko!” sabi nito. Sagot naman ni Ricky, “Oo, bibigyan kita ng pera pero punta muna ako ng hospital.”
Tumakbo si Ricky palabas ng bahay at sumakay sa kaniyang kotse. Nag-drive siya papuntang Heart Center of the Philippines sa Lungsod Quezon, ang pinakamalapit na hospital sa kaniyang tirahan. Habang nagda-drive na duguan, ipinapanalangin ni Ricky na sana huwag siyang mawalan nang malay bago makarating ng ospital. Nakarating naman siya. Naiwan si Ruiz sa kaniyang bahay.
Naabutan ng mga nagrespondeng tanod si Ruiz sa bahay ni Ricky. Paalis na ito at may dalang knapsack na ang laman ay mga mamahaling gamit ni Ricky tulad ng laptop. Positibong itinuro ni Ricky sa harap ng mga pulis sa ospital si Ruiz na siya ang sumaksak sa kaniya.
Habang nakakulong, sinasabi ni Ruiz na hindi raw niya alam ang mga pangyayari. Si Ricky umano mismo ang gumising sa kaniya. Hindi raw niya alam na sinasaksak niya ito.
Sa replay ng programang dokumentaryon ng GMA7 na “Tunay na Buhay” noong Lunes, 4 Hulyo 2011, gin-feature ang buhay ni Ruiz. Dalawampu’t dalawang taong gulang ito at kagagradweyt pa lamang sa kolehiyo sa isang unibersidad sa Manila. Self-supporting student siya at mayroong iskolarship bilang kasapi ng varsity sa volleyball. Nangungupahan ng isang maliit na bahay ang kanilang pamilya sa isang bayan sa Bulacan. Kasama niya ang kaniyang tatay na dating taxi driver at may sakit na ngayon, at ang dalawa niyang kapatid na babae. Sabi ni Ruiz, hindi naman daw sila mahirap, subalit hindi rin maalwan. May mga pagkakataon daw na gipit sila subalit naitatawid naman. Natanggal siya sa trabaho dahil sa kasong ito na kinasasangkutan niya. Ang tanong pa nga ng dokumentaryong ito, ano na raw ang naghihintay na kinabukasan kay Ruiz matapos ang insidenteng ito.
Masaya ako na may isang abogada na nag-alok ng kaniyang libreng serbisyo kay Ruiz. Nanay yata ito ng isang ka-batch niya sa kolehiyo. Kakasuhan kasi talaga siya ni Ricky. Gusto kong sundan ang kasong ito dahil mahalaga ito sa sangkabadingan hindi lamang dito sa Filipinas kundi sa buong mundo. Sa pamamagitan ng kasong ito, mas lilinaw ang mga totoong pangyayari at lalong lilitaw ang katotohanang nakabase sa mga ebidensiya at lohikal na mga argumento.
Sinabi pa ni Ruiz na sana huwag siyang husgahan ng madla kaagad katulad ng nangyayari sa ngayon. Lumalabas daw sa TV na si Ricky ang biktima. Biktima rin daw siya. Biktima ng ano? Si Ricky ang nasaksak ng labimpitong beses!
Hangang-hanga ako kay Ricky hindi lamang dahil sa pagharap niya sa pambansang telebisyon upang ibahagi ang kaniyang kahindik-hindik na karanasan. Hanga ako dahil isang matibay na tao ang nakita ko sa telebisyon. Isang matibay at matino na mamamayan ng bansang ito na ginawan ng masama ng taong kaniyang pinagkatiwalaan.
Sabi nga ni Charlene Gonzales, hindi raw siya makapaniwala na mangyayari ito kay Ricky na ayon sa kaniya “is a well-loved person in the industry. Sabi naman ni Buy Abunda, “Ricky is such a nice guy.”
Ilang araw matapos masaksak si Ricky, may pumutok na namang balita tungkol sa isang bading na call center agent na sinaksak din ng lalaking inimbitahan nito sa nirerentahang bahay. Natagpuan siyang duguan at patay. Sabi ng kapatid nitong lalaki na ininterbyu sa TV, mahirap lamang daw sila at itong kapatid nila ang inaasahan nilang mag-aahon sa kanila mula sa kahirapan. Nagtapos na raw kasi itong kapatid nila ng abogasya at kukuha na sana ng bar ngayong taon.
Isang bading na naman na biktima ng karumal-dumal na krimen. Isang buhay na naman na nasayang.
Ilang taon na ang nakalilipas, may mga serye ng pagpatay sa mga bading sa loob ng kanilang bahay ang nangyari sa Lungsod Quezon. Klarong hate crime ito. Pero wala ring nangyari sa kanilang mga kaso.
Noong nasa Iloilo pa ako nagtatrabaho mga limang taon na ang nakalilipas, may isang supervisor ng Department of Education ang pinatay sa kaniyang hotel room kung saan dumadalo siya ng seminar. Nagsususpetsa ang lahat na bading ito subalit dedma na kasi matanda na ang mama at may asawa’t mga anak ito. Nagdala yata ng lalaki sa hotel room at pinatay siya at ninakawan. Natagpuan ang katawan niyang may 94 na saksak! Oo, siyamnapu’t apat na saksak! Samakatuwid, biktima siya ng karumal-dumal na krimen. Subalit ano ang nangyari sa kaniyang kaso? Wala. Ayaw ng mga anak niya na imbestigahan pa nang malaliman ang nangyari dahil ayaw nilang maeskandalo. Nahihiya silang malaman ng iba na bading nga kanilang ama. As if hindi pa ito alam ng mga tao. Walang natamong katarungan ang lola naming ito.
Ang krimen na nangyari laban kay Ricky, at lalo na sa namatay talagang mga biktima, ay hindi lamang krimen ng isang lalaki laban sa isang bading. Krimen ito ng lipunang nilason ang isipan ng homophobia, isang takot sa mga homoseksuwal na walang basehan o hindi pinag-isipan at produkto lamang ng bigotry. Ang tinutukoy kong lipunan ay ang simbahan, pamahalaan, at eskuwelahan. Lalo na ang simbahang Katoliko.
Alam kong kasalanan din ang pagiging bading at lesbiyana sa relihiyong Islam. Pero wala pa akong napanood sa TV na imam na nilalait ang mga homoseksuwal. Dito sa ating bansa ang mahilig magsalita ng masama laban sa mga bading at lesbiyana ay ang mga obispo ng simbahang Katoliko katulad ni Arsobispo Teodoro Bacani ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP na kamakailan lamang ay nagsalita sa TV na “nakakadiri” ang pagpapakasal ng dalawang lalaki. Si Obispo Pedro Quitorio naman ay inihambing sa pangingidnap ang homosexual marriage.
Ngayon magtataka pa ba tayo kung bakit may mga nangyayaring hate crime laban sa mga homoseksuwal dito sa Filipinas? Napakairesponsable ng mga katulad nina Bacani at Quitorio, naturingan pa silang mga tao ng simbahan at sana ay mga tao rin ng Diyos. Malaki ang kinalaman ng kanilang masasamang salita sa mga pananakit at pagpatay sa mga bading.
Ganito kasi iyon. Naipunla na sa isipan ng madla na “nakakadiri” at “krimen” ang pagkabading, ang pagkalesbiyana. Maliliit pa ang mga batang lalaki, maaaring katulad halimbawa ng mga katulad ni Ruiz, naririnig na nila ito mula sa maruruming bunganga ng mga obispo mismo. Tutubo at lalago ang ideyang ito sa kanilang utak, sa kanilang kaluluwa. Subconsciously, maniniwala silang “makasalanan,” “nakakadiri,” at “kriminal” (therefore “salot sa lipunan”) ang mga bading. Kaya kung mainis ka sa kanila o kung hindi ka pinagbigyan sa hiningihi mong pera (gayung kinaibigan, pinakisamahan, at nagpahada ka naman sa kanila), sakalin mo sila at saksakin. Tutal peste naman ang mga ‘yan. Tutal salot naman sila. Tutal makasalanan naman ang mga ‘yan ayon sa mga pari at obispo.
Ang implikasyon ng sinasabi nina Bacani at Quitorio ay okey lang na patayin ang mga bading at lesbiyana dahil katulad ng daga, ipis, at mikrobyo, nakakadiri sila. Okey lang din na saktan at bastusin ang mga bading at lesbiyana dahil mga kriminal ang mga ‘yan tulad nga ng mga kidnaper. Saksakin mo na sila dahil masusunog din naman ang kaluluwa ng mga ‘yan sa impiyerno.
Kung gayon, naisip ko, biktima rin nga si Ruiz sa malagim na pangyayaring ito. Biktima rin ang iba pang mga lalaki na nananakit at pumapatay sa mga bading. Biktima sila ng panlalason ng utak na ginagawa ng mga obispo!
Hanggat nangyayari ang ganitong pang-aapi sa mga bading, hindi uusad ang lipunang Filipino dahil walang kapayapaang mangyayari. Kaya dapat ang lipunan mismo ang magbago ng pananaw upang tuluyang tanggapin na, oo, tao rin kaming mga bading, umiibig at may karapatang umibig na hindi matatakot na saksakin sa sariling bahay.
Muli, hanggat itinuturo ng mga simbahan, lalo na ng simbahang Katoliko, na kasalanan sa Diyos ang pagiging bading, maraming katulad ni Ruiz ang mag-aakalang okey lang saksakin nang labimpitong beses ang bading tutal makasalanan naman iyan. Kaya sa tingin ko, dapat sa bawat isang bading na mamamatay dahil sinaksak ng lalaki sa bahay o apartment nito, isang kaluluwa ng obispo (Yes, taga-CBCP dapat!) ang dapat masunog sa impiyerno! Ito lang ang paraan upang bilang isang bading, patuloy akong maniniwala sa Diyos ng Katarungan.
***
SA “24 Oras” ng GMA7 kani-kanina lamang (4 Hulyo 2011), ibinalita ang bagong kuwento ni Ruiz. Tinangka umano siyang “reypin” ni Ricky kung kaya nanlaban siya at sinaksak niya ito. Siyempre itinanggi naman ito ni Ricky. Galit na si Ricky at masamang-masama ang loob kay Ruiz sa akusasyon niyang ito dahil naging mabuti umano siya sa lalaking ito. Ang alam ni Ricky, noong nasaksak na siya, humihingi ng pera sa kaniya si Ruiz dahil may sakit daw ang tatay nito.
Nakapagtataka ito. Bakit ngayon lamang ito sinabi ni Ruiz? Noong bago pa lamang siya nahuli, sinabi niya na hindi niya sinasadyang saksakin si Ricky. Tulog umano siya at si Ricky pa raw mismo ang gumising sa kaniya. Ang sinasabi niya ngayon, “nagising ako na hinihipuan na niya ako.” Hinawakan pa umano siya sa leeg ni Ricky kaya nanlaban siya.
Naniniwala ako sa sinabi ni Atty. Evalyn Ursua, abogada ni Ricky, na ito ay isang “evolving lie.” Bakit ngayon lamang ito sinabi ni Ruiz? Ilang beses na siyang nainterbyu sa telebisyon mula noong makulong siya at hanggang pansamantalang nakalaya. Wala siyang binabanggit na tinangka siyang halayin ng aktor-direktor.
Nakalulungkot talaga ito. Kaya mabuti na talaga na umusad na ang kasong ito sa korte upang maging malinaw na ang lahat.
Muli, isang katotohanan na si Ricky ang nagtamo ng labimpitong saksak mula sa taong pinatuloy niya sa kaniyang bahay dahil inaakala niyang kaibigan niya ito.
Sige, ipagpalagay pa natin na pinilit, o kahit pinuwersa, pa ni Ricky si Ruiz na makipagtalik sa kaniya. May karapatan ngayong magalit si Ruiz. Subalit bakit hindi na lamang niya sinuntok si Ricky? O tinadyakan kaya? O kung sasaksakin man niya, bakit hindi dalawa o tatlo o limang beses lamang? Bakit labimpito?
Maliwanag na maliwanag na si Ricky ang biktima rito. Period.
[Hulyo 2011
Lungsod Pasig]